Ano'ng nararamdaman mo?
Marami. Nakakalito.
Ano'ng sinasabi ng isip mo?
Ituloy ang lahat.
At ng puso mo?
Wala.
Ano'ng wala?
Wala akong marinig dahil wala akong gustong pakinggan.
Paano mo nagagawa 'yan?
Ang maging manhid?
Hindi, ang magpanggap na walang nararamdaman?
ISANG oras na akong nakatitig sa mga bagay na nasa harap ko: Ang Diary ng pangit na si Meah, ang laptop ko at isang bondpaper—ang diary entry para sa huling article na gagawin ko.
Nag-iisip ako kung alin ang uunahin kong gawin—ang buklatin ang Diary para magka-ideya ako sa magiging takbo ng Diary ng Maganda na gagawin ko, o tapusin muna ang huling article.
Wala akong gustong gawin. Hindi ko gustong buklatin ang Diary ni Meah. Hindi ko rin gustong tapusin agad ang article para may dahilan akong maibibigay kay B kapag nagtanong siya tungkol sa 'Diary project.'
Isang oras ang lumipas na naroon lang ako sa kuwarto ko, nakatitig sa mga bagay na nasa ibabaw ng bedside table.
Napatingin ako sa pinto nang may kumatok. Noon ko lang napansin ang oras—gabi na pala?
"Bukas 'yan,"
Bumukas ang pinto at sumilip si B, tama nga ang hula ko na dumating na siya.
"Kanina ka pa?" tanong ko.
"Mga two hours na," simpleng sabi niya, hindi nagtangkang pumasok. "Dinner. 'Baba ka."
"B—" hindi ko na naituloy ang sasabihin ko na hindi ako kakain nang umangat na ang mga kilay niya at tumiim ang titig sa akin—pamilyar iyon, ganoon ang emosyon sa mga mata niya kapag hindi niya gustong tumanggap ng sagot na 'no'
Sumuko agad ako. "Okay."
"Good. Five minutes!" sabi niya at mabilis na inilapat ang pinto. Napatitig uli ako sa mga bagay na nasa bedside table.
Aaahhhh! Malakas na sigaw ko sa isip, sabay bagsak ng katawan sa kama. Hindi sapat ang sigaw na iyon kaya isinubsob ko sa unan ang mukha ko kasunod ang malakas na ungol.
Bumangon rin ako mayamaya para ayusin ang sarili ko. Sinuklay ko lang buhok ko, 'yon ang madalas mapansin ni B na magulo. Nasa dining room na ako bago natapos ang limang minuto.
Hindi na ako nagulat sa inabutan ko sa mesa—soup, fried fish, steamed veggies and fresh fruits lang. Strict sa diet si B, lalo na kung siya ang nagluto. Hindi siya kumakain ng pork at bihirang-bihira rin mag-beef. Tuwing nagpapa-deliver na lang ako ng pagkain namin ay saka siya napipilitang kainin ang kahit anong in-order ko. Tuwing siya naman ang nagluluto, tulad ng gabing iyon ay ako naman ang napapa-veggies at fish na lang.
"Mushroom soup 'to?"
"Yeah." Sagot ni B, pinanood akong humila ng silya at umupo. Inilapit niya sa akin ang kanin, kasunod ang soup. "Habang mainit pa, M."
"Thanks."
Nagsimula na kaming kumain pareho. Sa mga unang sandali ay tahimik kami pero mayamaya ay tuloy-tuloy na ang palitan namin ng ideas tungkol sa Voices of Venus 2, ang librong ilalabas ng Love&Life bago matapos ang kasalukuyang taon.
Ganoon lagi kami ni B. Sa mga pagkakataong nagsasabay kaming kumain, walang ibang pinag-uusapan kundi tungkol sa trabaho. Lahat tungkol sa Love&Life, Sa Dear Beautiful page, sa mga Diary entries, sa mga babaeng nasa likod ng mga iyon, sa mga dahilan ni B kung bakit napili niya ang particular na entry, mga research output ko at mga idinadagdag niyang ideas, sa mga ads, promos, strategies—lahat tungkol sa negosyo at trabaho. Hanggang nagising na lang ako isang araw na mas pamilyar na ako sa trabaho ko kaysa kay B. Hanggang nagising na lang akong pakiramdam ko ay estranghero na ang lalaking itinuturing kong housemate sa bahay ni late Lolo Jose.
At sa paglipas pa ng mga araw, lahat ng pamilyar na bagay tungkol kay B ay wala nang iniwang bakas.
Hindi na siya ang lalaking kilala ko.
"M?" napakurap ako, hindi ko napansin na napatitig na pala ako sa mukha ni B. "What's wrong?"
"H-Ha?" ang nausal ko, kasunod ang biglang pagbawi ng tingin.
"Nakatitig ka sa akin kanina pa."
"O-Oh," tanging nasabi ko. "Iniisip ko lang ang mga utos mo. Ang dami."
"Ang lungkot ng mga mata mo kanina."
"Mali ka lang ng basa, B."
Tiningnan niya ako, ilang segundo...na parang gusto niyang basahin ang lahat ng nasa isip ko nang sandaling iyon. "Alam mong hindi ko gusto na ginugulat ako, M. Kung may problema man, ipaalam mo agad sa akin. Hindi 'yong nasaktan ka na bago ko pa man mapigilan."
Naudlot ang pag-abot ko sa baso ng tubig. Napatingin ako kay B—na nakatingin naman sa akin kaya nagsalubong ang mata namin. Hindi ko alam kung ano ang nangyari at pakiramdam ko ay umikot ang paligid. Nawala ang lahat ng pamilyar na bagay sa dining room na iyon sa bahay ni late Lolo Jose.
Ibang lugar na ang nakita ko...isang dining room na may long table, makinang ang lahat mula sa mesa hanggang sa mga wooden chairs. Alam ko ang lugar na iyon, ang mahabang mesa na laging walang tao...na laging isang tao lang ang malungkot na kumakain...
BINABASA MO ANG
Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEW
RomanceNOTE: UNEDITED version Sa Dear Beautiful, ako si Venusa. Kilala ng online readers bilang witty and sarcastic lady-adviser na walang pakundangan kung magtapon ng masakit na katotohanan sa mga diary entry-sender. Iisa lang naman kasi ang problema ng m...