August 14, 2017

3 0 0
                                    

MGA ELEMENTO NG MAIKLING KWENTO

Noong ako'y nasa ika-pitong baitang sa sekondarya
Nagkaroon kami ng talakayan tungkol sa maikling kwento
Sabi ng guro namin
Mayroon raw itong tatlong elemento
Ang mga tauhan
Ang tagpuan
At ang banghay

Simulan nating talakayin ang mga elementong ito
Mula sa pinaka-una
Ang mga tauhan
Sila ang mga karakter ng isang maikling kwento
Mga nagbibigay buhay at kulay rito
Kung wala sila'y baka lecture sa math o physics yang binabasa mo
Ang malala'y baka code yan na final output niyo

Isantabi natin ang waley kong biro
Dumako tayo sa ikalawang pahina ng aking libro
Kinalauna'y nalaman kong may kategorya pa pala
Ang mga tauhang ito

Una, ang pangunahing tauhan
Sila yung mga bida sa kwento
Mga madalas ay magaganda't gwapo
Mga pinagtagpo upang maging magkaibigan
Pinagtagpo upang mag-ibigan
Pinagtagpo upang mag-away at magkabati
Pinagtagpo upang matuto ng leksyon
Pinagtagpo, subalit hindi itinadhana
Maari ring pinagtagpo at itinadhana
Itinadhanang maging masaya sa simula
Subalit huli'y paglalayuin pa rin ng tadhana

Syempre hindi mawawala ang mga sidekick natin sa buhay
Mga bespren
Bes
Tropa
Kada
Bestie
Beshy
Frenny
Momshie
Mga taong naging tulay
Upang magkaroon ka ng kaugnayan sa kanya
Mga taong nag-stalk para sa'yo
Mga taong itinulak ka papunta sa kanya
Mga taong binigyan ka ng lakas ng loob na mangamusta
Mga taong naki-hiyaw para mapansin ka niya
Mga taong tinulungan kang magpapansin sa kanya
Mga taong pinaasa kang mapapansin ka rin niya

Subalit
Kagaya ng mga mainstream at clichèd na kwento
Hindi nawawala ang mga kontrabida
Mga panira
Epal
Kupal
Asungot
Salot
Kulangot
Haliparot
Mga hinayupak na maaring sirain ang sinimulan mo
O mas lalo pang pagtibayin ang lakas ng loob mo

Pumarito tayo sa ikalawang elemento ng isang maikling kwento
Ang tagpuan
Ang sagot sa tanong na kailan at saan
Kailan at saan mo siya unang nakita
Kailan at saan kayo unang nagkasalubong
Kailan at saan mo nalaman ang pangalan niya
Kailan at saan kayo nagkakilala
Kailan at saan unang tumibok ang puso mo para sa kanya
Kailan at saan mo nalamang nahulog ka na sa kanya
Kailan at saan mo naramdamang mahal mo na siya
Kailan at saan mo napagtantong nagpapakatanga ka na

Dumako naman tayo sa pinakang nakakuha ng interes ko
Ang banghay ng isang maikling kwento
Ang tala kung saan nakalahad ang daloy ng kwento
At heto ang limang elemento ng isang banghay

Simula
Sa talatang ito kadalasang inilalahad ang tagpuan ng kwento
Dito rin minsan ipinakikila ang mga tauhan ng kwento
At sa kwentong ito
Ikaw ang pangunahing tauhan
Maaring nasa paaralan ka
Sa isa sa mga upuan sa labas ng inyong silid
Tahimik na nagbabasa ng paborito mong libro
At sa tabi mo ang matalik mong kaibigan
Ang iyong sidekick
Maaring kilala mo na kung sino ang isa pang pangunahing tauhan
Dahil
Ayan, dumaan siya sa harapan mo
Ikaw ay kinilig
Ngumiti
Tumili
At natigilan ng hininga
Nang bigla siyang lumingon
At ngumiti sa'yo

Subalit
Akala mo lang 'yon dahil sa likod mo
Ay naroroon pala
Ang haliparot na kaklase mo
Ang higad ng klase niyo
Ang babaeng tila uod na sinabuyan ng asin
Sa t'wing lumalapit sa lalaking itinitibok ng puso mo

At dumating na nga tayo sa tunggalian
Kung saan hinarap mo ang higad
Hinarang
Pinagbantaan
Pinagsabihan
Na lumayo-layo sa oppa mo

Pero palaban si bes
Kaya't narito na tayo sa kasukdulan
Nagsimula na nga ang inyong pagsasampalan
Pagsasabunutan
Pagkukurutan
Hanggang sa sumapit na sa kalagitnaan ang pag-aaway niyo
Lumapit ang pinag-aawayan ninyo
Pinaghiwalay at inayos kayo

Kakalasan
Sa wakas ay natapos na ang gulo
Napangiti ka
Sa pag-aakalang kakamustahin ka niya
Tatanungin kung ayos ka lang ba
At susuklayan ang iyong buhok dahil ikaw ay nagmistulang bruha

Subalit hanggang sa wakas
Nasa haliparot pa rin ang atensyon niya
Sa higad na malakas manggayuma
Ang bruha na feeling maganda
Ang nagnakaw ng lalaking ngayon ay nasa harapan niya
Ang lalaking nangako ng walang hanggang pagmamahalan
Ang lalaking pinangakuan ka ng maliwanag na hinaharap
Ang lalaking hanggang ngayon ay mahal mo at minahal ka

Poems: A CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon