●1●Si Tikong ay isang magsasaka.
Mapagmalupit siya sa mga hayop lalong-lalo na sa alaga niyang kabayo.Hindi lingid sa kaniyang mga ka-baryo ang kaniyang mga gawi, ngunit minabuti na lamang nila ang magsawalang-kibo. Malayo sila sa kabayanan at sa kanilang lugar ay si Tikong ang medyo 'may-kaya', magsasaka din itong 'paris nila subalit pag-aari nito ang lupang sinasaka at marami din itong pag-aaring hayop kung kaya't sa panahon ng kagipitan sila ay sa kaniya lumalapit upang mangutang.
Ang masaklap, kahit alam nito ang kanilang kagipitan ay malaki pa din itong mag-lagay ng interes, bagay na siyang dahilan upang halos lahat sa kanila ay 'mabaon' sa kanilang pagkakautang dito.
»»»●«««
Lunes.
Araw ng kaniyang paniningil sa mga may utang sa kaniya. Maagang lumabas si Tikong ng bahay. Bago kasi siya maningil ay titingnan niya muna kung mayroong huli ang kaniyang mga patibong sa kagubatan at dahil nagmamadali, ipinasya niyang sumakay sa alagang kabayo.Habang daan ito ay kaniyang nilalatigo. Ang likod nito ay punung-puno na ng latay, nagdurugo sa kaniyang bawat hagupit!
Hindi nagtagal, siya ay nakarating sa gubat.
Doon ay nakita niyang may 'huli' nga ang isang patibong na kaniyang iniwan noong nagdaang araw. Sikip sa dami ng ibon na nahuli ang lambat na kaniyang inilatag sa lupa kahapon, ngayon ito ay nakabitin na sa puno.Bumaba sa kaniyang kabayo si Tikong. Agad nitong kinuha ang lambat at lalong isiniksik sa loob ang mga ibon upang madali niyang maisabit ang lambat sa likod ng kabayo. Nabigatan man ng husto ang kabayo, hindi ito makaangal dahil takot na ma-latigo muli.
Pumasok siya sa pusod ng kagubatan sakay ng kaniyang kabayo. Nakatali pa din dito ang lambat na siksik ng lamang ibon, doon ay may isa pang patibong itong babalikan.
Ilang araw na ang nakakalipas ng ito ay kaniyang iniwan, dahil may kalayuan kaya ngayon niya lamang ito nabalikan. Nakakulong ngayon dito ang isang malaking usa. Mahina na ito dahil sa gutom at lungkot...
Sa labas ng kulungan kung saan ito ay nabitag- makikita ang isang batang usa, malungkot ito at mahina na din.
Kailangan nito ng gatas mula sa ina.Sa halip na mahabag sa kaawa-awang kalagayan ng mag-inang usa, masiglang kinuha ni Tikong ang patalim, at sa harap ng inang usa, kinatay nito ang batang usa!!
Pumatak ang luha sa mga mata ng inang usa, sa mahinang tinig nito ay humingi ito ng tulong sa nangangalaga ng kalikasan sa kagubatang iyon.
Lingid sa kaalaman ni Tikong, ang usa na naghihinagpis ay tumatangis sa lengguwahe na tanging ang diwata ng kalikasan at kapwa nito mga hayop lamang ang nakakarinig at nakakaunawa.
●2●
Malayo man si Diwani, ang Diwata sa kagubatan na iyon ay nadinig pa din niya ang malakas na hingal ng nahihirapan na kabayo at hinagpis ng inahing usa habang pinapanood nito ang pagkatay ni Tikong sa kaniyang anak, gayundin ang pagtangis ng mga ibon sa lambat, dalawa na sa mga ito ang namatay dahil sa sobrang sikip at sa pagkaka-ipit na dahilan upang sila ay ma-suffocate at tuluyan nang hindi makahinga.
Mula sa kung saan, si Diwani- ang diwata ng kagubatan ay lumitaw!
Gulat na gulat si Tikong sa biglang pagdating ng 'di nakikilalang nilalang.
BINABASA MO ANG
MGA KUWENTO NI M.E.C.A
Short Story#25: Short Story Category December 21, 2016 Naglalaman ng mga maiigsing kuwento para sa kabataang pilipino. Nasusulat po saTagalog Ang mga istoryang inyong mababasa sa loob (Tagalog Dialect).