Fourteen

1.1K 50 0
                                    

16th BIRTHDAY.

Dear Diary,

Si Sir Pangit at mga Cute na Daga.

ANG tinutukoy ni Meah na mga 'daga' sa diary ay maliliit na laruang daga, na ibinigay na regalo ni Sir Pangit na pangunahing tauhan sa diary ng babae.

Binasa ba ni B ang Diary ni Meah bago ipinasa sa akin? Bakit pakiramdam ko ay sinadya niya ang lahat?

Gustuhin ko man na pigilan ang pamumuo ng luha ay hindi ko nagawa. Tandang-tanda ko ang araw na iyon.

Birthday ko...


16th BIRTHDAY, 2009

MGA katok sa pinto ang gumising sa naidlip na diwa ni Leia. Ang bagong alarm clock agad na nasa mesita ang hinanap ng mga mata niya.

8: 35

Pumasok siya sa silid na tapos na ang mga naiwan nilang gawain ng nanay niya. Lumabas kasi sila, nilibre niya sa isang fastfood restaurant ang ina na panay ang pagtutol dahil gastos lang daw ang naiisip niya. Tumigil lang ang kanyang ina sa paglilitanya nang naglalambing na niyakap ni Leia at ibinulong na pinag-ipunan niya mula pasukan ang ipang-lilibre nang araw na iyon.

Masayang natapos ang birthday treat niya sa ina. Hindi pa tapos si Leia sa misyon niyang pasayahin ang ina, dinala niya sa sinehan ang nanay niya na hindi na nakatanggi. Comedy ang pinanood nilang pelikula. Nag-enjoy siya ng husto na pakinggan ang halakhak ng kanyang ina. Gusto niyang kahit isang araw raw ay makawala ang ina sa araw-araw na trabaho—kahit nang araw na iyon lang na birthday niya.

Nagtatawanan sila ng ina habang nasa Jeep pauwi sa bahay. Tinulungan niya ang ina sa mga hindi natapos na trabaho. Napabungisngis si Leia nang bigyan siya ng nito ng isang nakabalot na regalo—isang bagong alarm clock, para hindi raw siya nale-late ng gising.

Pero hindi iyon ang regalong nag-imbita ng mga luha ni Leia—ang yakap ng pagbati ng kanyang ina at ang sinabi nito na ipinagpapasalamat sa Diyos na siya ang naging anak, at idinugtong pa kung gaano ito ka-proud na siya ang anak. Ngiting-ngiti si Leia pero nangingilid ang mga luha niya.

May isang tao siyang nami-miss pero hindi tungkulin ng taong iyon na dumating sa kaarawan niya kaya itinulog na lang ni Leia ang lungkot sa isang bahagi ng puso niya. Sapat na sa kanya na magkasama silang mag-ina nang araw na iyon.

Naulit ang pagkatok. May nakalimutan yata na ibilin ang nanay niya. Tinungo ni Leia ang pinto na hindi man lang nag-abalang ayusin ang magulong buhok.

"Bakit po, Nay—"

"Hi."

Nakangiting mukha ni Ross ang bumungad sa kanya. Napakurap si Leia, napamaang sa kaharap na para bang nahipnotismo.

"R-Ross..." wala sa loob na nausal ni Leia, hindi magawang alisin ang gulat na tingin sa mukha ng hindi inaasahang bisita. Paminsan-minsang umuuwi si Ross sa bahay ng pamilya nito na sila ng ina niya pa rin ang tumatao pero pakiramdam ni Leia ay nagbabago ito sa bawat pagkikita nila—lalong nagiging guwapo!

Napalunok si Leia. Hindi pa rin nagawang kumilos. Gusto niyang lumubog sa kinatatayuan nang maisip niya kung gaano kagulo ang buhok niya!

"L-Lalabas na lang ako," sa wakas ay natagpuan niya ang boses. "M-Mag-aayos lang ako sandali—"

"Huwag na," putol ni Ross. "Huwag na mag-inarte, hindi pa rin naman maganda, eh."

Awtomatiko ang reaksiyon ni Leia—tumawa siya. "Birthday ko ngayon!" singhal niya kay Ross na malapad na rin ng ngiti. "Bakit ba 'pag ikaw ang kausap ko hindi man lang puwedeng mag-feeling maganda?" hinila niya ang pinto. "O, pasok ka na nga!"

Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon