14-Isang Bisita

18.1K 755 42
                                        

Nagbalik na ulit si Aling Simang pagkatapos niyang magpunta sa Laguna para dumalo sa kasal ng isa niyang pamangkin. Mabuti at hindi niya nahalata ang mga galos at pasa ng apat na kalalakihan mula sa pakikipagbuno kina Aron Sarrael.
Ligtas na sila sa panggugulo ng mga estudyanteng iyon. Nakahinga na rin ng maluwag ang apat na binata.

Dumating ang Sabado. Karamihan sa mga estudyanteng lalaki ay umuuwi sa kani-kanilang mga tahanan. Nagising si Tammy sa katahimikan ng dormitorio, at nang makarating siya sa kusina ay naabutan niyang kumakain na mag-isa si Manuel.

"Magandang umaga Manuel," bati ni Tammy sa kanya.

Agad ngumiti ang binata nang makita si Tammy. "Binibini! Tayo na at mag-agahan! May kape pa diyan at tinapay," alok nito.

Naupo si Tammy sa harapan niya. "Di ko namalayan na alas siyete na pala ng umaga. Hindi ata ako ginising ni Senyora Simang." Kumuha siya ng tinapay at kinagat ito. Tumayo naman si Manuel at pinagsalin siya ng kape sa tasa, sabay abot sa kanya.

"Salamat." Kinuha ni Tammy ang tasa ng kape at ininom ito. Buti na lang at mainit-init pa para mapawi ang ginaw ngayong umaga.

"Sadyang hindi ka ginising ni Aling Simang. Si Tetay ang kasama niyang mamalengke ngayon. Tayo na muna ang tao dito," wika ni Manuel.

"Nasaan ang iba?"

"Sila Dario at Juan ay umuwi sa kanila. Pareho silang taga-Sampaloc. Si Ilyong naman ay nasa Tondo kasama ang kanyang tiyuhin."

"Paano ikaw?"

"Susunduin ako ng Manong Julian. Nakatatanda ko siyang kapatid. Bente-tres anyos na siya, nagtatrabaho bilang isang tagapamahala ng bodega sa Binondo." Napatigil si Manuel at dinagdagan, "Kami na lang dalawa ang magkasama sa buhay. Siya ang nagpapa-aral sa akin. Sinuwerte siya at malaki-laki rin ang sahod niya bilang isang bodegero. Briton ang nagmamay-ari ng kompanyang kanyang pinapasukan."

"Pwede ko bang malaman kung anong nangyari sa mga magulang ninyo? Sana huwag mo masamain," maingat na wika ni Tammy.

"Si inay ay pumanaw dahil sa sakit na kolera. Si ama naman, sinuwerteng pinag-aral pa kami hanggang sa sumunod na rin siya kay inay dahil sa sakit sa puso. May-kaya kami noon, kaya nakatapos si Julian ng pag-aaral. Siya naman ang nagpa-aral sa akin," kuwento ni Manuel.

Ang lungkot naman. Binalot ng kadiliman si Tammy, ngunit hindi na lang niya muna inisip ito.

Tumahimik silang dalawa habang kumakain ng agahan. Nagsalita ulit si Tammy pagkatapos nang maalala niya na may kasintahan si Julian, ang kapatid ni Manuel.

"Sabi pala nila, kamukha ko raw yung Señorita Almira," panimula niya.

"Oo nga pala, iyon din sinabi ko sa iyo nang una kitang makita. Pero ibang-iba ka sa kanya. Kilos pa lang, pwede ka nang maging lalaki," tawa ni Manuel.

"Ito naman oh!" Pabirong sumimangot si Tammy.

"Kaisa-isang anak ng pamilya De Izquierdo si Almira. Labis akong nag-aalala kay Manong. Nagkakilala kasi sila sa Santacruzan dito at naging lihim silang magsing-irog. Ngunit nakatakda nang ikasal si Señorita Almira kay Sebastian Carreon," kwento ni Manuel. "Pareho silang may-kaya, kaya nararapat lang na sila magkatuluyan. Sa madaling salita, bawal ang kanilang pag-iibigan."

"Naku, baka malaman ito noong Sebastian!"

"Umalis pa-España si Sebastian limang taon na ang nakakaraan para mag-aral. Ngayon lang siya bumalik, at ang sabi raw ay nanlamig na si Almira sa kanya. Alam ko kung bakit. Sana lang hindi si Manong Julian ang naging kasintahan niya," malungkot na tugon ni Manuel.

"Sana payuhan mo siya na kumalas na sa lalong madaling panahon! Bago pa mahuli ang lahat." Lihim na nangamba si Tammy para kay Manuel at ang kuya niya.

"Ayaw makinig. Sana masabihan ko muli sa pagkikita namin ngayong araw."

Natapos na silang mag-agahan at niligpit na rin ang kanilang pinag-kainan. Naglakad sila patungo sa salas, at nang makarating sila ay narinig nila agad na may tumatawag sa labas.

"Si Manong Julian," bulong ni Manuel. Agad siyang bumaba ng salas at umakyat siya para pagbuksan ng pinto. Bumalik siya at may nakasunod na sa kanyang mas matangkad na lalaki. Hawig din siya kay Manuel, ngunit mas maputi siya. Agad naisip ni Tammy na ang gwapo pala nilang dalawa.

"Binibining Tammy! Narito ang aking Manong Julian," masaya niyang bungad.

Sinalubong sila ni Tammy. " Buenas dias, Senyor Julian," pagbati niya.

Nakita agad ni Julian si Tammy. "Por diyos, akala ko ikaw si Almira!" Pagkagulat nito.

"Magkamukhang-magkamukha, hindi ba?" Natawa si Manuel.

"Siya ba kasamabahay dito?" Tanong ni Julian.

"Opo Senyor. Tammy (Tami) po ang pangalan ko. Maupo ka muna at mabigyan kita ng maiinom," alok ni Tammy.

"Hindi na. Di ako magtatagal. Susunduin ko lang si Manuel," magalang na sagot ni Julian.

"Maiwan ko muna kayo diyan, para makapag-usap na kayo." Ngumiti si Tammy.

"Magpapa-alam ako kapag paalis na ako," ngiti ni Manuel sa kanya.

Tumungo si Tammy at umalis papuntang hapag-kainan. Di niya mapigilan ang sarili, kaya nagtago siya sa tabi at nakinig sa usapan ng dalawa. Malawak ang pagitan ng salas at ng kainan, kaya dinig niya ang lahat ng kanilang sinasabi.

"Mabuti ang aking pag-aaral, Manong." Si Manuel.

"Matataas nga grado mo. Ipinagmamalaki kita," sagot ni Julian sa kanya.

"Manong, sana ay ikaw ay nasa mabuting kalagayan."

"Maayos naman ako. Pag-uwi mo, ipagluluto kita ng paborito mong Adobo."

"Manong... Tungkol kay Señorita Almira..."

Binalot ng katahimikan ang buong paligid. Halos hindi makahinga si Tammy sa pag-aantay ng mga susunod na sasabihin ni Julian.

"Nauunawaan ko pag-aalala mo. Ngunit desidido na kami ni Almira na magtanan. Kaya ko siyang bigyan ng magandang pamumuhay. Nag-aantay lang kami ng panahon na magagawa namin ang plano."

"Para mo na siyang sinusulot kay Sebastian Carreon! Malaking gulo ito pag nalaman ng parehong pamilya! Sana naman itigil mo na ang kahibangang ito bago pa mahuli ang lahat," pagtutol ni Manuel.

"Sadyang hibang ang umiibig, hindi ba?" Natawa si Julian. "Si Almira na rin mismo nagsabi sa akin na wala na siyang amor kay Sebastian."

"Kung mahal mo siya, hindi mo siya ipapahamak!"

"Mas mapapahamak si Almira kapag nangyari ang kasal tapos wala silang pagmamahal sa isa't isa."

Sumilip si Tammy at nakitang tumayo si Julian. "Tara na, at umuwi na tayo."

"Manong, sa ngayon, hindi na muna ako sasama," pagtanggi ni Manuel.

"Oh siya, sa bagay, kaya mo nang alagaan ang sarili mo. Paalam, mahal kong kapatid".

Narinig ni Tammy ang yabag ng mga paa ni Julian pababa ng hagdan. Naglakad si Tammy sa kusina.

Naku, malaking gulo talaga ito 'pag nagkaalaman na! I have a bad feeling about this.

(Itutuloy)

A/N: Hi readers! Salamat for the 1K plus reads as of 02/05/2017. Much appreciated! 😘

Hirap naman ng sitwasyon nila Manuel at Julian! Kung kayo si Manuel, ano gagawin niyo?

The SenoritaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon