6

457K 14.6K 5.4K
                                    

Chapter 6

DAMON

"HI, POGI!"

Kanina ko pa siya hinihintay. Siya talaga ang dahilan kaya pumunta ako rito ngayon. Alam ko na dito sila nagkikita ng siyota niyang si Berting.

Natawa si Maricel nang hindi ko siya ngitian. Hindi ko alam kung ano ang meron sa mga babae rito sa lugar namin, bakit mas natutuwa sila kapag hindi ko sila pinagtutuunan ng pansin. Ang weird.

"Pogi..." Tumabi siya sa inuupuan kong mahabang bangko. "O wag ka mag-alala, walang kasunod na 'liit' iyong tawag ko sa'yo."

"Kelan ang birthday ni Osang?" Walang ligoy na tanong ko. Sila lang ni Purita ang pwede kong tanungin. At nauna kong naisip lapitan si Maricel. Mas malapit kasi itong tindahan nila Aling Perla kesa sa looban nila Purita.

"Osang lang? Teka bat di mo ina-ate iyon? Bastos mo, a."

Umismid ako. "Hindi ko naman talaga siya ate..."

"Anong sabi mo?"

"Wala. Kelan nga kasi iyong birthday niya?"

"Alam ko next week na. March 2." Napatitig siya sa mukha ko. "Bakit anong plano mo?"

Hindi ko siya pinansin. Nagtanong ulit ako. "Sa tingin mo, anong gusto niyang matanggap sa birthday niya?"

"Ewan ko."

"Mag-isip ka."

"Wow, huh!" Inirapan niya ako, pero nakangiti siya. "O sige na nga, ang gusto non, cake. Di pa nakakatikim ng cake iyon, e."

"Ano pa?"

Napahagalpak na ng tawa si Maricel. "Oy, kung makatanong ka parang marami kang pambili, a?"

"Ano nga?!" Nauubos na ang pasensiya ko sa kanya. Hindi na lang kasi siya sumagot nang maayos.

"Hoy, wag kang makasigaw-sigaw sa akin, diyan baka tuliin ko tite mo!"

Tinalikuran ko na siya.

Gigil na gigil naman siya habang sumisigaw. "Napakasalbahe mo, Monmon! Isusumbong kita kay Osang!"

Sa tingin ko ay mas matinong kausap si Purita kesa kay Maricel. Tsk.

...



MAHAPDI na ang mga palad ko, pero kulang pa rin ang kita ko. Kulang ang naipon ko mula sa pagbabasura at pagpupunas ng mga sapatos sa mga pasahero ng jeep na inaakyat ko. Kahit inaraw-araw at ginabi-gabi ko pa ang pagta-trabaho, kulang pa rin talaga.

Kulang talaga. Maski sa oras ay kulang na ako. Wala tuloy akong choice kundi pakawalan ang isang bagay na iniingatan ko. Di bale, gagawa ako ng paraan para mabawi ko rin iyon. Ang importante ay makabili muna ako ngayon ng pagkain at pang-regalo.

"Anong ginagawa mo rito, Monmon?" Gulat ang itsura ni Purita ng makita niya ako.

Pumunta talaga ako rito sa looban para kausapin siya. Hinintay ko na umalis iyong mga bruha niyang pinsan.

"Kailangan ko ng tulong, Fury."

Natawa siya. "Ulol mo, Monmon! Pinaganda mo pa pangalan ko!"

"Hindi naman talaga Purita name mo, di ba? Bakit ka kasi pumapayag na ganun tawag sayo?" Ang alam ko ay Rita ang name niya, pinapangit lang nong mga pinsan niyang mukhang hipon.

"Wala kang pake. Teka, anong tulong pala kailangan mo?"

"Wala ka ring pake."

"Gago ka, a!" Inambahan niya ako ng suntok pero nakabungisngis siya. Ang suntok na gagawin niya sana ay nauwi sa pangungurot sa pisngi ko. "Pasalamat ka kyot ka!"

Trapped With HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon