KATULAD ng isang nabuksang gripo, hindi ko na napigilan pa ang pagdaloy ng mga alaala. Hindi na ako nagtangkang pigilan iyon. Binuksan ko na ng tuluyan ang isip at puso ko para sa mas marami pang eksena.
Marami akong tanong. Tatapusin ko muna ang Diary project, saka ko na hahanapan ng sagot ang mga tanong sa isip ko tungkol sa Diary ni Meah at sa pagkaka-pareho ng mga karanasan namin.
Nagpatuloy ako sa pagbuklat sa Diary ng Pangit habang ang sign pen at Diary ng Maganda ay nasa tabi lang at naghihintay ng bagong entry.
Ang mga sumunod na entry sa Diary ni Meah ay parehong mga okasyong nagmarka rin ng pinakamasasayang araw sa buhay ko.
GRADUATION Day.
Dear Diary,
A tight hug and goodbye.
HINDI ko na nagawang tapusin ang entry ni Meah. Iglap ay tila umikot ang paligid, nawala ang mga bagay na pamilyar ako sa bahay ni Lolo Jose, napalitan ng ibang lugar. Lugar na taon na ang lumipas mula nang huli kong nakita pero pamilyar na pamilyar pa rin—lalo na sa garden, sa Bermuda grass na pantay-pantay at masarap humiga nang walang iniisip na kahit ano kundi ang titigan ang mga bituin tuwing maaliwalas ang langit. Ilang beses ba kaming nanood ng mga bituin noon? Ilang beses ba kaming inumaga tuwing weekend noon sa kahihintay ng shooting star?
GRADUATION, 2008
HINDI itinuloy ng dalagitang si Leia ang pagpasok sa silid ng ina nang marinig niya ang pag-uusap ng pamilyar na mga boses.
"Salamat, Liona. Hindi ako nagkamali sa naging desisyon ko." boses ni Tita Amelia mula sa loob. Sa bahagyang nakaawang na pinto ay nasilip ni Leia na magkatabi ang kanyang ina at ang ginang. Nakaupo ang dalawa sa kama at seryosong nag-uusap.
"Ako dapat ang magpasalamat, Amy. Sa lahat ng tulong mo sa amin ng anak ko."
"Kapalit ng isang taong pagtitiis n'yo ni Leia sa anak ko, wala 'yon, Liona. Alam ko kung gaano kahirap pakisamahan si Ross."
Napangiti ng lihim si Leia, naalala ang mga eksena sa pagitan nila ni Ross. Hindi siya dapat nakikinig sa usapan ng matatanda pero natukso siya nang ilang minuto pa.
"Mabuting bata ang anak mo. Matalino at marunong rumespeto. Pilyo oo, pero hindi siya takot tumanggap ng pagkakamali kapag alam niyang hindi na tama ang nagawa niya."
Saglit na katahimikan.
"Ako ba ang nagkulang, Liona? Masyado ba akong naging abala sa maraming bagay kaya napalayo sa akin ang loob ng anak ko? Hindi ko na matandaan ang huling beses na naintindihan namin ang isa't isa. Hindi ko alam kung saan ako nagkamali, kung ano ang naging pagkukulang ko bilang ina para humantong sa ganito ang lahat. Naging tila bato ang anak ko, batong paulit-ulit na ibinabagsak ang sarili para mabasag. Nagkulong siya sa sarili niyang mundo, itinutulak palayo ang lahat nang nagtatangkang lumapit. Gusto ko siyang maintindihan, Liona, pero bigo ako. Lalo siyang lumayo hanggang sa hindi ko na siya maabot."
"Marahil ay nagkulang lang kayo sa pag-uusap," mababang sabi ng Nanay ni Leia. "Sa isang taon ng anak mo rito, bukod sa maraming beses niyang pinaiyak si Leia sa inis noong mga unang buwan niya rito ay wala akong maipipintas kay Ross."
"Siguro nga, mas mabuti kang ina kaysa sa akin," ang tono ni Tita Amelia ay tila nasasaktan. "Para iwan ako ng sarili kong anak sa mismong araw ng Pasko para bumalik sainyo, naisip kong ako talaga ang may pagkakamali, Liona. Ako ang may pagkukulang."
BINABASA MO ANG
Diary ng Maganda [Leia's Diary Sequel]- PREVIEW
RomanceNOTE: UNEDITED version Sa Dear Beautiful, ako si Venusa. Kilala ng online readers bilang witty and sarcastic lady-adviser na walang pakundangan kung magtapon ng masakit na katotohanan sa mga diary entry-sender. Iisa lang naman kasi ang problema ng m...