EPILOGO

217K 2.6K 320
                                    

"Mamang Pulis, mamang pulis!" Hinihila ni Jonathan ang manggas ng pulis na humuli sa kanya, "parang awa niyo na po, patayin niyo na lang po ako!" Umiiyak na ito.

Nahabag naman ang Pulis sa kanya kaya't imbis na dalahin ito presinto'y iniuwi niya muna ito't pinakain.

Umiiyak pa rin ito habang kumakain.

"O, bakit umiiyak ka pa rin? Hindi mo ba nagustuhan ang pagkain?"

Imbes na sumagot ay binasa muna niya ang nakasulat sa nameplate ng Pulis.

"S-San-to-tos!" Pagbasa niya nang malakas habang ikinakaway ang kutsarang hawak nito. "Santos? Santos po ba ang pangalan niyo? Heneral po ba kayo?"

Natawa ang pulis.

"Santos ang apelyido ko, pero Daniel ang pangalan ko. Hindi ako Heneral. Ako si SPO3 Daniel Santos. Ikaw, anong pangalan mo?"

Sumubo muna ito ng isang bultong kaning may ulam sa ibabaw.

"Jonathan po." Muling tumulo ang luha nito.

"Bakit ka ba umiiyak, Jonathan? Sumasabaw na sa kinakain mo 'yang luha mo o."

"Naiiyak po ako, ang sarap po kasi nitong pagkain ninyo, ngayon lang po ako nakatikim ng ganito kasarap na pagkain." Nagdire-diretso ang pagdaloy ng kaniyang mga luha habang nag-aabot-abot ang pagsubo nito.

'Napapaiyak siya sa sarap ng pagkain?' Iyon ang tanong sa isipan ng pulis. Nagtataka siya dahil galunggong, monggo't kanin lamang naman ang inihain ng kaniyang maybahay sa bata, ngunit kung namnamin ito nito'y daig pa nito ang kumakain ng handa sa piyesta.

Maya-maya'y may lumapit nang babaeng may dalang plato na punong-puno ng puto. Si Cecilia, ang maybahay ni Daniel.

"Heto ang puto," Nakangiting sabi ni Cecilia, "Magbaon ka kung gusto mo."

"Talaga po?"

"Oo." Hinaplos pa ni Cecila ang ulo ni Jonathan.

Pagkatapos noo'y nagawi ang paningin ng bata sa isang certificate na may maliit na litrato ng isang batang babae sa dingding. May nakasulat ditong malalaking letra.

"Sino po 'yun." Tanong niya sa mag-asawa.

"Ah 'yan ang anak namin, nasa iskwela siya ngayon kaya wala siya rito. Ikaw ba? Hindi ka ba pumapasok?"

"Hindi po. Ayaw po ng Mama ko. Pero may nagtuturo pong mga dayo do'n sa amin, sila ang nagturo sa aking magsulat at magbasa." Sumubo itong muli ng isang kutsarang kanin, "puwede po bang dito na ako tumira?"

Nagkatinginan ang mag-asawa.

"Hindi gano'n kadali 'yun, hijo. Baka makasuhan kami ng kidnapping kapag basta ka na lang namin kukupkupin." Sagot ni Daniel.

"D-Dadalhin niyo pa rin po ba ako sa presinto? Ikukulong niyo pa rin po ba ako?" Umiiyak na naman si Jonathan.

Muling nagkatinginan ang mag-asawa.

"Alam mo hijo, ganito na lang. Hindi na kita dadalhin sa presinto pero may pagdadalahan ako sa 'yo na pwedeng makatulong sa iyo. Pagkakain mo, dadalahin kita kina Ma'am Linda."

"Sino po 'yun?"

"Ah si Ma'am Linda Romero ay isang mabait na babae na tumutulong sa mga katulad mo. Asawa siya ng isang hukom at pilantropong tumutulong sa mga nangangailangan."

"Sa kanya na po ako titira?"

"Naku hindi ganun kadali 'yun, hijo. Siyempre kailangan muna niyang malaman ang sitwasyon mo't makausap ang mga magulang mo."

Noon na nag-umpisang umiyak si Jonathan nang hindi mapatahan.

***

"Sa'n ka na naman ba nanggaling na bata ka!" Salubong ni Helen sa kanyang anak habang pinipingot ang tenga nito. "At ano 'tong dala mo?!" Hinablot nito ang supot na hawak niya.

"Mama, sa akin po 'yan. Bigay po sa 'kin 'yan nung magandang guro."

