22-Pamamaalam

16K 636 162
                                    

Tahimik na umiiyak si Tammy kasama sila Emilio, Dario, at Juan. Sa harapan nila ay isang kahoy na kabaong kung saan nakahimlay ang walang buhay na katawan ni Manuel De Leon, bente anyos. Namatay siya dahil sa pagkakabaril ng isang gwardiya civil nang tinangka niyang sagipin ang kuya na si Julian.

Hindi makapaniwala ang lahat sa pangyayari. Nais lang niyang kausapin ang kanyang nakatatandang kapatid at ang kasintahan nito ukol sa pagtatanan nilang dalawa nang maganap ang malagim na trahedya.

"Bakit ba ito nangyari? Bakit siya pa?" Humahagulgol na si Dario at di na siya nahihiyang ikubli ang nararamdamang hinagpis. Tinatapik naman ni Ilyong ang kanyang balikat.

"Kasalanan ito ng kanyang manong, kung tutuusin," pahayag ni Juan. "Gusto lang niya na matauhan ang kanyang kapatid. Kahit kailan ay di pwedeng umibig ang mga indio na kagaya natin sa mga alta sociedad na kagaya ni Almira."

"Sana di na lang kami pumayag ni Ilyong na sagipin sila Julian. Kasalanan ko rin ito." Lalong umiyak si Tammy. "Patawarin mo kami, Manuel. Sana nandito ka pa kasama namin."

"Huwag mong sisihin ang iyong sarili. Hangad lang natin na mapabuti ang kapatid niya, lalo na siya." Lumapit sa kanya si Ilyong at hinayaan niyang umiyak ang dalaga sa kanyang balikat.

"Sadyang kay iksi ng buhay. Walang nakakaalam sa hinaharap." Tumabi sila Aling Simang at Tetay sa kanila. "Minsan nang sinabi sa akin ni Manuel ang kanyang hinaing sa bawal na pag-iibigan ng kanyang kapatid at ni Señorita Almira. Sana napigilan ko siya sa binabalak ninyo. Ngunit huli na ang lahat. Diyos na lang ang bahala sa kapalaran ng kanyang kapatid at ni Señorita."

Tumayo ang matanda at nilapitan si Tammy. Niyakap niya ito at hindi na kailangan ng salita upang ipahayag ang kalungkutang nadarama.

Dalawang gabi sila nasa funeraria kasama ang ibang mga estudyante sa dormitorio. Wala nang pamilya si Manuel kaya sila na lang ang halinhinan na naglalamay. Tungkol kay Julian, wala pa rin silang balita mula nang nakulong ito.

Sa huling gabi, nabigla sila nang dumalaw sila Aron Sarrael at ang mga kaibigan nito.

"Anong ginagawa mo dito?"

Napalingon si Tammy nang makita niyang hinaharang ni Dario ang nasabing binata sa may pintuan.

"Por favor, nais lang namin magbigay respeto sa mga huling sandali ni Senyor De Leon," mahinahon na pahayag ni Sarrael.

"Dahil sa lahi niyo ay kaya siya nawalan ng buhay!" Galit na punto ni Dario.

"Pakiusap, hayaan niyo silang makiramay." Tumayo na si Tammy para lapitan si Dario. "Mukha naman silang tapat sa kanilang hangarin."

Tiningnan ni Dario si Tammy. Di kalaunan ay pumayag na ito at pinapasok si Aron Sarrael at ang dalawang kaibigan nito. Tahimik silang nagpunta sa harapan at umusal ng maiksing panalangin para sa ikatatahimik ng kaluluwa ni Manuel.

Natapos na sila at lumapit sa grupo nila Tammy.

"Adios amigos, maraming salamat sa pagpapatuloy ninyo sa amin at sa paniniwalang wala kaming masamang pakay," wika ni Sarrael. "Ang totoo niyan, hanga ako sa katalinuhang pinapakita ni Senyor De Leon sa klase. Minsan pala niya akong tinulungang mag-aral para sa nalalapit naming pagsusulit noong isang linggo. Nakita ko siya sa silid-aklatan at nang makita niya ako, agad siyang nagtanong kung may kailangan ba ako. Nasabi ko na di ko makuha ang huling tinuro sa amin sa Matematiko, kaya nagpasya siyang ituro sa akin ang leksyon. Ako'y nanghihinayang dahil iyon na pala ang una at huli naming pagkikita. Batid ko ang kanyang busilak na kalooban."

Nagpalis ng luha si Sarrael sa kanyang mga mata, habang ang dalawa niyang kasama ay balot ng katahimikan. Tahimik na nakikinig sila Tammy at Dario, kasama sila Ilyong at Juan.

The SenoritaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon