K14: NEW

1.7K 162 24
                                    


LYRA

"Crescent –" nginitian ko siya sa huling pagkakataon. Hindi na niya 'ko nakikita, isa lamang 'to sa kahilingan ko ang makasama sila kahit na hindi na nila 'ko maramdaman. May Diyos na sumagip sa 'kin, napakaliwanag niya at ang tinig niya ay tila may mahika na nagpapagaling sa damdamin kong nahihirapan at nasasaktan.

"Lyra, sa ibang mundo ang ngalan mo'y mag-iiba na," wika ng Diyos na siyang maglalalang sa 'kin sa bagong mundo. "Hindi ko alam kung ang kapalaran mo'y magiging maayos, dahil hindi iyon ang mundong pinamumunuan ko. At hindi ko rin batid kung sa mundong gagalawan mo ay mapapadpad ang isa sa mga anak mo, o si Crescent para kilalanin ka,"dugtong pa niya.

"Matatagpuan niya 'ko, matatagpuan ako ni Crescent, dahil itinadhana ang kaluluwa namin," paniniguro ko.

"Sa mundo ng New World laganap ang maganda at hindi magandang kaganapan. Mabuhay ka hanggang sa matagpuan ka niya, dahil kung tunay kayong itinadhana, siya lamang ang tanging makasasagip sa 'yo. Limitado na ang aking oras, magpapahinga na 'ko, ngunit ibabalik ko sa 'yo ang alaala mo oras na magtagpong muli ang landas n'yo iyon ay kung nabubuhay pa 'ko," wika ng maliwanag na Diyos.

Kulay asul ang mahaba niyang buhok at hindi ko matanaw ang mukha niya. Marahil siya ang isa sa Diyos ng mga anghel?

"Dalhin mo siya sa patutunguhan mo," may ibinigay siya sa 'king liwanag. Naiiba ang liwanag sa mga kaluluwang nasa paligid namin na pawang kulay asul, ang hawak ko'y kulay pula.

"Kaluluwa ba siya?" tanong ko pa. Nasa gitna kami ng isang madilim na lugar at katulad ng sinabi niya mga kaluluwa ang mga nasa paligid namin.

"Kaluluwa, siya ang itinakdang mabuhay. Hindi man ako ang magbigay buhay sa kanya ay isisilang at isisilang siya, dahil sa pagkamatay niya nagkaroon ako ng pagkakataon na isama ka sa kaluluwa niyang magbabalik. Kung wala ang kaluluwa ni Light, walang malakas na p'wersa ang maaaring mag-ingat sa kaluluwa mo oras na bumagsak kayo sa Exemplasis ( Kadilimang sumasala sa mga kaluluwa).

"Si Light?"Ang kaluluwang 'to ay si Light?

"Hangga't nabubuhay si Dark, mananatili ang pagkabuhay ni Light, at si Crescent ay maaaring makalikha ng isa pang tulad ni Light kung nanaisin niya. Kaya dalian mong magbalik sa kanya, kakatwa dahil hindi mo naman siya makikilala sa bagong buhay mo. Pero hindi talaga kaaya-aya ang nabubuong nilalang na 'to," wika ng diyos na mabuti para sa 'kin.

Nakita ko si Crescent sa isang hugis Kidney na nababalot ng itim na liwanag na inilapit sa 'kin.

"Hindi siya si Crescent, siya ang bagong nilalang na nabubuo ni Crescent ng 'di niya namamalayan. Higit siyang malupit, higit na nakatatakot, kung mabubuhay ang nilalang na 'yan papatayin niya si Crescent upang maghari. Tandaan mo Lyra, galit at pagkamuhi ang nagpapalakas kay Crescent at sa puntong ito, ang nilalang na 'yan ay binubuo ng galit, pagkamuhi, pagdaramdam at kawalan ng kaluluwa ni Crescent dahil sa pagkawala mo. Pakiusap, h'wag mo siyang hayaang mabuhay," may pakiusap sa kanyang tinig.

"Crescent," magkikita kami, naniniwala ako na hindi ako mahuhuli, si Crescent ay hindi magpapatalo sa damdamin niya. "Mahal, hintayin mo 'ko, hanapin mo 'ko, si Catalyst, si Catalyst ang may hawak ng mga alaala ko," iyon ang mga huling salita ko bago ko maramdaman na tila nahulog ako. Binalot ako ng kanina'y maliit na pulang ilaw at bumagsak kami sa Exemplasis kung saan napakarami kong nakitang kaluluwang nasusunog samantalang ako ay hindi—iyon ay dahil sa liwanag ni Light.

Ipinikit ko ang mga mata ko.

"Magtatagpo tayo, Crescent. Mahal na mahal kita," ngumiti ako at inimahe ang huling alaala ko sa perpektong mukha ni Crescent. "Ang pinakamamahal kong itim na anghel,"

Tormented Fate 2: THE 8TH UNHOLY GODTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon