Three

1.5K 52 0
                                    

Ano'ng iniisip mo?

Si B. Ang lupit niya.

Nahihirapan ka?

Hindi ko gustong balikan ang lahat.

Sa tingin mo ba, 'yon ang intensiyon niya?

Alam niya lahat...

At sa tingin mo gusto ka niyang saktan?

Galit siya sa akin.

Sigurado ka?

Nararamdaman ko.

Inamin niya?

Hindi.

Sinaktan ka niya?

Hindi.

Inabuso?

Hindi.

Paano mo nasigurong tama ang iniisip mo?

Nagbago siya mula nang tinalikuran kita.



MARIIN ang hawak ko sa sign pen. Hindi na ako magtataka kung mabutas ko man ang page na iyon ng notebook ko. Ilang minuto na akong nagpipilit na may maisulat pero wala talaga. Hindi gustong sumunod ng isip ko.

Tatlong oras na akong nakasalampak sa sahig. Tatlong oras na halos ang struggle ko. Isang oras sa harap ng laptop ko at dalawang oras naman sa notebook ko. Gusto ko na lang ibato ang paborito kong notebook para matapos na. Ang nagdaragdag pa sa stress ko ay ang katotohanang wala akong pagpipilian. Gaano man kahirap iyon para sa akin ay kailangan kong gawin—dahil gusto ni B na iyon ang gawin ko. Hindi ko siya maaring suwayin. Hindi ko siya maaring biguin. Hindi dahil takot ako sa kanya kundi dahil hindi ko gustong pagsisihan niya ang lahat ng nagawa niyang tulong.

Kung sana lang hindi ganoon kahirap para sa akin ang ipinapagawa niya.

Bigla kong binitiwan ang sign pen at sumubsob ako sa sofa—ang 'home' ni B tuwing gusto niyang umuwi sa bahay ko.

Gusto kong makalimot, kung posible lang...

Mariin akong pumikit at pinilit iwaglit sa isip ang lahat.

Napaigtad ako sa ring ng telepono. Hindi ko gusto ng kausap. Gusto kong mag-isa at mag-isip, mag-ipon ng lakas...hanggang kayanin kong gawin ang gustong mangyari ni B.

Tumigil ang ring ng telepono. Nakahinga ako nang maluwag—na nauwi rin sa buntong-hininga nang cell phone ko naman ang tumunog. Inabot ko ang gadget na hinagis ko lang sa sofa kanina.

"Hah, B!" hiyaw ko sa kawalan nang makita ko ang pangalan sa screen. Kung hindi ko sasagutin ang tawag ay mahaba-habang paliwanag ang gagawin ko. Hindi gusto ni B na hindi ko sinasagot ang tawag niya. Natatandaan kong kasama sa listahan ng mga rules na binigyan niyang diin sa pag-uusap namin noon ay ang pagsagot sa tawag. Puwede kong palampasin lahat ng tawag liban sa tawag niya.

Inabot ko ang cell phone pero tumigil na ang tunog bago ko pa man natanggap ang tawag. Ah, kailangan ko nang ihanda ang sarili ko para magpaliwanag.

Inaasahan kong tatawag uli si B pero nakaramdam na ako ng antok, dala siguro ng sunod-sunod na gabing pagpupuyat ko. Hindi ko na nahintay ang pagtunog uli ng cellphone. Inusog ko na lang ang laptop at notebook ko sa dulo ng sofa. Basta na lang ako sumubsob sa throw pillow. Madalas akong maidlip sa ganoong posisyon, resulta ng madalas kong pagpupuyat.

Tahimik naman ang mga sandaling nakakatulog ako—dati. Hindi ko alam kung ano ang kaibahan ng hapong iyon at iba ang nangyari...


Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon