Chapter 19 - Emmanuel

1.5K 90 51
                                    

"Ikaw ulit ang nagluto." Bungad niya rito sa kusina. Tinanghali na naman siya ng gising dahil hindi siya ganoon makatulog kagabi hindi dahil katabi niya si Boaz kundi dahil sa paglilikot ng kanyang anak.

"Puyat ka kagabi." Ngiti nito. Natahimik siya dahil alam ng asawa ang hindi niya pagtulog ng ayos. Sinundan lang niya ito ng tingin habang naglalakad ito patungo sa kanya na may tangan pang sandok. Nang makalapit ay sinapo ng malayang palad nito ang kanyang pisngi at ginawaran siya ng marahang halik sa labi. Hindi siya makamaang dahil doon. "Good morning." Ngumiti pa ito sa kanya at hinaplos ng daliri ang kanyang ibabang labi. "Mauna ka na sa mesa matatapos na rin ito." Binitawan na siya nito at bumalik sa pagluluto. Wala siyang masabi sa ginawa nito ngayon dahil hindi siya sanay na ganito ito. Sa tagal kasi nilang magkasama ay hindi ito ganoon kalambing. Ito ba ay dahil sa titulo na meroon sila ngayon? Totoo ba ang ibig sabihin ng titulong 'asawa' sa kanya? "Liv?" Napatunghay siya sa pagtawag nito muli. Nakatingin ito sa kanya na tila nagtataka. "May problema? Gutom ka na ba? Saglit na lang ito." Ngumiti at aaktong palapit ulit ito sa kanya kaya kumilos na siya, lumayo at pumunta sa mesa.

Tahimik lang siya habang kumakain ngunit may mga saglit na susulyapan niya si Boaz at nahuhuli niya itong nakangiti at nakatitig lang din sa kanya. Hindi naman ito nagsasalita at tipong nakikiramdam lang sa kanya. Hindi ito nagkwento o naglahad ng plano niya ngayon araw. Linggo kasi ngayon at pahinga. Kalimitan tuwing Linggo ay umaalis ito patungong bayan para magsimba at yayayain siya nito kahit ilang beses na siyang tumanggi. Ngunit ngayon nga ay walang imbitasyon at mukhang wala itong balak umalis.

"Ako ng maghuhugas." Pag-aako niya sa gawain matapos niyang kumain. Tumingin sa kanya ang asawa ng matagal at nag-iisip.

"Hindi na, Liv. Ako na." Mahinahong salita nito matapos humigop ng kape.

"Ako na."

"Liv, magpahinga ka na. Kaunti lang naman ang hugasin. Ako na." Napabuntong hininga siya.

"Kinasal lang tayo, Boaz at hindi nakakabaldado ang pagpapakasal." Salita niya. Tumitig naman sa kanya ito at tila nangingiti ngunit pigil. Sa huli ay nagpakawala ito ng hininga.

"Sige na po." Sagot nito at ngumiti sa kanya. "Tulungan nalang kitang magbanlaw ng mga plato."

"Boaz." Tila banta ang pagbigkas niya sa pangalan nito. Tumawa naman ang lalaki.

"Opo." Salita nito. "Nakakapanibago pala kapag may asawa na." Nangingiting salita ng asawa. "Tulungan na lang kitang magligpit-"

"Boaz, ako na." May pinalidad sa boses niya at lalong napangiti ang lalaki. Tumango na lang ito, tumayo at nagtungo sa kinauupuan niya.

"Sige na po." Nakangiting salita nito. "Dahan-dahan ang kilos ha? Nasa may veranda lang ako. Tawagin mo ko kung anuman." Nakatingala siya rito dahil nakaupo pa rin siya. Tumango na lang siya at ngumiti ito ng malaki sa kanya. "Good." Haplos pa nito ng pisngi niya matapos ay hinawakan ang baba niya at marahan inangat matapos ay hinalikan siya sa noo. Hindi siya makapagsalita. Sure Boaz is touchy now. Hindi siya nagrereklamo doon pero naninibago talaga siya.

...

Natapos na siya sa gawain at napagpasyahan niyang maligo matapos niyang imisin ang gamit sa kanyang kwarto. Tiningnan niya lang ang kwarto at inalala ang nangyaring pagtulog dito ni Boaz. Hindi naman ito ang unang beses na nagtabi sila sa pagtulog pero bakit iba ang pakiramdan niya kagabi lalo na sa mga inaakto nito. Dahil ba sa mag-asawa na sila? Pero alam naman niyang ang pagiging mag-asawa nila ay paraan lang ni Boaz para maprotektahan siya. Hindi naman nito totohanin iyon hindi ba? Napabuntong hininga na lang siya dahil sa iniisip.

Bumaba siya mula sa itaas at lumabas sa may veranda para sana hanapin ang asawa ngunit walang Boaz na nakaupo sa paborito nitong upuan. Naglakad siya pababa ng bahay para hanapin ang asawa. Palakad na siya papasok ng bukid ngunit natigilan siya ng makita ang hinahanap. Nakatayo ito at nakataas ang dalawang kamay patungong langit na tila nag-iinat habang kaharap naman ang araw at ang buong kabukiran. Tahimik niya lang pinagmasdan ito at pamaya-maya pa ay lumuhod ito.

The Man After His Own HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon