Masyado siyang mapagmatyag at sensitibo sa unang gabi na siya lang ang tao sa bahay. Sinigurado niyang sarado ang pinto at kandado ang loob ng bahay. Ang trangkahan naman ng hacienda ay pinalock niya kay Tatay Melencio. Sinabihan rin siya ng matanda na tawagan siya kapag kailangan niya.
Nakahinga lang siya ng maluwag ng magmamadaling araw na at saka ng nakatulog ng umaga na. Tanghali na siyang nagising dahil dito. Wala naman trabaho dahil Linggo kaya hinayaan niya na lang amg sarili niya sa kama at bawiin ang tulog na pinagkait niya sa sarili.
Matapos niyang mag-ayos ay nagtungo agad siya sa baba at uminom ng gatas at kumain ng tinapay. Ginala niya na lang ang mga mata niya sa kabuan ng hapag kainan. Maliit lang ang parisukat na mesa at may apat na upuan. Tuwing kasama niya si Boaz ay parang tama lang sa kanila ang hapag pero dahil mag-isa siya ay para naman ang laki-laki nito. Tahimik rin amg buong bahay at walang mukha ng lalaki ma babati sa kanya o magtatanong sa kanya para magsimula ng pag-uusap. Naiinis nga siya sa pamilyar na pakiramdam niya rito sa loob lamang ng maikling panahon.
Tumayo na lang siya at naglakad habang hawak ang sandwich na dala niya. Natigilan siya ulit sa malaking painting ng magandang babae. Pakiramdam niya talaga ay napakabait nito. Hindi niya alam kung sa tabas ba ng mukha nito o sa mga mata pero pakiramdam niya ay mabait ang tao na nasa larawan. Napaisip naman siya kung totoong tao ito. At kung totoo ay kaanu-ano ito ni Boaz. Malamang mahalaga ito sa kaniya kaya nga nakadisplay ito sa bahay niya. Ito na nga kaya ang sinasabing kasintahan niya? Ang unang pag-ibig niya na namatay kaya ito nagluluksa at kaya ito nawala ng matagal? Maganda ang babae pero sa tingin niya ay parang may iba kung ito nga ang babaeng mahal nito.
Napatingin naman siya sa labas ng may marinig siyang pagbukas ng gate at tunog ng sasakyan. Tumingin siya sa may bintana at nakita niya si Tay Melencio. Kaagad naman siyang lumabas para salubungin ito.
Sinabi nito na maglalakad siya sa buong bukid dahil wala si Boaz para gawin iyon. Noon nandito kasi ang lalaki ay gawain niya iyon pero dahil umalis na ito ay inako na iyon ng matanda. Marami raw kasing mga nagnanakaw ng mga tanim nila at ang iba ay namimihasa na. Kasama ni Tatay Melencio ang ilang binata sa bukid na kilala niya rin. Gusto sana niyang sumama dahil may buggy naman pero nag-alangan siya dahil puro kalalakihan iyon.
Naiwan na lang ulit siya sa bahay at inabala ang sarili sa paglilinis. Nang matapos siyang maglinis ay naisipan niyang pumunta sa likod bahay para sa mga tanim na gulay na pang gamit sa bahay at kumuha siya. Balak niyang magsinigang dahil natakam siyang sa maasim kaya kumuha siya ng ilang talbos ng kamote, okra at talong.
Naghain na siya ng pagkain at natigilan siya dahil para sa dalawang tao ang inihanda niyang plato at kubyertos maging ang kanin at ulam. Napabuntong hininga na lang siya. Hindi niya alam bakit nagiging absent minded siya. Hinayaan niya na lang ang nakahanda at kumain. Gutom na rin siya at alas tres na rin ng hapon. Late na ang tanghalian niya dahil sa late na rin ang paggising niya.
"Hindi ka masyadong mareklamo ngayon anak ha?" Kausap niya rito habang kumakain. Naramdaman niya ang paggalaw nito at hinaplos niya ang tiyan. "Tayong dalawa lang ngayon kaya tahimik sa bahay at wala ka ng ibang boses na maririnig." Hindi na ulit ito muling gumalaw.
Natapos na niya ang pagkain at naidlip na lang siya. Nagising siya ng alas otso na ng gabi. Napatingin siya sa pinto ng may marinig na kumakatok. Maingat siyang bumaba at tumingin sa peep hole ng pintuan at nakita niya si Tay Melencio.
Nagpaalam na rin ito at sinabing mag-ingat ulit siya. May mga ilang nahuli raw itong mga batang nangunguha ng bunga at pinagalitan daw niya. Tumango na lang siya sa matanda sa sinabi nito. Matapos noon ay umalis na rin ang matanda at sinarado na muli ang gate.
Ininit niya na lang ang sinigang para sa hapunan. At gaya ng tanghali ay naghanda na naman siya para sa dalawa pero hindi na niya pinagalitan ang sarili. Tiningnan niya na lang ang upuan sa tapat niya at kunwari ay nas tapat niya ito at tahimik lang silang kumakain.