Ilang beses pa sa gabing iyon na may naramdaman siyang humahawak sa kanya at sumasapo sa mukha niya. At sa tuwing imumulat niya ang mata ay ang mukha ng babaeng anghel ang nakikita niya. Kapag nakita na niya ito ay ipipikit na muli niya ang mga mata. Masaya siyang makita ito sa bawat paggising at makasama ito sa panaginip.
Nagising ulit siya at nakita niya na maliwanag na mula sa labas. Mabigat pa rin ang pakiramdam niya. Kasabay ng pagbangon niya ay ang pagbukas ng pinto at ang iniluwa noon ay ang magandang mukha ni Liv. Nakaligo na ito at nakaayos na at nakapusod na ang buhok na palagi nitong ginagawa.
May dala itong tray ng pagkain at nilagay sa bedside table. Nakatingin lang siya ritong mabuti. Ito ba ang anghel na bumisita at nag-alaga sa kanya kagabi?
"Kain na." Salita nito.
"Kaya ko na." Magsasandok na sana ito ng lugaw na niluto nito pero pinangunahan na niya. "Salamat, Liv. Pero huwag ka na masyadong lumapit sa akin baka mahawa ka." Umiling-iling lang sa kanya ang babae.
"Oh sige. Ubusin mo iyan at uminom ng gamot pagkatapos. Babalikan ko na lang." Salita nito at bakas niya ang tampo sa boses nito. Tumango na lang siya at hindi na ito inalo. Iniisip niya lang kasi ang kabutihan nito.
"May mga deliveries ako ngayon araw. Tawagin mo nalang ako kapag--"
"Ako na lang. Kaya ko na iyon. Magpahinga ka na lang." Inis na salita nito sa kanya.
"Pero--"
"Huwag ng matigas ang ulo." Naghalukipkip pa ito ng braso at tinaasan siya ng kilay. "Magpahinga ka, okay?"
"O-okay..." Hindi na siya nakapagsalita at sumunod na lang. Mukhang wala siyang panama rito kapag ganoon na ang tono nito na tila nagtataray. Naalala naman niya ang nanay niya kung paano siya pagsabihan noon lalo na kapag siya ay nagkakasakit. May pagkakahawig sa ganoon aspeto si Liv at ang nanay niya. Napangiti siya dahil doon. Marami talagang binabalik na alaala sa kanya ang magandang babae na ito at masaya siyang maalala ang mga iyon.
...
"Kain na." Pag-anyaya pa sa kanya ng babae. Nasa kwarto niya ito ulit at nagdala ng pagkain sa kanya. Pero hindi niya inaasahan na may dala rin itong sariling pagkain.
"Liv, sinabi ko na sa'yo na huwag ka na masyadong lumapit. Ayokong mahawa kayo sa akin." Pag-aalala ulit niya ngunit sadya atang matigas ang ulo nito at walang balak siyang pakinggan. Alam niyang mahirap para sa isang buntis ang magkasakit dahil ang sanggol sa sinapupunan nito ay maari rin magkasakit. At ayaw niyang mangyari iyon sa mag-ina. Mas gugustuhin na lang niyang siya na lamang ang umako ng sakit nito pagnagkataon.
"I am good and healthy, Boaz." Naupo pa ito sa tapat ng kama niya. "Pray for the food first pala." Paalala nito. Tumingin muna siya ng matagal rito bago nag-usal ng dasal. Wala na nga ata siyang magagawa. Matapos noon ay nagsimula na silang kumain.
"Ito na ang last na pupunta ka sa kwarto ko. Magaling na ako, Liv." Salita niya. Pero hindi sumagot ang babae at nagpatuloy lang sa pagkain. Napabuntong hininga siya dahil doon. May katigasan talaga ito ng ulo. "Liv."
"Ayokong kumain mag-isa. Wala akong gana kapag hindi kita kasama." Pag-amin pa sa kanya ng babae. "Kaya kung gusto mong hindi ako magpunta sa kwarto mo at mahawa magpagaling ka na." Napatitig naman siya kay Liv dahil sa tinuran nito. Natuwa siya sa narinig pero hindi pa rin niya magawang mag-alala. "Kumain ka ng marami at magpalakas. Hindi ako sanay na mahina ka." Tumitig sa kanya ang babae at pinapagalitan pa nga siya ngayon.
"Opo." Nakangiting salita niya. Kumain na lang din siya at inubos ang pagkain hinanda nito para sa kanya. Pinainom pa siya nito ng gamot. Matapos noon ay tinabi ng babae ang pinagkainan nila at binuksan ang aparador niya.