MAKALIPAS ANG ILANG BUWAN, naging peklat na lang ang ipibinurang tattoo sa dibdib ni Raff. Pero kasabay ng pagpapagaling niya n'on ay ang galit namang namuo sa dibdib niya sa pangalang Jaz. Naging phobia na sa kaniya ang pangalang Jaz. Sa tuwing makakabasa at makakarinig siya ng pangalang Jaz ay nanginginig na siya sa galit. Isinusumpa na niya ang lahat ng Jaz sa buong mundo.
"Raff, sandali at may sasabihin ako," isang hapon ay tawag sa kaniya ng mommy niya. Nadaanan niya ito sa sala at nagtutupi ng damit. Napabalik siya sa paglabas niya sana ng bahay.
"What is it, Mom?" walang kalatoy-latoy na tanong niya sa ina.
"Wala na kayong pasok next week, hindi ba, Anak?"
"Opo," magalang niyang sagot. Kahit only son siya at hiwalay pa ang mommy niya sa daddy niya ay hindi siya naging spoiled sa ina. Sobrang istrikta nito dahil mahal na mahal daw siya.
"Mabuti kung gano'n dahil tumawag ang dadddy mo. Umuwi ka raw sa kan'ya ngayong bakasyon dahil kailangan ng resort niyo ng magbabantay. May aasikasuhin daw kasi sila ng Tita Gemma mo sa Hong Kong. Ang sabi ikaw raw muna ang tatao sa resort habang wala sila kung okay lang sa 'yo."
Agad na nagsalubong ang dalawang kilay ni Raff. Ipinakita ang pagkadisgusto.
"Sige na, Son. Pumayag ka na para hindi ka na naman maburo dito sa bahay habang bakasyon. Isa pa'y mabuti nang nandoon ka kaysa kung saan-saan na naman kayo magpupunta ng mga barkada mo. Bigyan mo naman ako ng panahong mag-relax sa stress ko sa iyo. Ang daddy mo naman ang bigyan mo ng problema doon."
Mayroong botika ang mommy niya na may limang branch na sa Maynila. Iyong ang totoo na nagpapa-stress dito at hindi siya. Mula nakipaghiwalay ito sa daddy niya dahil babaero daw ang dad niya ay wala nang inatupag kundi ang negosyo kaya biglang lago. Hindi naman niya ito matulungan dahil ano ang alam niya sa mga gamot.
Civil Engineering ang kurso niya at isang taon na lang ay matatapos na siya. Wala rin kinalaman ang kurso niya sa resort ng bagong asawa ng daddy niya pero at least doon sa resort ay nag-i-enjoy siya kahit paano kapag nandoon siya.
Ang Sunkiss Resort ay malawak at kilala sa mga turista na resort sa probinsya ng La Union. Namana ito sa ama ng bagong asawa ng daddy niya. Dahilan para doon na rin nananatili ang kaniyang ama.
At malakas ang resort. Dumadagsa raw ang mga tao na nagbabakasyon tuwing summer.
"Kahit hanggang sa pagbabalik nina Daddy mo ka lang doon. Hindi raw puwedeng walang tatao roon kahit pa may manager at mga staff sila. Mas tiwala pa rin daw ang Tita Gemma mo na kahit isa sa inyo pamilya na niya ang nakabantay sa resort. Ganoon siya ka-hands-on," ingganyo pa ng mommy niya sa kaniya.
"Pero, Mom..." Aayaw pa rin sana si Raff dahil doon niya nakilala noon si Jazmin De Vera—ang ex-gf niyang kinamumuhian niya ngayon nang matindi. Minsan, noon pinagbakasyon din siya ng dad niya sa resort ay nakilala niya ang dalaga. Doon niya rin niligawan hanggang sa naging sila.
Isa pa, kasabay nang paghilom ng pinabura niyang tattoo ay nag-uumpisa na niya itong makalimutan. Paano niya makakalimutan nang lubos ang babaeng iyon kung uuwi na naman siya roon? Paniguradong babalik na naman ang lahat ng mga ala-ala at sakit sa puso niya kapag makikita niya ang mga lugar doon kung saan sila minsan naging masaya at nangarap na magsasama habambuhay ni Jazmin De Vera.

BINABASA MO ANG
HER NAME IS MY EX'S NAME
RomanceGalit na galit si Raff Fontanilla sa ex-girlfriend na ang palayaw ay JAZ. Naging Sir OA na tuloy siya dahil lahat na ng JAZ ang pangalan ay kinamumuhian niya. May pag-asa kaya si Jazmira na crush siya noon pa na mabuksan muli ang puso niya?