Eight

1.1K 50 4
                                    

Bakit hindi kana matahimik ngayon?

Mas dumarami ang hindi ko maintindihan

O ayaw mo lang buksan ang mata mo sa katotohanan?

Ano nga ba ang totoo?

Na hindi talaga siya ang nagbago.

Ako ang nagbago?

Hindi ba?

Siya ang may gusto ng pagbabago.

Na nagawa niya nang tama?

Nang-iwan siya!

Ikaw ang umalis.

Hinayaan niya ako...

Oo, hinayaan ka niyang mag-isa.

Hindi ko gustong mag-isa nang mga panahong iyon.

Ano'ng nagawa sa 'yo ng espasyong iniwan niya?

Natuto akong talikuran ka.

At ng kalayaang ibinigay niya nang hindi mo hiningi?

Nakilala ko si Maria.



CALL alert ng cellphone ang gumising sa akin. Inaantok pang nag-angat ako ng ulo, ang laptop at diary agad ang nakita ko sa side table—ang trabahong iniwan ko nang nagdaang gabi. Hindi ko na namalayan kung anong oras ako nakatulog. Ang natatandaan ko lang ay mahabang sandaling tagusan ang titig ko sa kisame. Salamat sa piano piece at isang basong gatas, nakatulog pa rin ako. Gatas lang. Hindi ako pabor sa sleeping pills.

Ano'ng araw na ba ngayon?

Inabot ko ang cellphone, si Irie ang tumatawag. Hindi na naman ba tuloy ang weekend meeting naming lima? Ilang linggo na bang hindi sila napapadaan dahil sa mga hindi magtagpo-tagpong schedule?

Ibinagsak ko uli ang katawan ko sa kama bago ko tinanggap ang tawag. "Ang aga ng tawag mo, 'Rie?"

"Maaga ka diyan!" malakas na sabi ni Irie. "Kakagising mo lang?"

"Oo, eh. Ginising mo lang naman ako."

"Hindi mo alam?"

"Hindi alam ang ano?"

"Na ang boss mo ang isa sa guest ni Rissy?"

"Guest ni Rissy!?" bulalas ko. Walang nababanggit si B. Sa telebisyon agad ako napatingin bago hinanap ng mga mata ko ang remote control na hindi ko nakita. "Kanina pa nag-start ang show..." nasabi ko matapos mapatingin sa oras.

Si Rissy ang sikat na host ng Today's Confession, isang pang-umagang talk show na inaabangan ng buong Pilipinas. Umiikot ang programa sa iba't-ibang karanasan ng mga successful individuals na may kanya-kanyang inspiring stories—babae at lalaki, bata at matanda, sikat at pribadong indibidwal—na handang maglahad ng kuwentong may nagkakaparehong mensahe: Pag-asa. Pag-asang ang bawat indibidwal ay may pagkakataong magtagumpay sa buhay. Isa ako sa maraming tagasubaybay ng show, hindi nga lang araw-araw dahil kadalasan ay late na akong nagigising sa umaga.

"Kaya nga kita tinawagan. Siya ang huling guest. Tama lang ang gising mo, friend. Life and Love nga pala ang topic ni Rissy ngayon." Laging nahahati sa dalawang topic ang episode ng Today's Confession. "Commercial break na. Tapos na ang life questions sa boss mo."

"Tapos na agad?"

"Tulog ka kasi nang tulog, eh. Inspiring pala ang kuwento niya, ah. Namatay ang mother niya at naiwan siyang clueless sa lahat ng business transactions ng Mom niya? Bad boy pala siya dati? Ang galing niya! Nagawa niyang maging ang anak na pangarap ng Mommy niya. Wow! But yeah, tama siya, sayang nga, hindi na makikita ng Mommy niya kung paano siya nagbago...and eventually, nagtagumpay. Hindi mo yata naikuwento sa amin 'yon?" tuloy-tuloy ang pagsasalita ni Irie, nakinig na lang ako.

Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon