May kanta sa kanyang labi habang pabalik na siya sa bahay matapos ng kanyang morning devotion. Pawisan na siya pero presko ang pakiramdam niya dahil sa malamig na hangin ng umaga. Nakakita rin siya ng dalawang ibang kulay na ibon sa may puno. Tuwang-tuwa siya roon dahil pinaalala nito na palagi ay hindi siya nag-iisa, hindi man sa literal na pananaw.
May naamoy siya pagpasok ng bahay. Amoy ng bawang at dahil doon ay napangiti siya. Alam niyang magsasangag si Ruth ng kanin na natira mula kagabi at malamang ay nakapagluto na rin ng uulamin nila. At napangiti siya dahil doon. Napangiti siya dahil sa tagal ng panahon ay may nagluluto sa kanya ng almusal ngayon. Kung dati ay sanay na siya sa tinapay at kape ngayon naman ay lagi siyang busog tuwing almusal.
Kaagad siyang nagpunta sa banyo sa itaas at kaagad na naligo. Nang matapos siyang maligo ay napadaan siya sa salamin sa may lababo at napatingin siya sa repleksyon niya.
He was very hairy. Ang maalon-alon niyang buhok ay humaba na ng kaunti mula sa balikat at ang balbas niya ay humaba na rin. Binuksan niya ang likod ng salamin dahil doon nakatago ang kanyang pang-ahit. Hindi naman niya balak mag-ahit ng buo ngayon. Inahit niya lang ang sumobra sa gusto niyang haba ng balbas at bigote at ng matanggal na ay nasiyahan na siya. Pero hindi pa rin siya umalis sa salamin. Tiningnan niya lang ang mukha sa harap niya na matagal niyang hindi napagmasdan ng mabuti sa matagal ng panahon.
Tumatanda na siya. Halata na sa ilang kulubot na balat sa may dulo ng kanyang mga mata lalo na kapag nagpapakita iyon ng masayang emosyon. May mga ilan na rin pinong kulubot siya sa noo at maging iilang maliliit at pinong kulubot sa may bibig. At meroon na rin siyang mabibilang na puting buhok.
Ngumiti pa rin siya sa sarili kahit ganoon pa man. He's in early forties but he still looking good. Sa kabila ng mga pinong kulubot sa mukha at puting buhok, masasabing malakas pa rin siya at maganda ang pangangatawan sa edad niya. Hindi naman kasi siya nagpabaya sa sarili at kinakain niya. Lagi kasi iyon paalala ng nanay niya lalo na at pinili niyang mag-isa sa buhay. Mali, hindi naman pinili, mas tamang sabihin hindi niya mas pinagtuunan ng pansin ang buhay pag-ibig. Nagkaroon naman siya ng ilang nakadate at ibang nakarelasyon pero malimit ay hindi nagtagal. Hindi sa karaniwan na rason ng lalaki na babaero dahil hinding-hindi. Hindi sila nagtagal unang-una dahil sa paniniwala. Hindi niya alam kung bakit may mga taong hindi lubusan umiibig sa Diyos. Hindi naman niya hinuhusgahan ang ilan nakarelasyon. Ang totoo pa nga niyan ay gumawa pa siya ng paraan para mapalapit ang mga ito sa Diyos pero sa huli ay sila na rin ang tumitigil at hindi niya maintindihan ang mga iyon. Meroon din naman siyang nakilala na pareho ng paniniwala at malimit iyon ay galing din sa simabahan nila at reto ng nakakatandang kapatid pero ang pangalawang rason naman ang nagiging problema niya. At ang pangalawang rason ay tungkol naman sa pagiging magsasaka niya. Hindi niya alam bakit big deal sa mga babae ang pagiging magsasaka 'lang' daw niya at iyon lang ang kaya niyang ibigay sa magiging asawa at anak niya. Minsan nga ay nasabihan pa siya na wala na siyang pangarap. Hindi maintindihan ng ilan kababaihan na ang pagsasaka ang pangarap niya simula't sapul. Hindi niya alam na sa iba pala ay hindi matuturing na pangarap ang pagsasaka at wala raw itong patutunguhan.
Hindi niya alam na ang dalawang bagay na pamantayan niya ay napakahirap para sa iba. Pero meroon din naman sumuporta sa gusto niya. Nakakita siya ng babaeng umayon sa dalawang pamantayan niya. Ang una ay inaya pa niyang pakasal pero sumakabilang buhay ito. Ang pangalawa naman na sa palagay niya ay minahal niya ng lubos ay nakatali naman sa iba.
But then God honors his faithful servant. Hindi man siya pinagpala na makakita ng katuwang sa buhay ay pinagpala siya sa kanyanag pangarap. Mula sa maliit na lupa at pagiging simpleng magsasaka niya ay lumaki ng lumaki ang hacienda at ngayon nga ay nakipagsapalaran na rin siya sa ibang mga produkto mula sa prutas at gulay na inani niya. Nagkaroon pa nga siya ng isa pang malaking lupain at ito nga ang Hacienda Rachel. At masaya siya at kuntento na roon. Aanhin pa niya ang kasama sa buhay kung hindi nito kayang mahalin ang Diyos niya at ang pangarap niya. He'd rather die a single old man yet happy and faithful to God.