Jennica Monique Sanchez POV
Dear Mareng Diary,
June 04, 2007. Saktong alas sais twenty ng umaga. Araw ng Lunes. Sa bahay ng lolo't lola ko. Unang araw ng klase namin. Grade 5 na ko. Ang almusal namin ngayong umaga ay sinangag, binating itlog, hotdog at gatas ng kalabaw. Kasalo ko sina lolo, lola at tita Thea. Si Tita Thea, inagawan pa ko ng kapirasong hotdog. Tig-isa na nga kami, kinuha pa akin. Tapos nung natalikod sina lolo at lola, dumukot pa siya ng isang hotdog. Hindi ko na lang siya isusumbong kila lola, baka kasi mamaya isumbong din niya ako sa ginawa kong pagkuha ng isang Chocobot, isang Hany, isang Choc Nut at isang Choco Mani sa tindahan ni lola. Kahit na siya naman ang kumain no'n lahat.
"Jennica!" tawag ni Lola. "Bumaba ka na riyan! Padating na service niyo!"
"Nandiyan na po!" Sinarado ko ang sinusulatan kong notebook. Mamaya ko na lang ulit ito itutuloy.
Inilagay ko ang notebook sa ilalim ng aking lamesang kahoy. Pinakasukbit-sukbit kong mabuti ang aking bagong bag na pink Jansport. Bigay lang ito sa akin ng kapitbahay nila lola na mananahing matandang dalagang si Aling Marta. Bilang pakonsuelo sa pagtulong sa pagbaliktad at sa paglagay ko sa plastik ng mga tinatahi niyang bag, sa tuwing nagtatago ako sa mga utos ni Tita Thea.
Apat ang ibinigay niya sa akin para tigi-tigisa kami ng mga nakababatang kapatid kong naroon sa tunay naming bahay. May kasama iyong apat na krayola, dalawang intermediate pad, limang pulang ballpen, limang itim na ballpen, limang asul na ballpen, sampung mongol pencil #2, limang pamburang amoy bubble gum at dalawang daang piso. Tig-singkuwenta kami ng mga kapatid ko. Ipinatago ko ang akin kay lola para pambili ng gusto kong babasahin sa Pandayan.
Bago ako bumaba, sumilip muna ako sa bintana para tignan ang bukid na katapat lang nitong bahay nila lola. Naroon si Lolo kasama ang panay takbo at harutang sina Whitey at Browny. Bigla tuloy akong nalungkot, kung wala pa sigurong pasok, nakikipaghabol-habulan sana ako sa kanila.
Pagkababa ko sa munting sala nila lola, sinilid ko agad sa aking bag iyong nakapatong sa lamesitang baon kong pagkain. Isang Crossini, isang Pandolino at 'yung nasa bago kong baunang mainit na Milo. Pinamulsa ko naman 'yung sampung pisong buo sa aking bulsa ng palda, pinakadulo-dulo ko iyon para hindi malaglag kapag kinuha ko ang aking panyo. Binitbit ko na rin ang bago kong pink plastic attache case, saka ako lumabas ng bahay papunta sa kinaroroonan ni Lola. Nasa tindahan siya, pinagbebentahan ang mga bumibiling may kasamang chismis. Hindi na lang ako nakinig sa chinichismis nila kay lola dahil usapang pang matanda iyon.
Humarap na lang ako sa salaming nakadikit sa likod ng pinto ng tindahan ni Lola. Pinagmasdan kong mabuti ang aking sarili. Unang araw ngayon sa eskwela kaya 'yung bagong biling puting blusa ang suot ko. Sakto lang ito sa akin kesa sa mga luma kong bigay ng kamag-anak naming nilalamon ako ng buo.
Lumang asul na palda naman ang suot kong pang-ibaba, buo pa naman ito, mukang bago at alaga sa plantsa kaya hindi na ko nagpabili ng bago kila nanay. Maski na rin ang suot kong itim na sapatos ay luma rin. Alaga lang ito sa Kiwi kaya muka pa ring bago. Puting medyas lang ang pinabili ko dahil nginatngat ng mga mabait 'yung pinaglumaan ko. Dinowny ko pa nga iyon at tinago rin agad tapos natunton pa ng mga mabait. Kaya nga nagtataka ko kung bakit mabait ang tawag sa kanila, samantalang salbahe naman silang mga daga.
"Nana Bebe!" tawag ni Kuya Gilbert kay lola, sabay busina nito ng maraming beses. Nandiyan na ang kinausap nila lola para i-service kami ni Tita Thea, papasok at pauwi galing eskwela.
BINABASA MO ANG
NO ORDINARY LOVE
RomanceSole's Knights I: No Ordinary Love (Season 1) Naaalala mo pa ba ang iyong childhood friend? Hanggang ngayon ba, kaibigan mo pa rin sila? How about your childhood crush? Nai-crush back ka na ba? Ang first love mo? Naging last mo ba? Or nagsilbi na l...