8-Kakaibang Pamumuhay

20.7K 803 50
                                    

Buong araw na abala si Tammy sa pagtulong kay Aling Simang sa dormitoryo. Natutunan niya ang mga karaniwang gawaing-bahay sa paraan ng kapanahunang iyon. Ngayon lang niya naisip na mas madali ang mga araw-araw na gawain sa modernong panahon.

Na-miss niya ang paggamit ng dishwashing liquid sa paghuhugas ng mga pinggan, baso, at kubyertos. Ngayon ay pinagtiyatiyagaan niya ang mano-mano na paghuhugas ng mga pinagkainan gamit ang isang karaniwang sabon at pagbubuhos ng tubig mula sa isang banga. Tinutulungan naman siya ni Aling Simang. May pagka-strikto ang matanda pagdating sa masusing kalinisan ng buong lugar, pero nakinig na lang si Tammy para matuto.

"Mabuti naman at nakatapos na tayo. Mabagal kang kumilos, ngunit mabilis matuto," sabi sa kanya ni Aling Simang.

"Salamat po. Gagawin ko ang aking makakaya sa susunod," tugon ni Tammy.

"Sige, magpahinga ka na. Mamaya magluluto tayo ng hapunan. Siya nga pala, nakalimutan kitang bigyan ng mga damit. Sumama ka sa akin sa silong."

Sumunod naman si Tammy kay Aling Simang at naghintay siya sa labas. Pumasok ang matanda sa kwarto niya at paglabas nito, may dala siyang mga nakatiklop na damit. Sa ibabaw nito ay may maliit na suklay, payneta, at isang bilog na bagay na mukhang sabon.

"Maari ka nang maligo diyan sa banyo. May malinis na tubig sa loob ng malaking banga at tabo. Gamitin mo ang sabon na panlinis sa katawan, at may bote diyan ng gugo para sa buhok. May tuwalya na rin iyang kasama. Huwag ka lang lalabas na tapis lamang ang suot," bilin sa kanya.

"Opo Aling Simang." Inabot ni Tammy ang mga gamit mula sa matanda. Tinignan niya ang sabon na bilog, na nakabalot sa papel at may litrato ng isang babae. "Saan po galing ang sabon?"

"Padala ng anak kong abogado mula sa España. May sarili na siyang pamilya doon. Minsan umuuwi siya rito pag kaya. Naku, sadyang ang bilis makalimot ng anak sa magulang pag may sarili nang pamilya!" Panghihinayang ni Aling Simang.

"Siguro naman po naaalala ka niya paminsan-minsan," sabi ni Tammy para mapanatag ang kalooban ng ginang.

"Tama ka hija. O siya, maligo ka na. Ihahanap pa kita ng mga damit pagkatapos kong mag-siyesta. Buti na lang magkasingkatawan tayo, ano?"

Tumawa ang matanda at pumasok na rin siya sa kwarto niya.

Nang maiwan mag-isa si Tammy ay nagpunta na siya sa banyo para maligo. Dahil maliwanag pa ang araw, hindi na niya kailangang buksan ang maliit na gasera sa tabi ng pintuan. May nakaawang na bintana sa itaas ng banyo kaya malinaw ang buong paligid.

Ang nasabing banyo ay parang maliit na stall sa kasalukuyang panahon. Imbes na shower at toilet bowl ay may isang malaking banga na nakatakip sa kanang bahagi. Sa kaliwang bahagi naman ay may sinaunang toilet bowl na gawa sa kahoy at may malaking butas sa gitna.

Kinandado ni Tammy ang pintuan gamit ang isang kahoy na nakasukbit sa mas maliit pang kahoy. Pinatong niya ang mga damit at tuwalya sa isang lamesita. Sa mga sumunod na bente minutos, nakaligo naman siya gamit ang malinis na tubig sa banga at isang tabong gawa sa pinakintab at pinakinis na bao ng niyog. Walang pinagkaiba sa paliligo sa modernong panahon, dahil buhos-sabon-banlaw din ang gawi. Di lang siya sanay sa paggamit ng gugo sa buhok at pagkuskos ng katawan na sabon lamang ang gamit at walang face towel. Buti na lang at mabula ang sabon na binigay sa kanya.

Uso na pala imported sa panahong itoNapangiti siya habang dinadama ang mabangong sabon sa buong katawan. Nang matapos na siyang magsabon ay nagbanlaw siya ng ilang beses. Masarap sa pakiramdam ang tubig at buti na lang ay nakaligo na rin siya. Nahimasmasan din ang kanyang pakiramdam pagkatapos ng isa at kalahating araw ng pangamba, pangungulila, at takot.

Nagtuyo na siya gamit ang tuwalya at nagbihis ng mga damit na binigay sa kanya. Nang maisuot na niya ang puting kamisa, puting blusa na mahaba ang manggas at saya na abot-talamapakan, ay di mapigilan ni Tammy ang magalak. Nagsuklay siya ng buhok at lumabas ng banyo.

Ayan, mukha na akong taga-19th century Philippines! Ngiti niya sa sarili.

Pumasok muna siya ng kwarto at umidlip. Nagising ulit siya nang kumatok si Aling Simang sa pintuan.

"Hija, maghanda tayo ng merienda."

Binuksan ni Tammy ang pintuan. "Opo, susunod po ako sa inyo."

Umakyat sila pareho sa kusina. May kinuhang mga platito at baso si Aling Simang mula sa banggera at naglakad siya patungong hapag-kainan para ilagay ang mga ito sa lamesa.

"Saan po ang mga kakanin?" Tanong ni Tammy.

"Mag-abang ka sa likod bahay at dadaan din ang naglalako ng kakanin. Ito ang salapi. Bumili ka na para sa mga okupante dito. Karamihan ay pauwi na galing sa kanilang mga klase."

Ginawa ni Tammy ang bilin. Maya-maya ay may dumaan na babae na may dalang basket na malaki.

"Ate, pabili po ng kakanin!" Tawag ni Tammy.

Lumapit ang dalaga sa kanya at pinakita ang laman ng basket. Mayroon siyang bibingka, halayang ube, sapin-sapin, at puto. Pumili si Tammy ng tig-anim na klase ng kakanin. Sakto lang ang pambayad niya, at bago umalis ang naglalako ng kakanin ay sinabi niya ito:

"Salamat sa saktong bayad. Alam mo, noong una kitang nakita, lubos na inakala ko na ikaw ay si Señorita Almira."

"Di po, baka kamukha ko lamang," ngiti ni Tammy.

"Sadyang magkamukha kayo! Nag-iisa siyang anak ni Don Alberto, na may ari ng pinakamalaking tindahan ng tela sa Binondo. Sikat siya sa buong Kamaynilaan. Alam mo ba, may nobyo si Señorita Almira? Ang nobyo niya ay kapatid ng isa sa mga nakatira dito sa dormitorio!"

Naalala ni Tammy ang una nilang tagpo ni Manuel. Sabi rin sa kanya nito ay kamukha niya kung sino man si Señorita Almira.  Hindi ba at nabanggit din ni Manuel na may kuya siya? Baka iyon na nga!

"Tahimik ka lang. Sabi ay nasa bawal na relasyon si Señorita Almira at ang kanyang iniirog. Malapit na siyang ikasal sa anak na lalaki ng Pamilya Carreon. Tabako naman ang negosyo nila," pagpapatuloy ng naglalako ng kakanin. Ngumiti ito sa kanya at umalis na rin ito.

Ano kayang itsura ni Señorita Almira? Magkamukha ba talaga kami? Ano kayang lihim ang mayroon si Manuel at ang kapatid niya?

Malalim na nag-iisip si Tammy nang makaakyat siya at nilagay ang mga kakanin sa lamesa.

Naputol lang ang kanyang pagmumuni-muni nang marinig niya ang boses ni Aling Simang na parang may kagalit sa salas.

"Sabi ko, hindi ko na kailangan pa ng isa pang katulong!"

(Itutuloy)

The SenoritaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon