"Leia?"
Napahinto ang dalagitang si Leia. Bumaba lang siya para kumuha ng tubig sa kusina. Madaling-araw na iyon kaya inaasahan niyang tahimik na ang buong bahay. Siya na lang ang gising dahil sa nilalamay niyang script.
Abala siyang bumubulong-bulong kaya hindi niya napansin na may nakaupo sa mahabang mesa na lagi niyang tinitingnan bilang malungkot na tanawin sa bahay na iyon. Tinatanong ni Leia lagi ang kanyang ina kung ano ang silbi ng isang sobrang habang mesa para sa mga mayayaman kung lagi namang isang tao lang ang kumakain?
Naputol sa gitna ang mga linyang ibinubulong ni Leia. May role-playing sila at siya ang gaganap na Laura sa isang maikling play na siya rin ang sumulat. Florante At Laura Sa Makabagong Panahon, iyon ang titulo ng script na isinulat niya bilang adaptation ng Florante At Laura. Isang fifty-points quiz ang equivalent niyon. Lima sila sa grupo at siya ang nag-iisang babae. Ang resulta, siya na ang scriptwriter, siya pa si Laura! Nangako ang mga lalaki niyang kaklase na sagot ng mga ito ang make-up at costumes niya para pumasa siyang Laura sa paningin ng lahat. Bumabagsak kasi ang apat na iyon kaya kailangang mataas ang makuha nilang score sa play. Tagapagligtas ang tingin sa kanya ng apat niyang kasama sa grupo.
"Ross?" nagtakang lingon ni Leia. "Bakit nandito ka pa?" napakunot noo siya nang makitang may kaharap na pagkain ang lalaki na hindi naman ginagalaw. "Ngayon ka pa lang kumakain ng hapunan?"
"Bumubulong ka ba ng spell?" sa halip ay tanong ni Ross, hindi pinansin ang mga sinabi niya. "Effective ba 'yan? May spell ka ba na pampaalis ng pains?"
"Lines ni Laura ang mine-memorize ko, 'oy! Spell ka d'yan! Mukha lang akong witch, pero hindi ko balak sumakay sa walis 'no!" tinawanan pa niya si Ross. Naupo siya sa tabi nito. "Bakit kailangan mo ng spell sa pains, ha?" Pabiro pa niyang sinilip ang mukha nito. "Saan ang masakit sa 'yo? Ulo? Katawan? Ikukuha kita ng gamot kay Nanay—" biglang hinawakan ni Ross ang kamay niya, hindi na naituloy ni Leia ang pangungusap. Nakaawang na lang ang bibig niya nang iangat ng lalaki ang kamay niya at inilapat sa sariling dibdib.
"Dito, Leia," halos bulong na lang na sabi ni Ross. Nakatutok ang mga mata nito sa kanya kaya kitang-kita ni Leia na parang naiiyak ito. "Naiipon ang sakit dito..." at mas idiniin nito ang kamay na nakalapat sa likod ng palad niya kaya damang dama niya ang pintig ng puso nito.
Wala na siyang nasabi, nakatitig na lang siya sa mga mata ni Ross habang pinakikiramdaman niya ang pintig ng puso nito. Iniisip ni Leia kung bakit nasasaktan ang lalaki, kung bakit nalulungkot parin ito gayong hinahangad ng lahat ang uri ng buhay nito.
"Ang lungkot-lungkot mo," hindi niya napigilang isaboses iyon. Binawi ni Leia ang kamay mula sa hawak ni Ross. "Bakit ka ba nalulungkot? Ang yaman-yaman n'yo, ang guwapo mo, para kang artista, may kotse ka, maraming damit, gadgets, nabibili mo ang kahit ano, takot din sa 'yo ang mga Jamo dahil sa impluwensiya ng Mommy mo. Ano pa ba? Para kang walking prince sa campus, nililingon ka ng lahat. 'Pag tinitingnan nga kita, sobrang taas mo, eh. 'Yong parang sobrang strong na Senior student. Sana ganoon kana lang lagi. Hindi ba puwede? 'Pag nandito kana kasi sa bahay, nag-iiba kana. Parang lagi kang malungkot, parang lagi kang nasasaktan. Ba't ganoon ka? Minsan nga, ayaw kitang tingnan, eh." Saglit siyang huminto sa pagsasalita. "Kasi ayokong nakikita kang ganoon. Nalulungkot din kasi ako..."
Narinig niyang magaang tumawa si Ross. Pag-angat niya ng tingin ay nakita niyang nakatingala ito sa kisame at mabilis na pinadaanan ng palad ang mga pisngi. Umiyak ba ito? Lalo nang napatitig si Leia sa mukha nito.
"Umiiyak ka ba?" hindi natiis ni Leia na hindi magtanong. Hindi niya alam kung ano ang tawag sa nararamdaman niya. Parang bumibigat ang dibdib niya. Parang nasasaktan din siya para kay Ross. Hindi niya alam kung bakit. "'Oy, ano?"
BINABASA MO ANG
Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEW
RomanceNOTE: UNEDITED version Sa Dear Beautiful, ako si Venusa. Kilala ng online readers bilang witty and sarcastic lady-adviser na walang pakundangan kung magtapon ng masakit na katotohanan sa mga diary entry-sender. Iisa lang naman kasi ang problema ng m...