"DAHAN-DAHAN LANG NAMAN, BRO! Masakit!" reklamo ni Raff nang hindi makayanan ang sakit sa kanilang ginagawa. Hindi na niya mai-describe ang sakit na nararamdaman sapagkat nili-lazer lang naman kasi ngayon ang balat niya para maalis ang tattoo niya sa kaniyang dibdib.
"Kahit dahan-dahanin ko masakit pa rin ito, bro," kantyaw sa kaniya ng kabarkadang si Rolly. Sinundan iyon ng malutong na tawa. Ito ang malakas ang loob sa lahat ng kabarkada niya na magsagawa ng Laser Tattoo Removal sa balat niya.
"Napapala ng taong kung magmahal ay sobra-sobra," parinig naman sa kaniya ni Jomz.
"Nagsalita ang hindi rin nabaliw sa babae!" Binato niya ito ng nadampot niyang throw pillow. Nasa condo sila ni Jomz. Doon isinasagawa ang pag-aalis ng kaniyang tattoo.
Nagtatawa si Jomz na lumayo.
"T*ng ina talaga!" malutong na mura ulit ni Raff. Paraan niya upang maibsan ang nararamdaman niya sa tuwing pinapaso siya. Naiinis din siya dahil nasaktan na siya ni Jaz nang iwanan siya noon tapos ngayon ay heto na naman nasasaktan na naman siya mabura lamang ang pangalan nito sa balat niya.
Jaz is his ex-girlfriend, who cheated on him two years ago. At ang tattoo na ipinapabura niya kay Rolly ngayon sa dibdib ay yes, pangalan nga ni Jaz. Ngayon siya nagsisisi kung bakit pina-tattoo niya noon ang pangalan ng babaeng iyon sa kaniyang dibdib. Kung alam lang niya na mangyayari iyon, na maghihiwalay rin pala sila dahil mabubuntis ito ng iba, hindi niya sana magagawa ang pagpapa-tattoo. Para tuloy siyang tinutusta ng buhay ngayon.
"Aahh!" Muling idinikit ni Rolly sa balat niya ang dulo ng matulis na aparatong pambura ng tattoo. Sumirit ang balat niya. Para iyong balat ng baboy na idinarang sa mainit na baga. Umusok din iyon.
"Awat muna, bro! Masakit na talaga!" mayamaya ay pigil na niya kay Rolly dahil para na siyang mahihimatay sa matinding hapdi. Wala kasing anesthesia dahil pinili niyang masaktan. Naisip niya baka kapag masasaktan siya at tuluyan nang mabura ang anumang natitira pang pagtingin niya kay Jaz.
"Saglit na lang ito," sabi ni Rolly, tuwang-tuwa ito sa ginagawa. Palibhasa ay hindi ito ang nasasaktan.
"Tama na. Hindi ko na kaya," pigil pa rin niya sa kabarkada.
"But it's not yet done, bro?"
"Hayaan mo na," giit niya. Tagatak ng pawis ang mukha niya. Namumutla na rin siya.
"Are you sure? Kung gusto mo gamitan na natin ng anesthesia?"
"No. Okay na. Ayos na 'to," nakangiwing saad niyang napapahawak at napapatingin sa gilid ng balat niyang nasunog ng napakainit na aparato. Medyo hindi pa iyon nabubura dahil may mga itim-itim pa sa gilid. Pero okay na 'yon, at least hindi na nababasa ang pangalan na 'JAZ'. Saka na niya ipapalinis at baka mahimatay na talaga siya sa sobrang sakit na nadarama.

BINABASA MO ANG
HER NAME IS MY EX'S NAME
RomanceGalit na galit si Raff Fontanilla sa ex-girlfriend na ang palayaw ay JAZ. Naging Sir OA na tuloy siya dahil lahat na ng JAZ ang pangalan ay kinamumuhian niya. May pag-asa kaya si Jazmira na crush siya noon pa na mabuksan muli ang puso niya?