"ANO 'YAN?"
Napaigtad si Monmon at pasimpleng tumagilid ng upo sa nakalatag na karton ng bahay-bahayan namin.
Kanina ko pa napapansin na may tinitingnan siya, pero nang lumapit ako ay bigla naman siyang umiwas at halatang nataranta.
"Ang ganda, a." Nahuli ng paningin ko ang pagkinang ng bagay na hawak-hawak niya.
Madilim na dahil alas- syete na ng gabi. Lampara lang ang ilaw namin at ang maliit kong flashlight. Kakauwi ko lang galing sa Binondo kung saan ako naghanap ng pag-aaply-an ng trabaho. Isinama kasi ako ron ni Maricel dahil nangangailangan daw ng tagalinis ng sapatos si Mr. Husik, isang Intsik na may-ari ng sapatusan doon. Ang sahod ay trenta pesos isang araw. Libre na ang tanghalian.
"Wala." Sa tulong ng liwanag ng lampara ay nakita ko ang pag-ilap ng mga mata ni Monmon.
"Patingin." Hinawakan ko siya sa balikat at pilit na inililingon sa akin.
"Wala 'to."
"Isa!"
"Kasi naman, wala nga sabi, e."
"Ibibigay mo ba 'yan sa akin o kakaltukan kita?!"
"Ito na nga." Inilabas niya mula sa loob ng T-shirt niya ang bagay na nakita ko kanina.
Kinuha ko iyon at pinakatitigan. Kumikinang ito at may kabigatan. Halatang hindi peke.
"Saan mo nakuha 'to?" Tanong ko sa kanya habang sinisipat ang kwintas na silver. Ang palawit nito ay mga letra na binubuo ang salitang MONTEMAYOR.
Hindi sumagot si Monmon.
"Parang mahal. Saan mo nakuha 'to?" ulit ko.
"N-napulot ko lang." Sa pagka-utal niya ay napaarko ang kilay ko.
Hindi talaga marunong magsinungaling ang kapatid ko. At mas lalong hinding-hindi niya ako mapapaniwala na nagsasabi siya ng totoo. Kilala ko siya. Kapag nagsisinungaling siya ay hindi siya makatingin nang diretso sa mga mata ko.
"Akina..." Hindi ko ibinigay sa kanya ang kwintas. Nagtatakang napaangat ang mukha ni Monmon.
"Bakit mo itinatago sa akin? Bakit ayaw mong ipakita sa akin ito?"
"Wala lang naman kasi 'yan..." mahinang pangangatwiran niya.
"Monmon..."
Napatungo siya.
Nakagat ko ang ibaba kong labi bago ako muling nagsalita. "Iniisip mo ba na pag-iinteresan ko 'to kaya ayaw mong ipakita sa akin?" Sumama ang loob ko sa pilit niyang pag-iwas sa akin.
BINABASA MO ANG
Trapped With Him
RomanceJesusa, a homeless girl in Quiapo, Manila, luckily caught the eyes of Damon Montemayor, a young boy who happens to be from a prestigious family. Her life has changed from that moment on. She's indebted to him and greatly appreciates his clan's suppo...