"Nasa recovery room na po ang asawa niyo. Ililipat po siya sa kwarto niya po kapag maayos na po ang lagay niya." Pagbibigay alam pa ng babaeng nurse sa kanya.
"Salamat."Ngumiti siya rito at tumango lang ang babae. Nakahinga siya ng maluwag matapos noon.
Ganoon na lang ang kaba at alinlangan sa puso niya dahil sa nangyari. Mabuti na lamang ay nagawi si Isay sa kanila kaya may kasama sila ng asawa patungong ospital. Hati ang utak niya sa pagmamaneho at pag-alo sa dumadaing na si Liv. Bakas niya sa rear view mirror ang sakit at paghihirap ng asawa. Abot-abot ang dasal niya na huwag muna iluwal ang bata dahil na rin sa maaring masamang mangyari dito pag nagkataon dahil sa posisyon nito. Pero salamat sa Diyos at ligtas silang nakarating sa ospital at ligtas na nakapanganak na nga ang asawa.
"Ang cute-cute niya, amo." Malaking ngiti ang sumalubong sa kanya galing kay Isay. Sinundan kasi nito ang anak na nilagay sa nursery. Pinapasok nga rin siya sa loob pagkapanganak ni Liv at nabuhat niya kahit saglit ang sanggol. May kung anong bumundol sa dibdib niya ng makita ang sanggol. Masaya siya at gusto niyang protektahan ang maliit na sanggol na nasa bisig niya. Hindi pa nga niya naiwasan maluha na kaagad niya rin pinunasan dahil nakatingin sa kanya ang mga nurse at doktor.
"Oo naman. Anak ko kaya." Pagmamalaki pa niyang pahayag. Ngayon araw na ito ay memorable sa kanya dahil ngayon araw na ito ay isa na siyang ganap na magulang. Oo at hindi sa kanya galing ang bata pero buong puso niya itong minahal kahit hindi pa man ito naisisilang. Mahal niya ito. Napangiti siya sa naisip.
"Oo nga amo." Hindi mapawi ang ngiti ni Isay. Kaagad na silang tumuloy sa kwarto kung saan dadalhin ang asawa at doon na lamang nila ito hihintayin.
Naupo na si Isay samantalang siya at nanatiling nakatayo at maya't mayang binubuksan ang pinto dahil inaabangan niya ang pagdating ng asawa.
"Amo, baka maya-maya pa iyon. Maupo ka muna." Nakangiting puna sa kanya ni Isay. Huminga muna siya ng malalim bago naupo sa katabing upuan ni Isay. "Gusto mo ng kape? Ibibili kita sa kantina." Umiling na lang siya sa anyaya ng babae.
"Maraming salamat sa pagsama sa amin, Isay. Maraming salamat sa pagtulong." Pagpapasalamat niya rito.
"Naku, wala iyon, amo. Buti na lang pala ay bumalik ako sa bukid dahil sa naiwan kong gamit sa kamalig. Hindi ko kasi maipagpabukas dahil nag-aalala ako na nawala ko iyon."
"Salamat sa Diyos sa nangyari at dahil doon ay nakasama ka namin." Ngumiti ng malaki ang babae sa kanya at sinuklian niya lang ito ng ngiti. Hindi niya rin lubos na akalain na sa paglagi niya sa Hacienda Rachel ay makakalapit niya ng loob si Isay.
"Salamat nga sa Diyos." Ngiti nito sa kanya. "Anong pakiramdam, amo ngayon at isang ama ka na?" Puno ng kuryosidad na tanong nito sa kanya. Natawa siya ng mahina.
"Wala pa man akong nagagawa para sa kanya ngayon pero marami na akong naiisip para sa pagpapalaki sa kanya. Kung ano ang una kong ituturo, iyon pagbili ko ng gusto niyang mga laruan, kung saan namin siya pag-aaralin at palalakihin. Marami akong naisip habang karga ko siya noon sandali na iyon." Malaki ang ngiti niya sa sinabi. Napakalaking kasiyahan talaga sa puso niya ang pagdating ni Emmanuel Boaz sa buhay niya at bukod pa roon ang pagbuo ng asawa niya sa kakulangang hindi niya alintana sa kanyang buhay. Ang dalawang tao na ito ay tila bagong maganda at matingkad na pintura na nagbigay ng kulay sa mundo niya.
Napalingon siya kay Isay dahil sa pagtahimik nito. Tila ata nasobrahan siya ng mga sinabi. Nakatingin lang sa kanya ang dalaga na may paghanga sa mga mata at hindi niya alam kung para saan ang paghanga na iyon. Pero kaagad din naman itong nagbawi ng tingin at kaagad tumungo. Hindi niya maintindihan ang ginawa nito.
"Palagay ko ay magiging mabuting ama ka, Bo- amo." Mahinang sambit nito at marahang sinalubong ang kanyang tingin. Naiilang siya pagtingin na ganoon ni Isay pero ngumiti na lang siya. "Amo--" Magsasalita pa sana si Isay ngunit natigilan ito ng bumukas ang pinto at dala ng movable na kama ang asawa na nakapikit at nahihimbing. Kaagad siyang tumayo at sinalubong ito. Tinulungan niya rin ang mga nurse sa paglipat dito ng higaan sa kwarto. Matapos noon ay kaagad niyang inayos ang kumot at kinumutan ito. Nilapat niya ang kumot hanggang sa may tiyan nito ng gumalaw ang kamay nito at marahang pumatong sa kamay niya. Tumaas ang tingin niya at nakita niya ang mukha ng asawa na ngayon ay gising na. Kaagad siyang ngumiti rito at ito rin naman ay nagpamalas din ng maliit na ngiti.