Tulong-tulong sa pagluluto ng mga putahe ang mga kababaihan kasama nila sa bukid. Maging ang pag-aayos ng mga mesa at upuan ay pinagtulungan ng mga kalalakihan. Handa na ang lahat sa araw na iyon. Ikapitong buwan ni Emmanuel at araw ng dedikasyon nito sa Diyos.
"Good Morning Pogi." Bati ni Liv sa anak na kakagising lang. Simula ng mag-limang buwan ay kasabay na nilang matulog at magising si Emmanuel. Pero kasabay rin noon ay ang paghihiwalay nila ng higaan ni Boaz. Bumalik na siya sa kwarto at hindi naman kumibo ang asawa sa desisyon niya. Pero napakarami pa rin beses na nagigising siyang katabi ang asawa sa kama niya at kayakap siya. Iyon na ata ang hindi natanggal at nakasanayan niya sa loob ng ilang buwan magkasama sila sa kwarto dahil sa anak. Lumipat lang sila ng kwarto pero ang siste ay magkasama pa rin silang matulog ng asawa.
Nagmumble si Emmanuel ng kaunti matapos ay ngumiti. Happy baby ang anak nila at hindi iyakin. Umiiyak lang ito kapag gutom o kapag hindi nakukuha ang tulog pero kung susumahin ay mabait na bata ito.
Kaagad niyang hinalikan sa noo ang anak. Kinuha niya ang gatas na nakakanaw at bago lumabas ng bahay ay pinalitan niya ng preskong damit. Mainit sa labas ng bahay kahit na umaga dahil tag-araw na. At dahil nga roon ay binilhan pa sila ng aircon ni Boaz para nga raw sa anak.
Naupo siya sa may beranda at pinagatas si Emmanuel. Tumutunog pa itong umiinom ng gatas na tila gutom na gutom. Naalala niyang nagising siyang madaling araw para mapakain ito kaya naman natatawa siyang ganito ito kagutom. Hindi man ganoon kataba si Emmanuel pero matikas ito. Palagay niya nga ay maaga itong makakalakad dahil matikas na itong tumatayo. Malikot na rin ito at mabilis gumapang at magpaikot ikot sa crib nito. Hindi na nga ito maiiwan sa kama. May dalawang ngipin na rin at si Boaz ang nakadiskubre noon ng kagat kagatin ng anak ang kamay nito. Pero imbes na masaktan sa panggigil ng anak ay tuwang tuwa itong sinabi sa kanya na may usbong ng ngipin ang anak.
"Magandang umaga baby pogi!" Bati ni Isay at akyat pa ng beranda. Ngumiti si Emmanuel kahit na umiinom ng gatas. May papikit-pikit pa ng mata na tila nagpapacharming ang anak niya. "Naku baby, mukhang sasakit ang ulo ni Tatay at Nanay sa'yo. Ngayon palang nang-chichicks ka na." Natawa siya sa sinabi ni Isay.
"Hindi po Ninang Isay, good boy po ako." Magaan balik niya kay Isay. Tumawa naman si Isay.
"Tama yan, baby pogi."
"Opo naman Ninang. Lagi iyan pinagpepray ng tatay niya na maging mabait at masunurin na anak. At alam kong magiging ganoon siya." Naubos na ang gatas ni Emmanuel at nagpapatayo na sa bisig niya. Tinayo niya ito at tumalon talon ito at tawa ng tawa. "Heto na si kulit." Kapag kasi nakainom na ito ng gatas at nakapagpahinga ay masigla na naman ito at magaslaw na naman.
"Sige baby pogi. Mauna na si Ninang. Tatapusin lang namin iyon pagbabalot ng lumpia tapos magpapaganda na ako para sa dedikasyon mo." Kumindat pa ito sa anak niya at tumawa na naman ang bungisngis niyang anak.
Naglakad-lakad sila sa labas para paarawan ang anak. Maligalig si Emmanuel na tila alam ang araw na ito ay para sa kanya. Halakhak ito ng halakhak at nagpapalakpak pa ng kamay. Napapangiti na lang siya sa inaasta ng anak.
"Mukhang maganda ang gising ng anak natin." Napalingon siya at nandoon na pala ang asawa sa likod. Pawisan ito dahil na rin sa pag-aayos at gamit ang maliit na tuwalya ay nagpupunas ito ng pawis sa mukha. Kaagad itong lumapit sa kanila. Si Emmanuel naman ay kaagad na nagpapakarga sa ama.
"Hindi muna anak. Marumi si Tatay. Mamaya na lang po." Inaabot pa ng anak ang ama nito at tila iiyak na.
"Mamaya na anak. Abala pa si Tatay." Saway niya pero umingit ito kaya wala siyang nagawa kundi lumapit sa asawa ngunit hindi niya ito pinakarga. Pinalapit niya lamang para makuntento ito. "Namiss ka na agad. Wala ka kasi kanina paggising." Salita niyang nakatingin sa anak na nilalamukos na ang damit ng asawa. Tumawa naman ang asawa ng mahina.