11-Ang Plano

19.6K 777 196
                                    

Hindi na masyadong inisip ni Tammy ang pangyayari kasama si Manuel ng gabing iyon. Dumaan pa ulit ang isa pang araw kinabukasan at sumabak ulit siya sa trabaho kasama si Tetay. Mabuti naman at maayos nang kasama si Tetay, pero may mga panahon pa rin na di niya maalis sa isipan si Emilio.

"Ang suplado talaga ni Ilyong!" Sumimangot si Tetay habang nagtitiklop ng mga bagong labang kumot kasama si Tammy. Sila ay nasa salas ngayong hapon habang karamihan sa mga binata sa dormitorio ay nasa kanilang mga klase.

"Ikaw naman kasi, masyado mong pinapahayag ang damdamin mo. Baka di niya gusto ang ganoong babae," paalala sa kanya ni Tammy.

"Dapat siyang magpasalamat na may babaeng pumapansin sa kanya! Hmp!" Umismid si Tetay at nagpatuloy sa pagtiklop ng kumot. "Sa inis ko, natapos ko agad ang gawain!" Ngumiti siya at hangang-hanga sa maayos na pagkakatiklop ng mga kumot.

"Buti may magandang nagagawa ang pagkayamot mo!" Natawa si Tammy.

"Eh ikaw, matanong ko lang, may nagugustuhan ka rin ba sa mga binata dito?" Pag-uusisa ni Tetay.

Bigla ulit naalala ni Tammy ang paghawak ni Manuel sa kanyang kamay. Sabihin ko kaya? Naku nahihiya akong ikwento.

"Natulala ka ah."

Nagulat si Tammy nang winagayway ni Tetay ang kanyang kamay sa harap ng mukha niya. "Ah... Kasi..."

"Mukhang may iniisip oh!"

"Wala!"

"Ikuwento mo na!" Pilyang ngumiti si Tetay.

"Naku, maiwan na kita diyan at bibili pa ako ng merienda!" Naiinis na bulong ni Tammy. Kinuha niya ang mga bagong tiklop na kumot at iniwan na ang nagtatakang si Tetay sa may salas.

---

Nagpunta si Tammy sa may likod-bahay para hintayin ang naglalako ng mga kakanin. Nang makarating siya doon, may narinig siyang mga boses na nag-uusap. Parang nanggagaling ito sa likod ng punong mangga sa tabi ng dormitorio.

Lumapit si Tammy para makinig, at sinigurado niyang hindi siya makikita.

"Pinadalhan ako ng sulat ng isa sa mga kaibigan ni Sarrael. Sabi niya magharap daw tayo sa labas ng Intramuros bukas, mga alas-singko."

Agad natunton ni Tammy na kay Juan ang tinig.

"Ano, ngayon pa tayo maduduwag? Ibigay na natin ang gusto nila at lumaban na tayo sa kanila!" Si Dario naman ito.

"Sigurado ba kayo diyan?" Si Emilio.

"Ilyong, alam namin kaya mong makipaglaban sa kanila. Kung ako sa iyo, haharap na ako at ibibigay kung anong hinahanap nila! Lahat na tayo dito ay nadadamay sa gulong kanilang sinimulan!" Mainit na sagot ni Dario.

"Di kaya lalong lumaki lang ang gulo?" Pag-aalala ni Manuel.

Diyos ko, balak nilang mag-rumble! Na-excite si Tammy sa posibilidad na ito, pero dama rin niya ang naiisip ni Emilio.

"Hindi tayo lalaban, baka lumaki pa ang gulo. Kapag tayo'y lumaban, mas lalong magkakagulo. Basta, ilabas niyo ako diyan at mas pipiliin kong mag-aral na lamang," malamig na sagot ni Emilio.

"Ilyong, akala ko ba kakampi ka namin?!" Tanong ni Dario. "Alam ko pati ikaw ay ginugulo rin at gusto mo itong matigil!"

"Kayo na bahala diyan."

Narinig ni Tammy na tumayo si Emilio. Tatakbo na sana siya palayo pero naapakan niya ang dulo ng kanyang saya at bigla siyang nadapa.

"Ay pusang gala!"

Muntik na siyang sumalampak sa sahig, ngunit nahawakan siya agad ni Emilio, na nasa harapan na niya ngayon.

Napatingin si Tammy sa kanya. "Hi... Ah... Magandang araw, Emilio." Isang matamis na ngiti ang pinakita niya sa binata.

"Binibini, masamang nakikinig sa usapan ng ibang tao," mariin na paalala ni Emilio. Mukhang hindi siya nadaan sa ngiti ni Tammy.

"Pasensiya na... Napadaan lang kasi ako..." Inayos ni Tammy ang sarili niya at tumayo ng tuwid.

"Nakikinig siya sa atin?"

Lumingon si Tammy at nakitang naglalakad sila Dario, Manuel, at Juan.

"Oo. Bilang parusa, ililibre niya tayo  ng merienda."

Isang pilyong ngiti ang sumilay sa mukha ni Ilyong.

---

Napasabak naman ako sa mga ito!

Kasama na ni Tammy ang apat na binata at nakaupo sila ngayon sa ilalim ng punong mangga. May banig silang inuupuan habang halatang nag-e-enjoy sila sa mga kakanin na nilibre ni Tammy sa kanila.

"Tunay na mas masarap ang pagkain kapag libre!" Masayang wika ni Juan habang kumakain ng sapin-sapin.

"Buti nahuli ka ni Ilyong. Sige nga, ulitin mo ang mga pinag-uuspaan namin!" Natawa si Dario.

"Kainis naman eh!" Pagmamaktol ni Tammy.

"Oy, maawa naman kayo sa binibini!" Paalala ni Manuel.

"Natutuwa ka lang kasi magkatabi kayo ngayon! Maya-maya, magnanakaw ka na ng halik sa kanya!" Biro ni Dario habang sinagi ang balikat ni Manuel palapit kay Tammy.

"Grabe naman! Halik agad? Hindi ba pwedeng umakyat muna ng ligaw?" Tanong ni Tammy.

"Tama iyan, Señorita!" Pangsang-ayon ni Juan habang napapa-"uy!" sila Dario at Ilyong. Tinignan ni Tammy si Manuel na namumula na ang leeg, at umusog siya ng kaunti.

"Naku, nahiya na ang binibini!" Ngiti ni Emilio. Binaling niya ang tigin kay Tammy at pilyong ngumiti sa kanya.

"Isa pa ito! Ikaw naman may Tetay!" Biro ni Tammy sa kanya. Pinaikot-ikot ni Emilio ang kanyang mga mata at humalukipkip. "Huwag doon! Huwag doon." Diniin niya ang huli niyang pagkasabi ng huwag doon.

"Ayaw na ayaw kay Tetay ah. Baka mamaya mabalitaan namin kayo na!" Pang-aasar ni Dario.

"Nga pala, hindi pa sinasabi ni Tammy ang mga narinig niya kanina," paalala ni Juan. "Basta huwag kang magsusumbong kay Aling Simang."

"Ano ba kasing ginagawa sa inyo ng lalaking iyon?" Tanong ng dalaga.

At sabay-sabay nagkuwento ang mga binata sa kanya. Kasama pala nila sa eskwelahan si Aron Sarrael at ang kanyang mga kaibigan. Halos araw-araw silang ginugulo ng mga ito, mula sa pagtawag ng mga masasakit na salita hanggang sa pagbabato ng mga gula-gulanit na papel sa mga likuran nila.

"Pinakamalala na kapag hinamon kami ng suntukan. Kagaya ng nangyari kahapon." Hinawakan ni Manuel ang kanyang sentido na para bang masakit pa rin ito.

"Sa iyong palagay, dapat na ba namin siyang labanan?" Tanong ni Juan kay Tammy.

"Hmmm... Wala namang mawawala kung haharapin niyo sila," tugon ng dalaga. Bumalik sa kanyang alalala na nakikipag-away din siya sa paaralan, lalo na pag may inaapi at walang nagtatanggol.

"Iyan ang punto ko Ilyong. Kaya natin sila!" Matapang na sagot ni Dario.

"Ngunit baka lalong magkagulo," pag-aalangan ni Emilio.

"Kung lahat dito, nadadamay na, dapat ngang matapos ito!" Sagot ni Tammy.

"Tama siya!" Sabi ni Dario.

"Gusto niyo ba ng tulong?" Biglang tanong ng dalaga.

"At anong kaya mong gawin?" Tanong ni Dario.

Nagsalita si Tammy at binahagi sa kanila ang kanyang iniisip na plano.

(Itutuloy)

The SenoritaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon