Chapter 17 - His Name

1.7K 93 52
                                    

"Magandang umaga!" Bati sa kanya ni Boaz. Halata niya ang masayang kinang ng mga mata nito ng tingnan siya. Ganito ito sa buong isang linggo matapos ng gabi ng kanilang pag-uusap at nabahagi niya ang kanyang nararamdaman.

Hanggang ngayon ay naiisip pa rin niya ang mga sinabi nito. Ang tungkol sa Diyos at sa karakter nito, ang pinagdaanan nito sa buhay at ang huli ay kagustuhan nitong pumasok sa isang relasyon kasama siya. Iyon ata ang pinaka sa iniisip niya ngayon. Hindi niya lubos akalain na gugustuhin nitong makipagrelasyon sa isang kagaya niya na buntis sa ibang lalaki at isang buwan nalang ay manganganak na at bukod pa roon ay sa isang sugatan at basag na ang pagkatao.

Hindi naman siya muling kinakausap ni Boaz tungkol doon. Hindi niya lang alam kung dahil sa hindi ito makakuha ng pagkakataon dahil na rin sa naging abala sa bukid dahil sa nagdaan pag-ulan at bukod pa roon ay ang subtle niyang pag-iwas dito.

"Magandang umaga." Sapo pa niya sa tiyan. Tinanghali siya ng gising dahil sa hindi siya makatulog kagabi dahil sa napakalikot ng anak niya buong magdamag. Aligaga ito at tila alam nito na malapit na siyang lumabas.

"Kain na." Masayang anyaya nito. Tiningnan niya ang hinanda nitong pagkain. Simpleng sinangag, pritong itlog at tapang karne. Naupo na ito kagaya niya at gaya ng nakasanayan nila ay nagdasal muna ito bago kumain.

"Ako ng maghuhugas, Liv, magbihis ka na." Nakangiting sambit nito ng akmang kukuhanin na niya ang sponge para simulan ang paghuhugas.

"Pero ikaw ng nagluto."

"Okay lang." Kinuha na nito ang sponge na tangan at sandaling nagdikit ang kanilang mga daliri. Hindi niya maintindihan sa sarili bakit naman biglang nag-init agad ang kanyang pisngi sa simpleng nangyari. Tumango na lang siya at kaagad umalis ng kusina at kaagad nagtungong kwarto para makaligo at magbihis.

...

Nakatingin siya sa sariling repleksyon sa salamin at hindi niya maiwasang mapailing. Dambuhala na talaga siya isama mo pa ang napakalaki at bilog na bilog na tiyan niya na tila puputok kapag natusok ng matulis na bagay. Mabigat na rin ito at palagiang sumasakit na rin ang kanyang likod at hindi siya makatagal ng nakatayo. Pansin niya rin ang pagtambok ng pisngi niya dahil sa kalusugan niya ngayon. Hindi niya lubusan akalain tataba siya ng ganito sa tanang buhay niya dahil sa mabilis na metabolismo ngunit pumalya ito ng mabuntis siya. Ganunpaman kahit maraming negatibong pagbabago ang katawan niya ay inangkin niya lahat ng ito. Anak niya ang dala niya at kahit na kalahati nito ang taong kinamumuhian niya ay ramdam na niya ang malaking pagmamahal sa sanggol na nasa sinapupunan niya. Isang buwan nalang at makikita na niya ito. Isang buwan na lang at masisilayan niya ang dahilan bakit hindi sumuko ang katawan niya sa pananakit ng asawa. Subconcious na ata ng utak niya na utusan ang katawan niya na mabuhay at protektahan ang mumunting sanggol na noon ay hindi pa niya alam. At nagpapasalamat siya dahil doon. Napaisip siya kung dahil ba sa Diyos kung bakit siya nabuhay at ang anak niya. Napaisip siya sa sinabi ni Boaz na walang aksidente at lahat ay nakaplano kagaya ng muli nilang pagtatagpo.

Nakarinig siya ng marahang pagkatok. Kaagad niyang sinipat ang sarili at pinasadahan ang buhok niyang tinali niya ang kalahati na kakaiba sa buhok niyang laging nakapusod.

Bumungad sa kanya si Boaz na nakangiti. Napansin niya ang pag-aahit nito dahil nabawasan ang balbas at bigote nito. Basa pa ang buhok nito na nakalugay at tila sinuklay lamang ng kamay. Nakasuot ito ng puting polo shirt at khaki na pantalon at brown na loafers.

"Liv?" Naulinigan niyang salita nito. Hindi niya alam kung kanina pa ito tumatawag sa kanya. Hindi niya kasi maiwas na sipatin ito ng buo. Tumingin siya sa mata nito na nakangiti at maliwanag. Iyon ang pinakapaborito niya. Ang magandang mata nito na kulay hazel na tila kumikinang kapag nakangiti ito. Napakaexpressive kasi ng mga iyon. "Ahm, Liv, halika na. Pasensiya na nandiyan na kasi si Isay sa baba."

The Man After His Own HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon