"Ano'ng ginagawa mo, Leia?"
Napapitlag ang fourteen years old na dalagita, biglang itiniklop ang diary notebook na parang kakambal niya. Lagi niyang dala iyon kahit saan, pinakatatago at iniingatan. Ang diary notebook ang itinururing niyang mapagkakatiwalang kaibigan.
Ang diary notebook rin ang naging kakampi ni Leia mula nang unang taon niya sa Academy na iyon ng mayayaman. May kaibigan lang ang ina niya na sumuporta sa pag-aaral ni Leia kaya siya nakapasok sa eskuwelahang iyon.
Unang tapak pa lang ni Leia sa St. James Academy, alam na niyang hindi siya doon nababagay. Academy ng mayayaman ang St. James, ang pinakasikat na private school sa probinsiya nila. Mga anak ng politiko, beauty queen, artista, businessman at iba pang influential people ang mga naka-enroll sa Academy na iyon. Siya lang ang mahirap. Siya lang ang wala sa fashion ang mga damit, siya lang ang walang kotse, ang hindi naka-make up—ang pangit.
Oo, pangit si Leia. Hindi siya ang pangit na katatakutan ang mukha pero alam niya at aminado siyang hindi siya maganda. Una sa lahat, maitim ang balat niya—morena daw iyon ayon sa ina niya, negra para sa mga nanlalait sa kulay niya, at simpleng hindi lang maputi para sa kanya. Ayon pa rin sa Nanay ni Leia na si Liona, minana niya iyon sa yumaong ama na si Rogelio Rosales, isang magsasaka. Maitim raw ang kulay ng balat ng Tatay niya na mas umitim pa dahil sunog sa araw.
Walang style ang buhok ni Leia na tuwid na tuwid at lampas balikat. Hindi matangos ang ilong niya pero hindi rin siya pango. Makakapal ang kilay niya, bilog na bilog ang mga mata niya na sing-itim raw ng gabi sabi ng Nanay niya. Hindi rin maganda ang mga labi niya. Madalas pa nga siyang matawag na negra dahil sa mga labi niya. Huwag na lang daw niyang pansinin sabi ng ina niya. Mamula-mula ang pisngi niya dahil sa pasaway na pimples. Wala siyang pambili ng mga pampaganda kaya iyon at iyon ang hitsura niya sa bawat pagpasok niya sa Academy—limang pares ng damit lang ang pinagpapalit-palit niya kasama ang dalawang pares ng uniporme. Kapansin-pansin tuloy ang kaibahan niya sa mga mayayamang schoolmates na mga artista at model sa paningin niya.
Hindi kabilang si Leia sa mga iyon kaya lagi siyang mag-isa, ang diary lang ang kasama niya...ang diary na dalawang taon na niyang karamay.
Ngayong nasa second year na si Leia sa St. James, hindi na niya mabilang ang mga pagkakataong tumutulo ang luha niya habang nangungumpisal siya sa diary. Ang pagmamahal niya sa ina ang nagbibigay sa kanya ng lakas na kumapit, na huwag bumitiw, na magtiis para sa pangarap nilang dalawa. Paulit-ulit na ipinapaunawa sa kanya ng Nanay niya na isang biyaya na may sumuporta sa kanyang pag-aaral, huwag na huwag raw niyang sasayangin iyon.
Hindi maaatim ni Leia na biguin ang ina kaya tiniis niya lahat ng panghahamak, panlalait, pang-aapi, at ang paulit-ulit na mapagtawanan dahil sa hitsura niya. Isang taon siyang nagbingi-bingihan, nagpanggap na manhid—kunwaring hindi naapektuhan, ngunit kapag sila na lamang ng diary notebook niya ang magkasama ay pinapalaya ni Leia ang lahat ng sakit at bigat sa dibdib niya. Uuwi siya sa bahay nila na ang masayahing anak pa rin, nang sa ganoon ay hindi mag-alala ang ina niyang pagod sa kung anu-anong trabaho na pinapasok nito.
Sa pagpasok ng Sophomore year ni Leia, nagsimulang magulo ang tahimik nilang bonding ng diary notebook niya dahil sa pagdating ni Ross Valdforz sa St. James.
Si Ross Valdforz ay isang Senior transferee sa St James. Hindi alam ni Leia kung bakit ang lahat ng sulok ng St. James na nagsilbing taguan niya ay naroon rin ni Ross.
Hindi niya katulad si Ross na mahirap. Unang tingin palang ni Leia sa lalaki ay alam niyang 'belong' ito sa St. James. Tindig pa lang ay pang-mayaman na. Porma at kilos palang ay marka na ng pinagmulan nitong marangyang pamilya. Hindi niya ito kilala pero kitang-kita niya ang kaibahan nito sa kanya.
BINABASA MO ANG
Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEW
RomanceNOTE: UNEDITED version Sa Dear Beautiful, ako si Venusa. Kilala ng online readers bilang witty and sarcastic lady-adviser na walang pakundangan kung magtapon ng masakit na katotohanan sa mga diary entry-sender. Iisa lang naman kasi ang problema ng m...