9-Si Tetay

19.9K 839 341
                                    

"Sabi ko, hindi ko na kailangan pa ng isa pang katulong!"

Naputol ang pagmumuni-muni ni Tammy nang marinig niya ang galit na boses ni Aling Simang mula sa salas. Agad siyang naglakad papunta doon at nagtago sa sulok. Nakita niya ang matanda na may kinagagalitan na dalaga. Mahaba at kulot ang buhok nito at katamtaman ang pangangatawan. Mukhang magkasing-edad lang sila ni Tammy, at sa itsura ng babae, ay mukhang nagmamakaawa ito kay Aling Simang.

"Señora, parang-awa niyo na po, payagan niyo po ulit akong makabalik dito bilang isang katulong. Hindi na po ako lalayas muli ng walang paalam. Wala na talaga akong matutuluyan, at hindi na po kami ng aking nobyo." Bakas sa mga mata ng dalaga ang mga luha, kahit na nagtatago si Tammy sa isang poste sa sulok.

"Kahiya-hiya kang babae ka! Matapos mong makipagtanan sa walang kwenta mong kasintahan, tapos babalik-balik ka dito?! Pwes, pasensiya ka na lang, Tetay! May kasambahay na ako dito at mas maayos siya kaysa sa iyo! Ikaw kasi, puro lalaki inaatupag mo!"

Pumamewang si Aling Simang. Nagkataong nakita niya si Tammy mula sa sulok ng kanyang pinagtataguan. Tinawag niya ito.

"Lumapit ka dito, hija."

Agad namang lumabas si Tammy at tumabi kay Aling Simang.

"Ito ang bago kong kasama dito. Mas maayos siyang magtrabaho. Hindi ito bahay ampunan na lalayas ka lang kapag naisipan mo! Ngayon, pasintabi na lang, at hindi na kita mapapatuloy pa."

Lumapit ang dalagang si Tetay at lumuhod sa harap ni Aling Simang. Humawak siya sa mga kamay nito.

"Señora Simang, hindi na po ako maglalayas. Di na rin po ako makikipag-kasintahan sa kung sino-sinong mga lalaki. Aayusin ko na po trabaho ko, pangako po iyon!" Patuloy sa pag-iyak si Tetay.

"Aling Simang, siguro bigyan natin siya ng isa pang pagkakataon," mahinahon na wika ni Tammy.

Matalim siyang tinignan ni Aling Simang. "Naku, kung alam mo lang, di siya maayos maglinis! Palagi na lang siyang kumikiri sa mga lalaki dito!"

"Pangako po, Señora, iiwasan ko na pong maging kiri! Aayusin ko na po trabaho ko!" Pagtangis ni Tetay.

Nanahimik si Aling Simang. Pagkatapos ay napabuntong-hininga siya at sinabing:

"Oh siya, pwede ka na ulit dito basta ayusin mo gawa mo."

Napatayo si Tetay at yumakap kay Aling Simang.

"Salamat po Señora! Pagbubutihin ko na po!"

---

Dinala ni Tammy ang dalagang si Tetay sa kanyang kwarto. Doon din siya matutulog. Magkatabi sila nagyong nakaupo sa gilid ng kama. Habang nag-aayos ng gamit si Tetay ay naging masaya na ang wisyo nito.

"Bago ka pala dito?" Tanong niya kay Tammy habang nagtitiklop ng kanyang mga damit.

"Oo, kahapon pa." Kinuha ni Tammy ang isang blusa ni Tetay at tiniklop ito.

"Taga-saan ka at anong pangalan mo?"

"Tammy pala. Ta-mi. Taga Hong Kong ako."

At kinuwento na naman ni Tammy ang palagi niyang sinasabi tuwing tinatanong kung taga saan siya at bakit siya nandito.

"Kawawa ka naman. Namatayan ka pa tapos nanakawan." Nalungkot muli ang mukha ni Tetay sa kalunos-lunos na nangyari kuno kay Tammy.

"Kinakaya naman. Sa ngayon nag-iipon ako para makauwing Hong Kong." Pinilit ni Tammy ang ngumiti pero iba nasa loob niya.

Sana makabalik na ako sa kapanahunan ko. Oo nga pala, kailangan kong ma-solve ang misteryo ni La Señorita, paalala niya sa sarili.

The SenoritaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon