KINABUKASAN, KAHIT PAANO ay masigla na si Jaz nang muli siyang pumasok sa trabaho. Pero kung sisilipin kung ano'ng ginawa niya kagabi bago matulog para maka-move on sa ginawa sa kaniya ng crush niyang si Raff Fontanilla ay para na talaga siyang nabaliw.
Pinagpupunit lang naman niya kasi ang mga poster ng binata na nakadikit sa kuwarto niya.
"Pinagsisisihan ko na naging crush kita. Ang sama pala ng ugali mo! Wala namang ginawa sa iyo ang tao pero bigla mong ipapatanggal! Wow, galing mo! Sana pala hindi ka na lang nagpunta dito sa La Union! Sana pala binakuran ko ang Sunkiss Resort para hindi ka nakapasok! Tse!" sabi niya habang pinupunit ang mukha ng binata sa larawan, tapos ay isho-shoot niya sa basurahan na nasa tabi ng kabinet.
"Hindi ka dapat hinahangaan! Dapat sa 'yo ginaganito!" sabi rin niyang gigil na gigil habang kinakalumos naman ang isang poster.
Ang isa pa ay sinulat-sulatan niya ng ballpen hanggang hindi na makita ang guwapong mukha ni Raff sa larawan. Kung marunong nga lang sana siya sa pangungulam ay baka kinulam na niya pati ang binata.
Lahat kasi ng poster ni Sir Raff nila sa resort ay lihim siyang nag-uuwi ng isa. Ginawa niyang collection ang larawan ng noo'y crush na crush niyang binata kaya madami siyang mukha ni Raff sa kaniyang kuwarto.
"'Yan ang bagay sa 'yo! Binubura sa mundo!" duro niya sa puro itim ng ballpen ng mukha ng binata.
'Yung isa naman ay sinulatan niya ng 'DYABLO ANG LALAKING ITO' tapos drinowingan ng sungay at buntot.
Masama. Masamang-masama kasi ang loob niya talaga sa binatang kay tagal niyang hinangaan, kay tagal niyang hinintay tapos ang ipapakita sa kaniya. Wala naman siyang ginagawang masama pero gusto siyang ipatanggal sa trabaho. As in agad-agad pa. Gawain ba iyon ng matinong lalaki? Hindi. Dahil gawain iyon ng hindi tao kundi ng dyablo.
"Wow! Ngiting-ngiti tayo, ah? Parang walang pinagdadaanan?" puna sa kaniya ni Cleo nang nagbibihis sila ng uniform.
"Syempre," maliksi niyang sabi.
"Parang walang nangyari?"
Ngumuso siya. "At least nakita ko agad ang tunay na ugali ng lalaking 'yon."
"Sus, if I know drama mo lang 'yan. Ikaw pa? Eh, patay na patay ka nga kay Sir Raff?"
Sinusuot na nila ang uniform nila at inaayos.
"Hindi na. Hindi ko na talaga siya crush. Turn off na ako sa kaniya," giit niya kasi totoo naman. "Dyablong 'yon! Tse!"
"Kasi turn off din siya sa 'yo. Rampa pa kasi," giit nga lang din ni Cleo tapos humagigik. Pinagtatawanan talaga siya ng bruha. Sarap upakan.
"Heh! Tigilan mo ako!" sabi na lang niya at nauna nang lumabas sa locker room.
"Oy, wait. Sabay na tayo," pero habol din naman nito sa kaniya.
Bahagyang siniko na lang niya ito sa braso at sinimangutan para magitigil sa kakatawa.
Nang bigla'y may humarang na kasamahan nila sa kanya at parang may iniindang sakit sa tiyan. "Jaz, pasuyo naman ako, oh?"
"Ana, bakit?"
Imbes na sumagot ay 'yung key card ang inabot sa kaniya.
"Ano 'to?"
"Please, Jaz, ikaw muna ang bahala sa paglilinis sa penthouse kasi ang sakit talaga ng tiyan ko, eh. Pasuyo lang, please? Nag-i-LBM kasi ako, eh. Salamat."
At hindi pa man siya pumapayag ay tumalilis na ng alis si Ana.
Napakibit-balikat na lang si Jaz na ibinulsa ang key card ng penthouse. Wala siyang magagawa dahil iyon naman talaga ang trabaho niya rito, ang maging reliever sa mga kasamahan na nagkakasakit o nagdi-day-off o 'yung mga naga-absent.

BINABASA MO ANG
HER NAME IS MY EX'S NAME
Любовные романыGalit na galit si Raff Fontanilla sa ex-girlfriend na ang palayaw ay JAZ. Naging Sir OA na tuloy siya dahil lahat na ng JAZ ang pangalan ay kinamumuhian niya. May pag-asa kaya si Jazmira na crush siya noon pa na mabuksan muli ang puso niya?