Six Point One: Mga Alaala

1K 52 0
                                    

"Lumabas ka, Leia," mariin pero wala ni katiting na emosyon ang tono ni Ross.

Hindi pinansin ni Leia ang lamig sa boses ni Ross. Itinuloy niya ang pagpasok sa madilim na silid dala ang dalawang matalim na kutsilyo. Hindi na niya pinansin ang mga kalat sa silid na tumambad sa kanya matapos niyang buksan ang ilaw.

"I said, get out!" marahas na sigaw ni Ross nang magliwanag ang paligid. Hindi natakot si Leia sa sigaw. Mas gusto niya iyon, na may reaksiyon si Ross kaysa tahimik lang na nagkukulong sa silid, hindi kumakain at walang tigil sa pag-inom. Gusto niyang tulungan si Ross pero hindi rin niya magawang ibsan ang sakit na nararamdaman. Kung posible lang na mamanhid ang buong katawan ni Leia ay matagal na niyang ginawa para wala na siyang maramdaman. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya kakayanin ang sakit. Hindi iilang beses na nahiling ni Leia na tumigil na lang ang tibok ng puso niya para matapos na lahat.

Pagod na pagod na si Leia pero hindi niya gustong bumitaw na lang. Hindi niya gustong bumitaw dahil kay Ross. Si Ross na ni hindi niya nakitang umiyak habang siya ay halos iluha na lahat ng tubig sa katawan mula nang malaman niya ang nangyari sa mga ina nila. Naging parang robot na walang pakiramdam si Ross. Wala siyang makitang emosyon sa anyo at mga mata nito kundi lamig—lamig na tila matulis na niyebe, nakakasugat.

Hinagis ni Leia sa tabi ni Ross ang dalawang kutsilyo. Bumagsak iyon sa tabi ng mga nakatumbang bote ng alak—may laman at wala.

Si Ross ay pasalampak na nakaupo sa sahig, nakasandal sa dingding at nakatingala sa kisame. Kung hindi lang kilala ni Leia si Ross ay iisipin niya na naka-droga ito. Magulo ang buhok ng lalaki, nangingitim ang ilalim ng mga mata at sa paningin niya ay namumutla ang mukha. Kung may lakas pa ito o wala na ay hindi sigurado ni Leia. Ang alam niya ay ilang araw nang hindi tama ang pagkain nito. O hindi na yata kumakain. Hindi niya tiyak iyon dahil hindi sinasagot ni Ross ang mga tanong niya.

Pagod na si Leia sa sobrang sakit. Pagod na siyang umiyak. Pagod na siyang isipin kung ano'ng mangyayari sa kanila sa mga susunod na araw at pagod na siyang alalahanin si Ross. Gusto na niyang tapusin lahat nang gabing iyon.

"Gamitin natin," tukoy ni Leia sa mga kutsilyo. Naupo siya dalawang hakbang ang layo kay Ross. "Gusto ko nang magpahinga, Ross," halos wala nang boses na dugtong ni Leia. Nagsunod-sunod na naman ang patak ng luha niya. "Sobrang sakit na, eh. Pagod na pagod na rin akong mag-isip kung ano'ng...kung ano'ng mangyayari sa atin sa mga susunod na araw. Alam mo 'yong pakiramdam na sobrang bigat dito?" sa dibdib ang tinutukoy niya. "Ang daming naghahalong pakiramdam—sakit, pait, takot, pag-aalala—ang dami na hindi ko na alam kung kaya ko pang tanggapin lahat kasi parang sasabog na ako." Hinayaan ni Leia na mabulugan siya ng mga luha. Hindi niya tinuyo iyon. Gusto niyang umiyak nang umiyak pa, baka sakaling makabawas iyon sa sobrang sakit na nararamdaman niya.

"'Sabi mo matapang ako? Totoo 'yon. Matapang ako dati kasi alam kong nasa tabi ko lang si Nanay. Masasandalan ko siya lagi, makakapitan ko siya anumang oras. Hindi ako mag-isa. Pero ngayon, wala na siya..." nagkaroon ng tunog ang pag-iyak ni Leia. "Sino'ng kakapitan ko? Sino'ng sasandalan ko? Wala. Ikaw sana. Ikaw sana, Ross, kaya lang hindi na kita maabot, eh. Ang layo-layo mo na. Hindi ko na alam kung ano ang iniisip mo, kung ano'ng nararamdaman mo. Ang mas mahirap pa? Nakikita kong pinapatay mo na rin ang sarili mo. Alam mo bang pinipilit ko lang maging malakas kasi nakikita kita? Kasi nandito ka pa. Hindi kita gustong iwan. Pero ikaw, pakiramdam ko ni hindi mo ako iniisip. Gusto mo na lang matapos na ang lahat para hindi ka na mahirapan. Naisip mo man lang ba kung ano'ng mararamdaman ko kung pati ikaw mang-iiwan? Sobrang sakit na, Ross. Ayoko na! Tapusin na natin 'to ngayon na!" inabot niya ang isa sa dalawang kutsilyo at hinagis sa harapan nito. "Gusto mo nang mamatay 'di ba? Inabot niya ang isa pang kutsilyo at mahigpit na hinawakan. "Ayokong maiwan kaya sabay na tayo," ipinosisyon niya ang talim ng kutsilyo sa tapat ng pulso pero bago pa man nalagyan ni Leia ng puwersa ay nakalapit na si Ross at mabilis na pinigilan ang kamay niya. "No. No..." anas nito, mas humigpit ang hawak sa kamay niyang may hawak sa patalim. "Don't. Please, don't hurt yourself..." inagaw nito ang kutsilyo. Narinig niya ang tunog nang bumagsak iyon sa kung saan matapos ihagis ni Ross.

Mahigpit na siyang yakap ni Ross nang mga sumunod na sandali. Sobrang higpit na halos mapugto ang hininga niya. Naramdaman niya ang mainit na hininga nito sa ibabaw ng ulo niya. "I'm sorry. I'm sorry, Leia." Nang mas humigpit ang yakap nito ay kumawala ang lahat ng emosyon niya. Nag-breakdown siya sa loob ng yakap nito. Mayamaya pa ay sinasaktan na niya ito habang patuloy siya sa malakas na pag-iyak.

"Na-comatose ka pero nabuhay ka! Nandito ka ngayon na papahilom na ang mga sugat!" patuloy siya sa paghampas sa dibdib nito. "Ako, Ross, buhay nga pero hindi ko na makilala ang sarili ko. Tingnan mo ako! Tingnan mo ako! Ano'ng buhay ang babalikan ko, ha? Ang buhay na itutuloy ko? Nilalait na ako ng lahat noong matino pa ang mukha ko, mas lalo na ngayon, naiintindihan mo? Wala na si Nanay para ipagtanggol ako sa lahat. Siya ang lakas ko mula noon. Sabihin mo, paano ako lalaban ngayon, ha? Paano!? Paano!?"

"Leia..."

"'Tapos ikaw, ayaw mo na ring mabuhay? Mang-iiwan ka rin—"

"Sshhh," naramdaman ko ang mariin niyang halik sa noo ko. "No. No, Leia. I'm not gonna leave you alone. Not now. Not ever." Pinigilan nito ang mga braso niya, mahigpit na hinawakan. Ramdam niyang pareho ang lebel ng emosyon nila, mas kontrolado lang ni Ross ang sarili. Ang pagtaas at pagbaba lang ng dibdib nito ang katibayan ng tensiyong dala ng sitwasyon. "Tama na," hinaplos nito ang likod at braso niya. Hindi alam ni Leia kung ano'ng mayroon kay Ross para unti-unting mapayapa ng yakap at mga salita nito ang kalooban niya.

Ilang segundo pa ay payapa na si Leia. Hindi pa rin siya binitiwan ni Ross. Hindi rin nagbabago ang higpit ng yakap nito. Nang kumilos siya para dumistansiya ay mas hinigpitan nito ang yakap. Mayamaya pa ay naramdaman niyang umiiyak na rin ito nang tahimik. Ang mga luhang hindi niya nakita sa mga lumipas na araw ay naramdaman niyang inilabas nito lahat habang mahigpit siyang yakap. Naramdaman niya maging nang yumugyog ang mga balikat nito.

Si Leia naman ang yumakap kay Ross hanggang sa napayapa ito.

Hindi na niya namalayan ang haba ng sandaling tahimik lang sila at mahigpit na magkayakap.

Iyon ang huling araw na nagpakita si Ross ng kahinaan.

Nang mga sumunod na araw ay ibang Ross na ang nakita ni Leia. Isang Ross na matatag na sa kabila ng sakit na mababasa pa rin sa mga mata nito. Naging saksi rin si Leia kung paanong tila mas tumatatag si Ross sa bawat paglipas ng araw. Hinarap uli nito ang buhay, inako ang mga bagong responsibilad sa edad na beinte tres at buong tapang na gumawa ng malalaking desisyon.

Pinanood niya si Ross maging nang magawa nitong ibangon muli ang gumuho nilang mundo pagkatapos ng aksidenteng kumuha ng sabay sa mga ina nila. Pinanood pa rin niya si Ross hanggang sa nagdesisyon itong baguhin maging ang buong buhay niya.


Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon