Confessions | Xheng at Casem

4.6K 112 15
                                    

Likha ni mchay101

Dear Ache,

Sabi nila, everyone deserves a second chance. Patawarin ang mga taong nanakit sa 'yo at matutunan mo ring ipaglaban ang taong mahal mo. Kasi daw ang pag-ibig ay mas matamis sa pangalawang pagkakataon. Pero...hindi yata para sa akin ang kasabihang yan. Kasi kung totoo, bakit umaapaw ang pagsisisi sa puso ko?

**

Tinanggap ko ulit si Darius sa buhay ko, sa kabila ng sakit na ibinigay niya sa 'kin nang malaman kong dalawa pala kami sa buhay niya. Binigyan ko ulit siya ng pagkakataon, sa kadahilanang mahal ko siya.

Dinugtungan ko ang relasyon na meron kami, sa pag-aakalang kaya pa namin ayusin ang lahat. Kaya pang ibalik ang dating pagsasama na bagama't hindi perpekto ay naging masaya naman.

Saka, ramdam ko namang mahal ako ni Darius at nagkamali lang siya. Pero napagtanto ko...

Nagkamali din pala ako.

Ang akala ko, ang pagtanggap muli kay Darius ang siyang bubuong muli sa pusong winasak niya noon. Pero hindi, bagkus, ang piliin siya ay unti-unting nagpagulo sa puso't isipan ko. Isang reyalisasyon na bumulaga sa akin paggising ko isang araw, na hindi na si Darius ang gusto kong makasama, na hindi na siya ang hinahanap-hanap ko, kundi si Casem. Ang bestfriend niya, ang lalaking naging sandalan ko nang mga panahong nasasaktan ako dahil sa kanya.

"O, umiiyak ka?"

"H-hindi. Na-napuwing lang."

"Sino niloko mo? Kamukha mo na nga si Rudolph dahil sa pula ng ilong mo oh?! Mugtong-mugto pa yang mga mata mo, tapos napuwing?! Ilang kilo ba ng alikabok ang nakapuwing sa 'yo?"

"Namo. Huwag mo nga akong kulitin ngayon. Wala ako sa mood."

"Nag-away na naman kayo ni Darius noh?"

"Break na kami, Cas. Pinagpalit niya ako sa iba. Tinarantado ako ng bestfriend mo!"

"...Tss! Gago talaga ang isang 'yun! Mamaya siya sa'kin."

"..."

"Xheng, sorry ah? Kahit mag-bestfriends kami, may pagkakataon pa din talagang nakakatakas ang kalokohan niya sa filter ko e. Kung alam ko lang na niloloko ka niya, eh di sana ako na mismo ang unang sumapak dun."

"Huwag kang mag-sorry para sa kanya, di ka naman damay sa kawalanghiyaan niya. Tsaka, ayos lang. Tanga din naman ako. Makaka-move on din ako. Makakalimutan ko rin siya."

"Usog ka nga ng konti? Lapit pa. Yan. Lika yakapin kita, para naman gumaan ang pakiramdam mo. Hindi man kasing lapad ang dibdib ko kagaya ng kay Darius. O, kasing init ng yakap niya ang pagkakayap ko sa 'yo ngayon. Mas mahal naman kita, kaysa sa kanya. At ako? Di kita papaiyakin ng ganyan."

"...--ewan ko sa 'yo. Puro ka biro."

"Sinong may sabing nagbibiro ako?"

Mataman kong tinitignan ang gwapong mukha ni Casem sa screen ng phone ko, sa alas dos ng madaling araw. Damang-dama ko pa rin ang mainit niyang mga palad, na masuyong humahaplos sa magkabilang pisngi ko nang gabing yun. Matiim niyang pinagmamasdan ang luhaan kong mga mata at sinasabi sa akin ang mga salitang hindi ko inaasahang marinig mula sa kanya.

"I like you. Alam kong wrong timing pero I really do. Noon pa, Xheng. Pinili ko lang kimkimin ang lahat at manahimik dahil respeto na rin kay Darius. At sorry, pero ang saya ko ngayong wala na kayo. Isipin mo nang selfish ako, pero yun talaga ang nararamdaman ko."

I, Ache Vol. IIIWhere stories live. Discover now