Napatingin si Leia sa pinto nang biglang bumukas iyon. Napalunok siya nang makitang madilim ang anyo ni Ross. Mukhang galit ang lalaki.
"What are you doing here?" salubong ang kilay na tanong ni Ross, hinagis sa isang sulok ang bitbit na Gym bag. "Hindi ko gusto ang ibang tao sa kuwarto ko," malamig na dugtong ng lalaki. Sa mga ganoong pagkakataon na bad mood ang 'master' ay gusto ni Leia na mangilag pero dahil trabaho niyang maging alalay ni Ross—ang nanay niya ang talagang yaya ng lalaki, sa school naman ay siya at sa bahay ngayon, nagboluntaryo siyang maglinis sa silid ng lalaki para mabawasan ang trabaho ng nanay niya na nag-aasikaso ng lahat sa malaking bahay na iyon na bago nilang tahanan—kaya siya ang napasukan ni Ross sa halip na ang kanyang ina.
"Tatapusin ko na lang 'to, Sir, malapit na—"
"Ayoko sabi ng ibang tao rito!" pasigaw na agaw ni Ross. Pabagsak na umupo sa kama. Inipon ni Leia lahat ng tapang na mayroon siya para magawa niyang harapin si Ross na hindi siya nito kakikitaan ng takot.
"Puwede namang hindi ka sumigaw," sabi ni Leia. "'Pag narinig ka ni Nanay, aakyat pa siya rito, maaabala pa 'yong tao sa trabaho. Mag-away na lang tayo nang walang sigawan nang hindi na maabala pa ang pagod kong ina, puwede ba, Sir?" nakataas na ang isang kilay ni Leia. Tatapusin niya ang trabaho niya sa silid. Makikipag-away siya sa apat na araw pa lang niyang 'master' mabawasan lang ang iba pang gawain ng ina niya sa malaking bahay na iyon.
Saglit na napatitig sa kanya si Ross, tila nagulat. Mayamaya ay lumamig ang anyo ng lalaki. "Wala kang pakikialamang gamit kung ayaw mong basagin ko lahat 'yan at ibawas sa suweldo mo." pantay na sabi nito saka ibinagsak ang sarili sa kama. Ni hindi nag-abalang magtanggal ng sapatos!
Walang suweldo si Leia sa trabahong iyon. Ang libre niyang pag-aaral sa St. James ang kapalit ng pagsisikap nila ng Nanay niya. Ang Mommy ni Ross na si Amelia Valdforz ang sumusuporta sa pag-aaral ni Leia. Kababata ng nanay niya ang ginang. Sabay na nagtapos ng elementarya sa probinsiya at naghiwalay na pagkatapos. Maraming taon ang lumipas bago magkita muli ang dalawa ayon sa kuwento ng kanyang ina. Natutuwa siyang nag-abot ng tulong si Tita Amelia sa kanilang mag-ina. Habambuhay niyang ipagpapasalamat ang kabutihan ng ginang.
Ang bilin ng Nanay ni Leia sa kanya ay gawin ang lahat para makapagtapos. Ipaabot raw niya sa Mommy ni Ross ang pasasalamat sa pamamagitan ng matataas niyang grades. Hindi man sabihin ng Nanay niya, alam ni Leia ang dedikasyon nito sa trabaho ay paraan ng kanyang ina para ipaabot sa Mommy ni Ross ang labis na pasasalamat sa lahat ng tulong sa kanila.
Kaya kahit gusto na niyang hampasin ngayon ng unan ang nag-iisang anak ni Tita Amelia na si Ross, na lantaran kung magpakita ng magaspang na ugali ay hindi niya magawa. Ang kabutihan ng Mommy ng lalaki ang laging iniisip ni Leia.
Noong unang araw na nagkita sila ni Ross sa St James, akala ni Leia ay mabait ang lalaki. Mali siya. Sa apat na araw na nakasama ni Leia si Ross sa iisang bahay ay natuklasan niyang singlamig ng yelo ang lalaki. Kung kumilos ay tila walang nakikitang tao sa paligid. Tingin pa lang ay tila nagtataboy na. Para bang itinalaga nito ang sarili para mag-isa. Ayaw ni Ross ng kausap. Ayaw ng kasama. Ayaw ng alalay—na eksaktong trabaho ni Leia kaya kailangan niyang ipilit ang sarili kahit pa ang sama ng tingin ng lalaki sa kanya sa ilang araw na lumipas na sinusundan-sundan niya ito sa St James.
Mas binilisan ni Leia ang pagliligpit sa silid ni Ross para agad na siyang makalabas. Sa dami ng kalat, umabot pa siya ng tatlumpong minuto sa loob. Pagtingin niya kay Ross na nakadapa sa kama ay nakita niyang nakatulog na ang lalaki.
Napailing si Leia. Siya ang nahirapan sa puwesto ni Ross sa kama—pahalang na nakadapa, nakasapatos pa at halos bumakat na sa balat ang T-shirt dahil sa pawis. Malakas ang aircon sa silid kaya hindi maaring wala siyang gawin. Trabaho ni Leia na alagaan ang masungit na lalaki. Tumuloy siya sa closet para maghanap ng bihisan ni Ross.
BINABASA MO ANG
Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEW
RomanceNOTE: UNEDITED version Sa Dear Beautiful, ako si Venusa. Kilala ng online readers bilang witty and sarcastic lady-adviser na walang pakundangan kung magtapon ng masakit na katotohanan sa mga diary entry-sender. Iisa lang naman kasi ang problema ng m...