Nakatingin siya sa kanyang sarili sa salamin. Kung ito nga ang tinatawag nilang pregnany glow ay nakabubuti ito lalo na ngayon araw na ito. Ngayon araw na ito kahit hindi nararapat ang pag-iisip na iyon ay gusto niyang maging maganda ulit. Hindi naman siya nabigo ng tumingin sa salamin. Nakasuot siya ng kulay puting bestida na hanggang kanyang bukong bukong. At kahit na buntis siya ay maganda pa rin ang bagsak ng damit sa katawan niya. Gawa ito sa lace na may maliliit na disensyong bulaklak na binurda. Tinernohan pa ito ng puting, flat na sandalyas na may malambot na tali na lumapas lang ng bukong bukong niya.
Tinulungan siyang mag-ayos ng buhok ni Isay at ang ina nito. Itinirintas ang kalahati ng kanyang buhok mula sa gilid ng kanyang ulo patungong likod samantalang ang kalahati ay pinanatili na lamang nakalugay. Sa una muling pagkakataon ay gumamit ulit siya ng make up. Marunong siyang magmake up sa sarili dahil na rin sa trabaho niya dati maging komplikado man o hindi. Pero hindi na niya ginawang komplikado ang make up hindi dahil limitado lang ang meroon siya ngayon ngunit dahil iyon ang mas ginusto niya. Simpleng face powder at lip tint lang ang ginamit niya.
"Handa ka na, Liv?" Tanong ni Isay sa kanya. Umalis na muna ang ina ni Isay kaya naiwan na lang silang dalawa.
"Patawad Isay." Ngayon niya lang nakausap ito matapos ng isa't kalahati linggo dahil naging abala ang bukid sa nalalapit na kasal nila. Alam niyang gulat ang buong kabukiran sa anunsyo ni Boaz ka-Lunesan lalong-lalo na ang tatlong tao na malapit kay Boaz na si Tay Melencio, Inang Naomi at Isay.
"Bakit ka humihingi ng tawad?" Nakangiting tanong ni Isay. "Hinihingi mo ba ng tawad ang pagpapakasal kay amo?" Hindi siya makapagsalita kaya tumango nalang siya. "Aaminin ko na nakakaramdaman ako ng panghihinayang." Paunang paliwanag ni Isay. "Matagal ko na rin kasing gusto si amo." Naupo ito sa tapat niya at kinuha pa ang kamay niya. "Pero may mga bagay talaga na hindi ibibigay sa'yo ng Diyos kasi hindi dapat at hindi mo kailangan." Napatungo siya sa sinabi nito. Napaisip naman siya. Paano nalang pala kung hindi siya nakita ni Inang Naomi noon araw na iyon at hindi nakapagtrabaho dito? Maari kayang sila ang nagkatuluyan ngayon? "Liv, huwag ka ng mag-isip. Hindi binigay sa akin si amo dahil ang nakasulat sa plano ng Diyos ay ibigay siya sa'yo." Ngumiti sa kanya si Isay ngunit may tumulong isang luha sa mata nito. "Masaya ako para sa inyo. Masaya ako na sa wakas, dumating na rin ang babae na makakapagpaamo ng mailap na puso ni Boaz. Grabe, ang tagal ng usap-usapan iyan sa bukid kung mag-aasawa pa siya o talagang tatandang binata na. Nakahabol pa si Boaz sa huling byahe." Kumindat sa kanya si Isay at ngumiti ng malaki. Wala na ang bakas ng luha kani-kanina lang. Ngumiti na lang siya at tumango. May sumagi sa isip niya kaya siya napangiti ng mapait. Kung alam lang sana ni Isay kung bakit siya papakasalan ni Boaz.
Tinulungan na siya ni Isay na tumayo at maglakad palabas. Pahapon na kaya palamig na ang simoy ng hangin sa labas. Sa kamalig gaganapin ang kasal at kainan. Inayos iyon ni Boaz kasama ng mga kasama sa bukid. Hindi man lang siya minsan hinayaan pumunta roon ng binata. Gusto sana niya rin tumulong pero ayaw nito dahil kabuwanan na niya.
Nakita niya sa may labasan si Tay Melencio at Inang Naomi. Tipid siyang ngumiti. Tanda niya ng inanunsyo ni Boaz ang kasal nila ay kinausap siya ng dalawang taong ito. Si Tay Melencio ay tuwang-tuwa na sa wakas ay nakapag-asawa na ito at bukod pa roon ay pinaalalahanan siyang maging mabuti at pasensiyosang asawa kay Boaz dahil matagal itong nag-isa at malamang sa malamang sa mga unang buwan na pagsasama nila bilang mag-asawa ay baka kakitaan niya ito ng kakatwang ugali dahil sa matagal itong naging single. Pag-unawa at pasensiya. Iyon ang paulit-ulit na sinabi ni Tay Melencio. Ngumiti na lang siya at tinanggap ang payo nito.
Si Inang Naomi naman ay tila may pagdududa sa mabilisan pagpapakasal nila ni Boaz. Hindi niya masabing nanghuhusga ito pero nasa mga mata nito ang kagustuhan malaman ang katotohanan. Gusto sana niyang sabihin magpapakasal lamang sila para mapoprotektahan siya at anak niya pero hindi niya papangunahan si Boaz doon. Mas gusto niyang ang binata na ang magtapat kung ipagtatapat man nito ang bagay na iyon. Ngunit ganunpaman, tinanggap naman ito ni Inang Naomi at sinabi pa nitong may plano ang Diyos sa buhay natin na minsan ay hindi natin maintindihan pero kailangan lang natin magtiwala.