July 7, 2017

6 0 0
                                        

SAMPUNG BUWAN
(Spoken Word)

Sampung buwan mahigit nang una tayong nagkakilala
Sampung buwan magmula noong tayo'y unang nawalan ng hiya
Sampung buwan makalipas nang unang beses tayong ngumiti sa isa't isa
Sampung buwan magmula nang sabihin mong "Kaibigan kita"

Tayo'y nagkasundo nang dahil sa mga libro
Mundo ng musika
Parehong hilig sa mga oppa
At marami pang iba
Kwentuhan dito, kwentuhan doon
Kahit saan
Kahit kailan
Basta't mayroong masisilungan
Tayo'y laging may pinagkakaabalahan

Tayo'y nagmistulang kambal na hindi mapaghiwalay
Kung nasaan ang isa'y, naroon ang isa
Kung ano ang hilig ng isa, sinusuportahan ng isa
Kung ang isa'y magaling sa isa, tinuturuan niya ang isa
Kung may hindi alam ang isa, sinasabi naman ng isa
Subalit
Sa paglipas ng panahon
Maraming bagay ang nagkaroon ng mantsa
Pagiging makulit mo'y ikinaiinis ko na
Pagiging madaldal mo'y ikinasusuklam ko na

Tayo
Na dati'y laging magkasundo
Na dating 'di mapaghiwalay
Na dati'y hindi nag-aaway
Ngayon
Tayo'y nagmistulang tubig at langis
Na magkasama sa isang lugar subalit kapag tinigna'y 'di kanais-nais
Tubig at langis at hindi isang pares
Tubig at langis na ni minsa'y 'di naging matamis

Maraming mga pagkakataon na gusto kitang kausapin
Yakapin
Gambalain
At muling mahalin
Subalit
Sa tuwing nakakakita ako ng tyempo
Na makausap ka
Na lapitan ka
Na kamustahin ka
Lagi kang lumalayo
Lumilipat sa karatig na upuan
Nakikitawa kasama ng iba
Nakikinig sa ibang uri ng musika
Nagkekwento tungkol sa ibang mga oppa
Nagbabasa ng ibang uri ng libro
Ikaw ay lumalayo
Ikaw ay lumayo
Ikaw ay sumuko

Ngunit sino nga ba ang unang lumayo?
Ikaw nga ba?
O ang tangang si ako?
Ikaw na noong una'y kinukulit pa rin ako?
O ako na simula nang pasukan ay umiiwas na sa'yo?
Ikaw na sa kalagitnaan ng Hunyo'y sumubok na kausapin ako?
O ako na sumasalpak ng musika sa tainga upang maisawalang bahala ang presensya mo?
Sino nga ba ang unang lumayo?
Ikaw?
O
Ako?

Maging sino man ang unang lumayo
Mayroon pa akong isang tanong
Sino nga ba sa 'tin ang unang sumuko?
Ako na hanggang ngayo'y sumusubok?
O ikaw na ngayo'y iba na ang tinitibok?
Ako na hanggang ngayo'y lumalapit?
O ikaw na tila napipilitan na lamang ang pag-ngiti?
Ako na kahapo'y tinawag ka sa pangalan mo?
O ikaw na dinaraandaanan na lamang ako?
Sino nga ba ang unang sumuko?
Ikaw?
O
Ako?

Hindi ko na maintindihan
Wala na rin akong balak na bigyang kaliwanagan
At wala na rin akong balak na bigyang kasagutan
Ang mga ibinigay kong katanungan
Dahil sa bawat panahong nakikita kitang nakikipakwentuhan
Nakikipagtawanan
Nakikipagbiruan
Kasama nila
Napag-isip isip ko
Na maaaring mas masaya ka kung wala ako
Sa tabi mo
Na maaaring mas dama mo ang lungkot
Kapag ako ang kasama mo
Na maaaring mas dama mo ang pagmamahal
Ng iba
Kaysa pagmamahal ko sa'yo

At sa huling berso ng tulang ito
Sana'y tuparin mo
Ang huling kahilingan na hihingin ko sa'yo
Sana'y maging masaya ka
Sana'y masaya ka na
Alam kong mas magiging masaya ka
At ngayon nga
Kaibigan, paalam na

Poems: A CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon