Jennica Monique Sanchez POV
(Friday, June 29, 2007)
"Ngayon mo pa lang iyan kakainin?" Nabitin ang pagsubo ko sa isang pirasong Curly tops. Nag-angat ako ng tingin sa nasa harapan kong si Renz, pumuwesto siya ng upo sa bakanteng silyang nasa harapan ko.
Tumango-tango ako bilang pagsagot sa tanong niya, saka ko sinubo 'yong hawak kong Curly tops at sa binabasa ko na ulit tinuon ang pansin ko.
"Noong independence day ko pa iyan binigay sa'yo, ha. June 12 pa iyon. June 29 na ngayon. Expired na iyan." Mahina lang siyang humagikgik dahil nasa silid aklatan kami. Bawal kasi rito mag-ingay.
"Sa October 19, 2007 pa kaya ang expired."
"Talagang alam mo, ha."
Siyempre, araw-araw ko kaya iyon pinagmamasdan. Pati nga Toblerone niyang bigay, naroon pa rin sa ref ni lola 'yong kapirasong itinira ko sa sarili ko, hindi ko pa iyon kinakain.
Hindi na siya nagsalita pa kaya nakapag pokus na ako sa binabasa kong pamahiin tungkol sa may regla. Kanina kasing umaga dinugo si tita Thea. Akala ko nga may nakapasok na magnanakaw sa kuwarto namin ni tita Thea at sinaksak siya roon sa k*k* niya. Dami kasing dugo. Iyon pala nagkaroon siya ng tinatawag na regla. Unang beses niya lang iyon at unang beses ko lang din makakita ng dinugo tapos sa higaan pa. Ang lansa.
Kaya naisip kong pumunta sa silid aklatan para magtanong ng aklat kay Ma'am Veronica tungkol sa regla. Ito lang ang binigay niya sa akin, ang pamahiin, tapos sinabi niya sa akin kung saang pahina.
Ngayon ko nga lang nalaman na lahat pala ng babae ay dadanasin ito. Akala ko kasi parusa iyon ni papa Jesus sa mga may kabet. Hindi pala. Natatakot na tuloy ako maging dalaga.
Pasimple kong sinulyapan si Renz, para siyang Giraffe na nanghahaba ang leeg habang nakangusong sinisilip itong binabasa ko. Sinarado ko na lang ang aklat. Nakakahiya naman kasi kung makita niyang tungkol sa regla ang binabasa ko.
"Tapos ka na?"
"Hindi pa. Sa bahay ko na lang ipagpapatuloy, pinahiram naman sa akin ito ni Ma'am Veronica ng isang Linggo pero sa Lunes isosoli ko na ito sa kaniya."
Sinilid ko ang aklat sa aking bag at sinukbit ko na rin iyon, binitbit ko na rin ang attache case ko at tumayo. Ganoon din si Renz, sinabayan niya ako sa paglabas ng silid aklatan.
"Jennica!" Ukyabit ni Patricia sa kanang braso ko. Nagitgit ko tuloy ang nasa kabilang gilid kong si Renz. "Makikipagprusisyon ka ba mamaya?"
"Oo, sabay-sabay ba ulit tayo ni Nikki?"
"Hindi nga kami makakapagprusisyon ni Nikki. Aalis kasi kami mamaya. Isasama namin siya nila Mama sa birthday ng tita kong taga-Makati. Gusto mo rin ba sumama?."
"Malayo iyon. Hindi ako papayagan. 'Tsaka sasayaw kasi ulit si lola mamaya, at tutulong namang magtulak ng karo ng poon si lolo."
"E'di wala ka pa lang kasama makipagprusisyon mamaya. Hayaan mo, sasabihan ko sina Gian at ang kambal na samahan ka para hindi ka buwisitin nila Tagno. Sige na, mauna na ko sa'yo!"
Umalis na si Patricia. Hindi ko na tuloy nasabing huwag na niya sabihan sila Gian na samahan ako baka kasi magkagulo na naman tulad nung nakaraang araw. Nag-away kasi ang grupo nina Tagno at Gian sa kasagsagan ng prusisyon. Nang dahil lang sa isang naiiba at bukod tanging asul na kandila. Kay Gian naman talaga kasi iyon ibinigay, umepal lang si Tagno.
Hanggang dito nga sa eskwelahan nagpaparinigan sila. Dinadamay na rin ni Tagno si Renz kasi nga siya ang pinaka boss nila Gian. Pero hindi naman siya pinapansin ni Renz kasi ayaw raw niyang maging mukhang unggoy tulad nila Tagno. Haha!
BINABASA MO ANG
NO ORDINARY LOVE
RomanceSole's Knights I: No Ordinary Love (Season 1) Naaalala mo pa ba ang iyong childhood friend? Hanggang ngayon ba, kaibigan mo pa rin sila? How about your childhood crush? Nai-crush back ka na ba? Ang first love mo? Naging last mo ba? Or nagsilbi na l...