"Sinong magandang guro?!"

"'Yung asawa po no'ng pulis."

Animo'y binuhusan ng malamig tubig si Helen sa pagkagulat.

"Anong sinabi mo sa pulis, ha?" binatukan nito si Jonathan.

"Wala po Mama huhuhu. Ang sabi ko lang po nagugutom ako."

"Aha!" Dinibdiban nito ang batang paslit, "Nagugutom? Pinapalabas mo ba na ginugutom kita? Isinumbong mo ba sa pulis na ginugutom kita ano, ha? Dapa!" Kumuha ito ng sinturon, at 'yung dulo na may buckle ang siya nitong ihahataw sa murang katawan ni Jonathan.

"A-aray ko po Mama! Tama na po. Wala naman po akong isinumbong sa pulis."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2013, All rights reserved.

"Sinungaling!"

Nagpatuloy ang paghataw nito sa murang balat ng bata.

"Ahhh! Aray ko po Mama!"

"Hayup kang bata ka! Balak mo akong ipakulong 'no?!"

Mas lalo niyang nilakasan ang paghataw.

"Ahhh! Hindi po Mama. Hindi po!"

"Papatayin muna kita bago mo 'ko maisuplong!" Tila baliw na si Helen; nawawala na sa sarili.

Palibhasa'y no'ng araw ding 'yon ay iniwan na siya ng kaniyang kinakasama upang sumama sa ibang babae.

Binitawan niya ang sinturo't kinuha ang baseball bat na napulot niya kamakailan sa basurahan. Kaya naman hindi pa siya nakakalapit ay tumakbo na si Jonathan sa may bintana't nagsisigaw ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.

May mga nakarinig sa kanya, kaya naman tinawag na ng mga ito ang Kapitan sa kanilang lugar, kasama na rin ang mga baranggay tanod.

"Diyos ko si Helen nasisiraan na yata ng bait!" Sigaw ng isang matandang babae, "Tulungan niyo ang bata! Ilabas niyo ang bata!" Sigaw nito sa mga paparating na mga baranggay tanod.

Pero huli na ang lahat. Nadatnan na lang nilang walang malay na nakahandusay na si Jonathan. Duguan ang ulo nito dahil sa malakas na pagkakahataw ng nababaliw na ina.

***

"Kamusta po ang bata?" Tanong ni SPO3 Daniel Santos sa duktor na gumagamot kay Jonathan. Naka civilian siya, kasama ang kanyang may bahay na si Cecilia at ang kaniyang maliit na anak na babae na akay-akay niya.

"May malay na siya pero wala siyang maalala. Hindi rin niya alam ang pangalan niya." Sagot ng duktor, "Pero hindi na ito bago sa mga pasyenteng nagtamo ng major head trauma o injury. It may take time, pero malaki naman ang posibilidad na unti-unti ring magbabalik ang memorya niya sa pagdaan ng panahon."

Sinilip ni Daniel ang bata na may bandage ulo. Nang nilapitan niya ito'y no'n na niya nakumpirmang maging siya'y hindi na naaalala ng bata, samantalang kahapon lamang naman sila nagkita.

"Jonathan, hijo. Pupuntahan ka na dito ni Ma'am Linda Romero, siya na muna ang inatasang kukukop at mag-aalaga sa 'yo."

Tiningnan lang siya ni Jonathan na tila walang naiintindihan sa kaniyang sinabi. Bumaling muli si Daniel sa duktor na may sinabi pang ilang detalye sa sitwasyon ni Jonathan habang nakikinig lang naman si Cecilia sa kanila.

"Masakit ba ang ulo mo?" tanong ng maliit ngunit bibong batang babae na akay-akay ni Daniel. Nakatayo ito sa tabi lang ng kamang kinahihihigaan ni Jonathan.

Tumango lang si Jonathan, bagama't titig na titig siya rito dahil mukha itong manika.

"Anong pangalan mo?" tanong ng bibong batang babae na mukhang manika.

Umiling lang si Jonathan. Hindi niya talaga maalala maging ang kaniyang pangalan.

"Ah, ako nga pala si Abigail! Huwag kang mag-alala, bata!" Hinawakan nito ang kamay ni Jonathan. "Gagaling din yang ulo mo. Kapag magaling ka na, IBIBIGAY MO NA SA AKIN ANG PANGALAN MO, ha?" saka siya nito binigyan ng malaking ngiti. Tumango lang naman si Jonathan bago nito nginitian si Abigail pabalik.

[KATAPUSAN]

The Broken Man [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon