Nakatingin lang siya sa asawa na kasama niyang nakaupo sa parte ng bukid habang pasikat ang araw.
Nasa stroller ang anak niya at tulog at gaya ng ginawa nila ng nakaraan limang araw ay nagpunta sila sa lugar na ito para kausapin ang Diyos.
Wala naman kakaiba sa ginagawa nila. Oo at sa unang araw ay naiilang siya sa katahimikan ng umaga ngunit maya-maya ay magsasalita na rin si Boaz. Magbabasa ito ng mga berso sa isang libro na mula sa bibliya at makikinig siya sa rito. Gaya na lamang kanina ang berso ay hango sa Genesis kung saan nakipagbuno si Jacob sa Diyos at napilay siya sa hita. (I encourage you to read Gen 32: 1-32 to understand this.) Isang malaking palaisipan sa kanya ang kwento na iyon at kung bakit pinilayan ng Diyos si Jacob ganoon kailangan niya ang buong lakas para kaharapin si Esau, ang kanyang kapatid na alam niyang galit sa kanya dahil sa ginawa niyang panggugulang para sa basbas na kanyang ama na si Isaac.
Pwede naman siyang magtanong sa asawa ngunit nanatili siyang tahimik. Lahat naman ata ng tanong niya ay sinasagot nito pero ngayon ay pinili niyang manahimik. Pinakinggan na lamang niya itong umaawit. Ganito ang routine nila sa umaga. Kung hindi mauuna ang kanta ay ang pagbasa ng bibliya matapos ay ang pagdarasal-ang pasasalamat sa bagong umaga, sa biyaya at sa pagpapasa-Diyos ng hinaharap. At kahit hindi siya nagsasalita ay pumipikit at kahit hindi niya sabihin ay nakikiisa siya sa panalangin ng asawa.
"Who sees my brokenness and carries me when I am frail and weak. Jesus it is You. Who tells the storm to rest when I am overwhelmed and cannot speak. Jesus it is You" (Jesus it is you by JPCC)
Nakatitig lang siya kay Boaz habang kumakanta ito at sa unang pagkakataon ay natigilan siya sa salita ng kanta. Ngayon niya lang narinig ang kantang iyon mula kay Boaz. Bago ito sa kanyang pandinig pero bukod pa roon ay may tumimo sa puso niya dahil sa kanta na iyon.
"Who wears my guilt on his shoulders. Who holds my heart in His hands. Who takes my thoughts and fears and hang them on the arms of Calvary. Jesus it is You."
Hindi niya alam pero nangilabot ang braso niya sa sumunod na berso ng kanta. Who holds my hearts. Who takes my thoughts and fears and bring them on the arms of Calvary. Ulit pa niya sa kanyang isip.
Nakagat niya ang labi niya sa hindi niya maeksplikang reaksyon. Napatungo siya at kaagad na pinunasan ang sa palagay niya ay tutulong luha at kunwari ay tiningnan ang anak na nasa stroller.
"Liv?" Rinig niya ang pag-aalala sa boses ng asawa. Hindi siya lumingon dito at umiling lamang. Nagulat siya ng lumuhod ito sa harapan niya at tiningnan ang mukha niya partikular sa mata at alam niyang namumula iyon mula sa pag-iyak.
"Ang-ang ganda ng kanta." Paliwanag pa niya. Hindi niya alam kung bakit ganito ang nararamdaman niya.
Sinapo ni Boaz ang mukha niya at pinahid ang pisngi niya. Ngumiti ito sa kanya at kahit naluluha ang mga mata niya ay ngumiti rin siya sa asawa.
...
Linggo at niyaya siya ni Boaz na magsimba. Ilang beses na rin naman siyang niyaya nitong magsimba tuwing linggo simula't sapul ngunit marami siyang dahilan. Pero kakaiba ang Linggo na iyon. Kahit na nag-aalangan siyang sumang-ayon sa pagsama sa asawa ay pinaliwanagan siya nito na kakausapin nila ang simbahan dahil ipapadedicate nila si Emmanuel Boaz kaya hindi na rin siya nakatanggi. Balak nila itong ipadedicate sa ikapitong buwan nito.
Isang katamtamang laking hall ang sumalubong sa kanya. Hindi ito ang inaasahang simbahan na nakasanayan niya na malalaki at magarbo. Napakasimple lamang nito at may mga upuan na maiiging nakasalansan at mga taong nakaupo na. Maraming tao ang nasa loob pagdating nila at may nag-usher sa kanila papasok at kakilala ito ni Boaz.