24-Pahiwatig

16.2K 606 102
                                    

Lumipas ang mga araw at nagpatuloy lang ang buhay sa domitorio. Dama pa rin sa ere ang matinding kalungkutan dahil sa pagpanaw ni Manuel. May mga panahong nakatulala si Tammy at bigla na lang siyang maluluha kapag naaalala ang binata. Labis niyang ikinalulungkot ang naunsiyaming kinabukasan ng kaibigan, pati na rin sana ang namumuo nilang pag-ibigan.

"Tahan na, baka mag-alala si Manuel sa iyo kung saan man siya naroroon," paalala sa kanya ni Tetay habang nagliligpit ng pinagkainan ng hapunan.

"Hindi ko lang talaga mapigilan, pasensiya na." Naramdaman ni Tammy ang patak ng luha sa kanyang mata at agad niya itong pinalis.

"Binibini! Paliligayahin ka namin ngayong gabi!" Kay Dario galing ang masayang tinig. Lumapit ang binata sa kanila kasama sila Juan at Ilyong. Nakita ni Tammy na may dalang gitara si Dario.

"Manghaharana kayo?" Interesadong tanong ni Tetay.

"Konting katahimikan!" Umubo si Dario at nagpatuloy. "Aalayan namin kayo ng isang awitin."

At nagsimula si Dario:

Oh Ilaw... Sa gabing madilim...

Sa wakas, tumawa na rin ng wagas si Tammy kasabay ni Tetay.

"Yung mukha mo, Dario!" Hagalpak niya.

"Bakit dito ginagawa ang harana, dapat sa may bintana!" Pagtatama ni Tetay.

Natatawa na si Dario habang tinutugtog ang gitara. Hindi na nila tinuloy ang kanta dahil tawang-tawa na sila sa kanilang ginagawa.

"Sintonado na ang gitara mo!" Pagsisita ni Juan.

"Kapag si Dario ang kumakanta ay nasisira ang tyempo natin," wika ni Ilyong. Hindi maikaila ang mga luhang namumuo sa kanyang mga mata dahil sa pagtawa.

"Kumakanta ba kayo talaga?" Tanong ni Tammy.

"Katuwaan lang pagtugtog namin ng gitara, pero may kilala akong may lihim na talento sa musika." Napatingin si Juan kay Emilio.

"Ito naman," ngisi ni Ilyong.

"Ilyong, pakitaan mo kami ng talento mo!" Nasabik tuloy si Tammy na makita si Ilyong na may hawak na gitara.

Tahimik na kinuha ni Ilyong ang gitara kay Juan. Naupo siya sa isang silya habang nanonood ang kanyang mga kasama.

Nagsimula na siyang tumugtog at sumabay na rin ang kanyang boses sa awitin:

Pangungulila, ang puso ko'y nag-iisa
Sa gitna ng kalungkutan, ikaw ang tanging alaala
Kung ika'y magbabalik, sana ika'y makapiling
Para huwag nang umalis at ikaw ay mamalagi

Kung maibabalik lang ang mga nagdaang sandali
Pipiliin kong makapiling ka giliw
Ngunit sa ngayon alaala mo'y kasama
Sa araw at gabi, pag-ibig mo'y dama

Natapos ni Ilyong ang awitin. Natahimik ang kanyang mga taga-pakinig. Halatang namangha sila sa awitin pati na rin sa pagkanta ng binata.

"Ilyong naman, pinapaiyak mo ang Binibini." Napatingin si Dario kay Tammy na naluluha ang mga mata.

The SenoritaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon