Six Point Two

1K 41 4
                                    

NAGSISIKIP ang dibdib ko. Pumikit ako at sumagap ng hangin. Itinaas ko ang mga binti ko sa bench at mahigpit na niyakap. Kanina ay hindi ko maramdaman ang lamig kahit mag-isa ako. Ngayon, na buhay na naman ang sakit sa dibdib ko ay doble na ang lamig na nararamdaman ko.

Tinanaw ko ang dagat. Mas naghatid ng lungkot ang papadilim na kapaligiran...

Sa mga taong lumipas ay naroon ako lagi sa bench na iyon hanggang sa tuluyang mamaalam ang araw. Hindi ko gustong umalis doon. Gusto kong makitang lumubog ang araw, katunayan na nagtapos rin ang isang napakasakit na araw. Sana nga lang, katulad ng paglubog ng araw ay maghilom rin ng ganap ang mga sugat.

Ngunit hindi. Hindi na siguro kahit kailan.

Hindi na siguro dahil kahit ano'ng gawin ko, hindi ko magagawang pakawalan ang mga alaala gaano man kasakit iyon. Paano ko nga ba naman bibitiwan ang mga alaala ng taong mahal na mahal ko?

Hindi ko kaya. Gaano man kasakit ay patuloy kong iingatan ang mga alaalang iyon dahil iyon na lang ang mayroon ako.

Minsan pang umihip ang hangin. Hinigpitan ko ang yakap sa mga binti ko. Mas nilalamig ako habang tumatagal. Hindi ko pa gustong umalis. Hindi ko pa gustong umuwi. Doon muna ako, sa lugar na buhay ang mga alaala at hindi ko kailangang pigilan ang sarili kong umiyak. Sa lugar na hindi ko kailangang magpanggap na maayos ang lahat, na matatag ako, na nalampasan ko na ang sakit.

Nagsunod-sunod ang patak ng luha ko. Mayamaya pa ay may tunog na ang paghikbi ko. Wala akong pakialam sa mga tao sa paligid na sinadya yatang iwasan ang bench na iyon para hayaan akong mag-isa. Sa tatlong taong lumipas ay lagi akong mag-isang nakaupo sa bench na iyon sa ganoong oras at araw.

Hindi nang sandaling iyon—may naramdaman akong maingat na naupo sa tabi ko. Napatigil ako sa paghikbi nang yakapin ako nang pamilyar na bango. Naramdaman ko na naman ang reaksiyon ng puso ko. Hindi ko kailangang mag-angat ng mukha para makilala ko ang taong tahimik na naupo sa blangkong espasyo sa tabi ko.

"Hindi ka pa ba tapos umiyak?" mababa at walang emosyong tanong ni B. "Wala na ang araw, M. Ilang oras na lang, umaga na naman, bagong araw—"

"Leave," paos na putol ko. "Just this day, please. Ibigay mo sa akin ang isang araw na ito. Ayokong mag-isip ng kahit ano." mariin ang ginawa kong pagtuyo sa mga luha ko. Hindi na ako dapat maapektuhan. Hindi na ako dapat magulat na wala siyang pakialam. Sanay na ako dapat pero nang mga sandaling iyon ay dinagdagan lang niya ang sakit na nararamdaman ko.

Kung alam lang ni B. Kung alam lang niyang wala akong gustong gawin nang sandaling iyon kundi maramdamang hindi ako mag-isa. Naroon siya, katabi ko pero mas nararamdaman ko ang pag-iisa. Siguro dahil alam kong matagal na siyang nawala sa akin.

Hindi na ako nagulat nang tahimik siyang tumayo para iwan ko. Hanggang nang sandaling iyon ay iniisip ko pa rin kung paano niya nagagawa nang ganoon kadali ang lahat, na wala siyang nararamdaman, na hindi siya naaapetuktuhan kahit katiting.

"Ilang assignment," nasabi ko na bago ko pa napigil ang dila ko. Siguro nga sobrang sakit ng nararamdaman ko nang sandaling iyon na hindi na ako nag-isip. Inuna ko na lang ang emosyon ko. Pinapaalis ko siya pero hindi ko gustong maiwan. "Ilang assignments ang idagdag mo sa trabaho ko, B, kapalit ng...ng ilang segundong yakap?" sa sulok ng mga mata ko ay nakita kong huminto siya sa ikalawang hakbang palayo sa bench. Iba na naman ang ritmo ng puso ko. Marahan akong tumayo para harapin siya, para hintayin ang paghakbang niya pabalik—na hindi nangyari dahil itinuloy niya ang paghakbang palayo.

Gumuhit ang pamilyar na hapdi sa puso ko.

Pinigil kong humalakhak ng mapait, para pagtawanan ang sarili ko sa isa na namang dagdag katahangang ginawa ko. Nanghihinang bumalik ako sa pagkakaupo sa bench. Itinaas ko uli ang mga binti ko at mas mahigpit na niyakap. Hinayaan kong tumulo ang malalaking patak ng luha.

Ano'ng iniiyak-iyak mo, Leia? Nahihirapan ka ba sa St James?

Hindi po. Napuwing lang ako, 'Nay.'

Mugto na ang mga mata mo, 'wag mo akong niloloko, Maria Leiana!

Payakap na lang, 'Nay, oh?

'Lika, bilisan mo lang at marami pa akong gagawin.

Nagsunod-sunod ang patak ng luha ko. Tinutop ko ang aking para iwasang lumikha ng tunog. Ayokong makakuha ng atensiyon. Gusto ko lang manatili sa lugar na iyon nang tahimik kasama ang mga alaala.

Natigilan ako nang maramdaman kong may kung anong lumapat sa balikat at likod ko, kasunod ay nasamyo ko ang pamilyar na pabango ni B.

Wala sa loob na lumingon ako—si B nga ang naroon. Si B ang maingat na naglagay ng coat niya sa likod ko. "Magtatagal ka pala rito, hindi ka man lang nagdala ng kahit ano'ng kontra-lamig." Kaswal na sabi niya, inayos uli ang coat sa balikat ko bago maingat na naupo sa tabi ko.

Natahimik ako. Nawala sa isip kong mag-thank you dahil distracted na ako ng lakas ng kabog sa dibdib ko. Hindi ko naisip na babalik siya. Naramdaman kong huminga nang malalim si B.

"Isang cover story, limang articles, apat na diary entries—hanggang bukas lang ng three PM, M. Kapalit ng limang segundong yakap." Sabi niya sa tonong naglalahad ng isang simpleng business proposal. "Kaya mo ba?"

Sa isip ay humalakhak ako nang mapait. Ano pa ba ang aasahan ko kay B?

"Okay na ako sa legs ko," mas niyakap ko nga ang mga binti ko. Narinig ko ang paghinga niya nang malalim.

"Silly," usal ni B, inabot ang balikat ko at kinabig ako pahilig sa katawan niya. Wala sa loob na ibinaba ko ang mga binti ko. Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko. Hindi niya ginawa iyon sa loob ng mga taong lumipas. Pinanood lang niya na halos patayin ako ng pangungulila at lungkot. Wala siyang pakialam. Hindi siya naapektuhan. Hinayaan niya akong mag-isang harapin ang lahat hanggang kinasanayan ko nang tatagan ang loob ko at lumaban para sa sarili ko, para magawa kong harapin uli ang buhay na wala akong kinakapitan, na wala akong sinasandalan.

"Ano'ng kapalit nito, B?" alam kong may kapalit iyon. Lahat ng ibinibigay niya ay may kapalit na kadalasan ay mga utos.

"Ang diary project."

Eksakto lumapat ang pisngi ko sa dibdib niya ay naramdaman kong pumaikot sa katawan ko ang mga braso niya. Napapikit ako...

Parehong-pareho pa rin ang pakiramdam...

Naramdaman kong ginagap ni B ang palad ko, may kung anong malambot na tela siyang ibinigay sa akin—ang panyo niya.

"Ten minutes. M. Iiyak mo na lahat. After ten minutes, I want Maria back."

Maria—ang matatag, ang matalino, ang walang kahinaan, ang confident at magandang babaeng hinubog niya, three and a half years ago.

Ten minutes...

Puwede naman sigurong kalimutan ko muna lahat sa loob ng sampung minutong iyon. Puwede naman sigurong ibaba ko muna lahat ng proteksiyon ko sa sarili. Puwede naman sigurong maging mahina ako sa paningin niya—sampung minuto lang naman.

Pumikit ako at buong tiwalang nagsumiksik pa sa katawan niya. Mas nanuot sa ilong ko ang pamilyar na pamilyar niyang amoy. Nasa gilid na ng leeg niya ang mukha ko nang maramdaman kong huminga si B nang malalim kasunod ang magaang hagod sa likod ko.

"Nami-miss mo rin siya?" pabulong na tanong ko, mas pinili kong pumikit at hindi muna dumilat. Gusto kong saglit na tumakas sa realidad.

"Puwede bang hindi?"

"Hanggang kailan tayo masasaktan, B?"

"Hanggang mahal natin sila."

"Hanggang kailan tayo magmamahal?"

"Hanggang bumabalik ka rito para umiyak."

"At hanggang nandito ka para pagalitan ako?"

Umihip ang malamig na hangin, inilipad ang mga hibla ng buhok ko. Naramdaman kong hinawi niya ang mga iyon, maingat na inayos.

"Hanggang may sampung minuto ang bawat araw, M."

Kung natutupad lang lahat ng kahilingan, hiniling ko na sanang huminto ang mundo sa sampung minutong iyon.


Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon