SEDRICNapalunok ako't tumitig sa mga mata niya. Hindi ako makapaniwala sa narinig. Hindi iyon totoo. Hindi tama ang narinig ko mula sa kanya. Imposible ang sinasabi niya.
"Anong sabi mo?" Matawa-tawang sabi ko mula sa pag-iyak. Binitawan na niya ang dalawang kamay ko. "Pinagti-tripan mo ba ako?" I looked at him as if what I've heard from him was a joke.
Seryoso niya akong tiningnan. Sa lahat ng mga tingin niya, dito ay hindi ako sigurado. "Sedric, gusto kita at nagsasabi ako ng totoo." Nakatitig siya sa akin nang sabihin niya iyon. "Hindi ko alam kung ito 'yong tamang oras para sabihin sa'yo 'to pero...Sedric, mahal kita." Nang marinig iyon mula sa kanya, bigla akong kinabahan. Hindi ako makahinga.
Sa utak ko'y buo na ang konseptong pinagti-tripan lang ako ni Carter. Pero habang tinitingnan ang mga mata niyang seryosong nakatitig sa akin ngayon, nagdududa ako. Ayokong paniwalaan ang mga sinabi niya pero puso ko na mismo 'yong nakakaramdam ng kakaiba. Bumilis ito sa pagtibok. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa mga oras na 'to.
Nagpanggap akong natatawa. "Kung isa 'to sa mga banat mo para gawin akong katatawanan, puwes ay hindi ako natutuwa. Tumigil ka na," sambit ko't seryoso ko rin siyang tiningnan.
"Hindi kita pinagti-tripan. Hindi ko na rin kayang itago 'tong nararamdaman ko para sa'yo. Kung ano 'yong narinig mo mula sa akin, iyon ang totoo." Mariin niyang ipinukol ang kanyang mga titig sa akin. "I love you, Sedric..." sa pangalawang beses na marinig ang mga katagang 'yon mula sa kanya, ramdam ko iyon. Ngunit ayokong maniwala.
"Lasing ka lang," umiling-iling ako sa kanya't umiwas ng tingin. "Pakiusap, tigilan mo 'ko, Carter..." utos ko sa kanya gamit ang seryosong tono ng boses ko.
Ngunit nagulat ako sa sunod niyang ginawa.
Kinapitan niya ang magkabila kong kamay at itinulak ako pa-sandal sa pader na nasa likuran ko. Mariin niyang hinawakan ang dalawa kong pulso na ngayo'y ramdam na ang lamig ng pader. Bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa ginawa niya.
Hindi ako nakapagsalita nang inilapit niya ang kanyang mukha sa akin. Napatitig ako sa seryoso nitong mga mata. Hindi ko mapigil ang kabang aking nadarama.
"Kapag sinabi kong hindi ako nagbibiro, totoo 'yon..." mahina ngunit dama ko ang seryoso nitong boses. Malapit ang mukha nito sa akin kaya amoy ko ang magkahalo nitong pabango at beer. "Gusto kita..." dagdag pa niya.
"Hindi ako naniniwala. Hindi mo ako mauuto," seryoso kong tugon sa kanya na lalo yatang nainis dahil sa narinig.
"Hindi?" Tiningnan ako nito nang matalim bago subukang ilapit pa ang mukha sa akin.
Bago niya magawa iyon ay sinubukan kong magpumiglas. "Bakit? Anong gagawin mo?" Sa loob ko'y kakaba-kaba na ako nang unti-unti niyang ilapit sa akin ang kanyang mukha. "Tigilan mo nga ak−"
Ngunit bago ko matapos ang mga salitang 'yon, lumapat na ng tuluyan ang labi niya sa akin. Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ako makagalaw. Ilang segundo kong naramdaman ang labi niyang umaangkin sa labi ko. Malambot 'yon. Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam.
Hindi ko napigilan ang sarili kong halikan siya pabalik.
Nang bitawan niya ang mga kamay ko, hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi't sinimsim ang malambot niyang labi. We kissed, torridly. Hindi ko mapigilan ang paggalaw ng sarili kong labi na pilit na dinadama ang kanya. Para akong wala sa sarili kong katinuan.
Sa isang iglap, bigla akong natauhan. Bumitaw ako sa paghalik sa kanya. I pushed him away from me. Hinahabol ko ang hininga kong tiningnan siya. Basa ang labi nitong gulat akong tingnan.
Marahan akong umiling sa kanya. "Mali..." ang nai-usal ko at umiling muli. Pinunsan ko ang labi ko. "Mali 'tong ginagawa natin..." dagdag ko't tiningnan siya. Lumunok ako't nagmadaling maglakad paalis.
"Sedric!"
Hindi ko siya pinansin at tuluyan nang lumabas ng gate. Dali-dali akong pumara ng taxi at sumakay roon. Hawak ang labi ko'y hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari. Hindi ako makapaniwala sa ginawa ko. Sa ginawa naming dalawa. Pakiramdam ko'y nawala ang epekto ng alak sa akin.
Hindi ko dapat 'yon ginawa. Hindi dapat ako nagpadala sa kanya. Mali. Maling-mali!
BINABASA MO ANG
Campus Bromance [Published under Pop Fiction]
RomanceUDMC Boys Series #1 Published under Summit Media's Pop Fiction! "Huling taon na ni Sedric sa kolehiyo at pakiramdam niya ay ito na rin ang huli niyang pagkakataon upang masabi ang matagal na niyang nararamdaman para kay Liam. Ang lalakeng halos...