K15: CURSED

1.9K 167 43
                                    


Kabanata 15

CURSED

"Craxus! Dahil sa hindi mo pagtanggap sa 'king Panginoon bilang iyong Panginoon, nasira mo ang tungkulin mo, tungkuling sinumpaan natin na magsisilbi tayo sa kung sino man ay may kakanyahang buksan muli ang pintuan natin!" sigaw ni Tyrania sa kapatid na nabigla rin nang ipaalam niya rito ang tungkol sa naging kamatayan ng babaeng minsan niyang nakilala.

"Minsan na tayong nagkamali, pumili tayo ng mahihinang Diyos ngunit hindi mo pa rin ako pinaniwalaan na nasaksihan ko kung gaano kalakas ang Panginoong pinili ko. Hindi ka nagtiwala sa mga mensahe ko, nasa ilalim siya ng mahika ng isang Blue Healer kaya hindi ko siya maiharap sa 'yo. Malakas siya, pero ano pang silbi ng kabatirang 'yon kung namatay ang isa sa pinakamahalaga sa kanya! Nawalan ka ng silbi sa ginawa mo, nawalan ka ng silbi dahil ikaw ang nandirito sa Underground!" panay ang pagluha ni Tyrania habang kinakausap ang kapatid na natungo na niya dahil ngayon ihahayag si Crescent bilang ika-walong Diyos.

"Tyrania," hindi nais ni Craxus na umiiyak ang kakambal niya. At sinurot ng mga salita nito ang puso niya, nawalan siya ng silbi, kung napili 'to ng kapatid niya ibig sabihin lang na ito na ang ika-walong Diyos ngunit hindi niya pinansin ang kabatirang 'yon. Mas inisip niya na ililigtas 'to ng ika-walong Diyos kung tunay itong malakas. Hindi niya alam na nahihimbing 'to sa ilalim ng kapangyarihan, ibig sabihin lamang walang tagapagbantay na kasama ito.

"Dahil sa nangyari hindi na niya 'ko gaanong tinitignan, at bilang tagabantay ng ikawalong pintuan nakakakababa ng dignidad na walang tiwala sa 'kin ang Panginoon ko!"

"Bakit ba lubusan kang naniniwala na malakas siya!" hinaklit niya sa braso si Tyrania,"Si Zandro ang pinakamalakas, si Virgo at si Zero! Sila ang mga Diyos na dapat mong tinitignan na halimbawa! Hindi mga pipitsugin lamang!"

Hinila ni Tyrania ang brasong hawak nito,"Si Crescent ay hindi mahinang Diyos, makikita mo, makikita mo sa tindig niya na hindi siya tulad ng iniisip mo. Malakas siya, at ang panahon na 'to ang pinakamatinding digmaang masasaksihan mo!" galit na naglaho si Tyrania sa harapan ng kapatid.

Nakuyom ni Craxus ang kanyang mga palad.

"Kung ganoon, titignan ko kung anong klaseng Diyos siya,"

**

Nakaupo sa kani-kanilang trono sa Underground Castle ang mga Diyos at naghihintay sa ika-walong Diyos na darating. Ngunit natatawa si Virgo dahil alam niyang tila batang naglulupasay si Crescent sa pagkawala ni Lyra.

"Hindi na yata siya darating," may panunuyang wika ni Virgo. Wala namang reaksiyon si Zandro na galit ang nakalarawan sa mga mata. Bakit hindi? Hindi nito makuha ang dalagang pinagnanasahan nito? Ang dalagang anak ni Crescent na luluhod yata lahat ng tala sa kagandahang biglang sumibol sa pagdadalaga nito.

"Catalyst, hindi ka yata kumikibo," ani Virgo sa ginintuang makisig na binata na hindi naman natinag at patuloy lang sa pagtitiis ng nadaramang karamdaman na umuupos sa kanya. Nalalabi na nga yata ang oras niya.

"Hindi mo naman kami pinaghanda sa kadaldalan ng dila mo, Virgo," si Zero na siya ng tumuya sa labis na kasiglahan ni Virgo.

"Paumanhin, lubos lamang akong nadadala ng mga pangyayari,"natatawang wika ni Virgo.

"Ang ika-walong Panginoon ng Underground!" malakas na wika ng tagapagsalita kaya napadiretso ng upo si Virgo. Dumating si Crescent?

Pumasok si Crescent suot ang puting-puting kasuotan. Habang ang buhok nito'y bagsak at mahaba, ang mga mata nito'y pares ng pula at ang ngiti nito'y isang lason na nakahandang sirain sila. Ang mga nakatungong alipin na siyang pinakamatataas kaya sa Underground Castle nagsisilbi ay hindi napigilang magnakaw ng tingin sa makisig na lalaking animo'y anghel. Malalantik ang mahabang pilikmata, perpekto ang hugis ng matangos nitong ilong, at ang manpis na labi nitong mapula ay lubhang kaakit-akit kasama ang kutis nitong tila kasalanan kung magagasgasan.

Tormented Fate 2: THE 8TH UNHOLY GODTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon