"May napili ka na?" Nakatingin siya sa mga bestida na pinagbibili ng ina ni Isay. Isang lokal na mananahi ang gumawa raw nito at magaganda ang disenyo at tabas. Pinagpipilian niya ang pula at asul na bulaklakin na bestida. "Bagay sayo ang pula mas lalo kang pumuti pero bagay rin sayo ang asul at puti mukha kang anghel."
"Magaling ka sa sales talk, Isay." Natatawa niyang sabi. Ngumiti naman si Isay.
"Nagsasabi ako ng totoo." Ngiti nito. Tumango na lang siya at pinili ang asul at puti na bestida at nilapat pa sa katawan niya.
"Ito na lang ang kukunin ko at ang daliwang kamison na pantulog." Nakangiting niyang salita. May naitabi naman siyang pera na pangsarili pero wala siyang pagkakataon mamili ng mga damit niya dahil naging abala siya sa anak o tamang mas nilalaan niya ang pera sa anak.
"Maganda nga sa'yo iyan. Salamat, Ruth." Binalot pa ni Isay ang pinamili niya at mukhang tuwang-tuwa. Ang ilan nga rin na taga bukid ay napagbentahan nito. Mura at pwede pang installment.
"Suotin mo yan sa paguwi ni amo." Malaking ngiting sabi ni Isay. "Hindi pa ba raw siya uuwi?" Napatingin siya kay Isay saglit saka kinuha ang pinamili niya at nilagay sa gilid ng mesa. Kumakain kasi sila habang nagbebentahan. Kailangan talaga niyang magmultitasking habang tulog ang anak niya at si Inang Naomi ang nasa kwarto para bantayan ito.
Ikatlong araw na pero hindi pa rin umuuwi ang asawa. Humingi ito ng paumanhin sa kanya at sinabing may aberya lamang na kaunti sa bukid nito sa Puerto Princesa. Sumang-ayon naman siya dahil alam niyang responsibilidad iyon ng asawa. At isa pa gusto niyang maging supportive na asawa rito. Ayaw niyang maging pabigat at dagdag pa sa iisipin at aalahanin nito. Gusto niya itong maging katuwang imbes na lagi na siya o silang dalawa ng anak niya ang inuuna nito.
"Hindi pa. May mga kailangan pa siyang asikasuhin." Nakangiti niyang sagot kay Isay. Buti nalang pala talaga ay nandito si Isay at Inang Naomi. Napakalaking tulong ng dalawa hindi lamang sa pag-aalaga sa anak niya kundi na rin sa bukid. Nataon kasi na nagkaproblema sa dispatch delivery at sila lamang ni Boaz ang may alam noon. Buti nalang talaga nandito ang mga kasama niya sa bukid at natulungan siya.
"Sige habang wala pa si amo, kami muna kasama mo." Ngiting-ngiti si Isay. "Hindi mo ba namimiss?" Tila hinuhuli siya ni Isay sa tanong. Tumingin lang siya rito at hindi niya mapigilan ngumiti ng maliit at tumango. Sobrang nangungulila na nga kasi siya sa asawa.
Ngumiti ng malaki si Isay sa kanya at nangingislap pa ang mga mata.
"Hanapin natin ang FB ni amo." Kinuha pa nito ang cellphone sa bulsa.
"May FB si Boaz?" Nagtatakang tanong niya.
"Oo, Ruth. Hindi nga lang siya ganoon active pero meroon." Excited pa na sagot ni Isay. Tumabi naman ito sa kanya at may pinipindot pang kung ano sa telepono. "Malay mo may bagong post. Minsan kasi nagpopost si amo ng mga pananim niya. Pero di ko alam kung siya nga iyon o may admin siya." Tumango-tango nalang siya sa sinabi ni Isay. Naexcite siya dahil baka nga may post itong bago sa FB. Sana ay kasama ang asawa sa larawan, sa isip-isip niya. Miss na niya talaga ito.
Kumain muna siya habang abala si Isay sa ginagawa sa telepono. Kung pwede nga lang niya gamitin ang dati niyang FB page pero hindi. Ayaw na niyang balikan iyon. Dati ay suki siya ng social media accounts. May dummy account siya at may real account. Ganoon ata talaga kapag artista. Sa dami ng nga account niya ay hindi na siya ang nagpopost ng mga update kundi ang P.A. niya or ang admin na kinuha ng manager niya na si Tita Kris.
"Meroon nakatag na pictures si amo, Ruth. Ang dami. Mabagal magload" Nakangiting salita ni Isay. Napalapit siya sa kinauupuan nito at humilig ng kaunti para tingnan. "Tour to Paradise." Basa pa ni Isay sa title ng album. Totoo nga ang nakita niya. Pero hindi galing kay Boaz ang post. Nakatag lang ang asawa niya rito. Ang nagpost ay may pangalang Trisha Powell. "Sino si Trisha Powell?" Tanong sa kanya ni Isay at napailing siya. Hindi niya kilala ang babae na iyon.