Chapter 5

1.7K 54 1
                                    

KLEA
written by: Lorna Tulisana





Halos takasan ng ulirat si Tyrex habang walang kurap na nakatitig sa nilalang na sa anino pa lang mula sa punongkahoy na kinaroroonan ay tiyak niyang hindi ito normal.

Muling sumipol si Klea. A t nilakasan na niya ito sa pagkakataong iyon dahil tila dinaan pa sa " slow motion " ang pagkilos ng kaibigan.

Hindi niya alam kung nag-iinarte ba ito o iniinis na naman siya nito?

" KOKOOOO! "

Bingi na naman ang sawa sa malakas na tinig ng nagbabantang dalaga. Mas binagalan pa nito ang paglingkis pababa.

Inilabas ni Klea ang posporo na nakaipit sa suot ng palda. Itinaas ito sapat upang makita ng dalawang mapulang mata na nakatingin sa kanyang direksyon na wala yata talagang balak na sundin siya.

Natigilan si Koko. Mukhang seryoso ang kaibigan na ihawin siya.

Mabilis na nagtambak ng mga tuyong dahon ang dalaga.

" Ahhhhh! "

Hindi malaman ni Tyrex ang gagawin ng mga oras na 'yon nang mula sa punong tinititigan ay maaninag ang nagmamay-ari ng higanteng anino.

At kung kanina ay usad-pagong ito,ngayon ay kasing-bilis naman ito ng ipo-ipo.

Ibinuka ni Koko ang malaking bibig sapat upang makita ng binata ang mga pangil nito.

At tuluyan nang nawalan ng malay si Tyrex. 

Hindi na nito nakita na ang pakay lang naman ng sawa ay tanggalin ang nakapulot na balat sa katawan nito.

-----


" Inaapoy siya ng lagnat! "

" Pinatawag ko na si Ka Bastre! "

" Ano ba talagang nangyari,Klea? ", pag-uulit na tanong ni Tata Selmo.

" Tata,sinabi ko naman po sainyo na nadaanan ko lang siyang walang malay sa gubat! ", pagsisinungaling ng dalaga.

" Ano ba ang ginagawa niya sa gubat? At bakit ang sangsang ng amoy niya? ", pagtataka ni Kaka Loma.

Napalunok si Klea. Bigla nitong pinagdasal na sana ay hindi makilala ng mga magulang ang amoy ng isang sawa.

Siguro minsan ay isasama niya si Koko sa ilog. Baka kulang lang ito sa paligo.

" Sa tingin ko ay isa siyang dayuhan! ", pagsipat ni Tata sa nahihimbing na binata, " Makinis ang kutis niya...guwapo...mukhang galing sa mayamang angkan! ".

Kinagat ng dalaga ang labi nito sa pag-aalala na baka madulas ang dila at masabi sa mga magulang na ang nasa harap ng mga ito ay isang pamosong tao na iniidolo hindi lang ng buong Cotabato.

" Ang mabuti pa ay bumaba ako ng bayan para makapagtanong! ", suhestiyon ni Kaka.

" Hintayin muna natin siyang magkamalay para malaman natin ang kanyang pangalan at nang hindi masayang ang pagtungo mo sa bayan! ".

" O,sige! Ihahanda ko na lang muna ang mga gagamitin ni Ka Bastre! ", tumayo na ito at lumabas ng silid.

Inabala naman ni Tata Selmo ang sarili sa paggawa ng nganga,at sinamantala ito ni Klea na kunwaring dinama ng isang kamay ang noo ng binata habang ang kabila ay pasimpleng ginagap ang nanlalamig na palad nito. 

" Huwag mong pangarapin ang isang katulad niya,anak! ".

Mabilis na lumayo ang dalaga. Nakaramdam ito ng hiya sa ama at maging sa sarili.

" Hindi pa man natin siya kilala, tiyak ko na hindi siya nababagay na mapabilang sa ating tribo!"

" Tata,naman! "

Napayuko si Klea. Alam niya ang tinutumbok ng ama. 

" Kung pipili ka ng lalakeng mamahalin,hanapin mo 'yong hindi ka masasaktan! ".

Marahan lang ang naging pagtango ng dalaga. 

" Nandito na si Ka Bastre! ".

Kasunod na pumasok ng ginang ang isang matandang albularyo na tangan sa magkabilang kamay ang kung anu-anong uri ng dahon at ugat ng halaman.

" Klea,ikaw muna ang magpakain ng kambing! ", utos ni Kaka Loma.

Agad na tumalima ang dalaga, " Magandang gabi,Ka Bastre! ", magalang nitong pagbati sa matandang manggagamot bago mabilis na tumalikod.

" Aha! ".

Napahinto sa paghakbang si Klea habang napatingin naman sina Tata at Kaka sa albularyo.

" Nararamdaman ko na tila dalawang puso ang pinagtagpo ng tadhana! ", magiliw na wika ni Ka Bastre na ipinikit pa ang mga mata at itinaas ang dalawang kamay.

Napailing na lang na lumabas ng silid ang dalaga. Sanay na siya sa mga biro ng manggagamot. 

Sa tuwing nakakasalubong niya ito sa daan,lagi nitong sinasabi na darating daw ang araw na magbabago ang kanyang kapalaran. At kasabay daw ng pagbabagong ito ay ang pagtibok ng kanyang puso.

Muling napailing ang dalaga.

Kalokohan!

Noong makita pa lamang niya ang larawan ni Tyrex sa pahayagan,sigurado siyang tumibok na ang puso niya dito. Pero,wala namang nangyaring pagbabago.

Napatigil sa paghakbang si Klea ng mapadaan ito sa salaming nakasabit sa dingding.

Regalo ito sa kanya ng guro ng minsang manalo siya sa isang palaro....hulihan ng manok! 

Tumayo ang dalaga sa tapat ng salamin. At noon lamang niya napagmasdan ang sarili.

Mapupungay ang pares ng bilugan niyang mga mata....makapal ang kilay...matangos ang ilong...at manipis ang mga labi.

Nadako ang tingin nito sa buhaghag na buhok.

Magpakalbo kaya siya?

Pero,baka naman mas magmukha siyang katawa-tawa.

Dinampot nito ang maliit na tali na nasa may paanan at itinali sa makapal at kulot na buhok.

Muli nitong pinagmasdan ang sarili.

WALA NAMANG NAGBAGO!

Siya pa rin si Klea na nagpapadala lang sa huwad na hula ng matandang albularyo.

Tama ang kanyang ama. 

Hindi si Tyrex ang nararapat pangarapin ng isang tulad niya.


----



May kung anong amoy ang nanunuot sa ilong ni Tyrex na tila gumigising sa kanyang mga nanghihinang kalamnan.

Hindi ito pamilyar sa kanya ngunit,mas gugustuhin pa niya ito kaysa sa masangsang na amoy ng balat ng sawa na naka...

SAWA?!

Biglang napabalikwas ng bangon ang binata dahilan upang malaglag sa kinauupuan ang albularyo at tumilapon ang hawak nitong mga dahon at ugat.

Habang ang mag-asawang Kaka at Tata ay sabay namang napaatras sa pagkagulat na nagpabuwal ng upuang kahoy na kinapapatungan ng bagong kulong tubig.

" Sawa! ".

Tumayo ang manggagamot at muling naupo sa tapat ng higaan ng binata, " Iho,ipanatag mo ang iyong sarili! Mahiga ka uli! ".

Pinagala ni Tyrex ang mga mata, " Sino kayo? Nasaan ako? ".

" Ligtas ka dito,iho,kaya huwag kang mag-alala! ", pahayag ng ginang na humakbang palapit, " Natagpuan ka ng aming anak na walang malay sa gubat kaya dinala ka niya dito! ".

" Napakatapang na bata! ", napangiting wika ni Ka Bastre, " Aakalain mo ba,iho,na sa laki mong 'yan ay nadala ka dito ng isang babae? ".

" Babae? ", kunot-noong pagtataka ng binata.

Hindi sigurado si Tyrex sa naiisip dahil hindi naman niya tiyak kung babae nga ang nilalang na pakiwari niya ay kakutsaba ng higanteng sawa.

" Masuwerte ka,iho,na si Klea ang nakatagpo sa'yo! ", may pagmamalaki ng matanda, " Gan'un talaga ang tadhana,pinagku-krus ang landas ng dalawang taong nakalaan sa isa't isa......sa hindi inaasahang panahon at pagkakataon! ".

Hindi pinansin ng binata ang sinabi ng manggagamot, " Ano ang ginagawa niya sa gubat? ".

" Ah! Bata pa lang si Klea ay ang gubat na ang kanyang naging palaruan! ", sagot ni Tata Selmo.

" Pero,mapanganib ang lugar na 'yon! May nakita akong kakaibang nilalang na may alagang higanteng sawa! ".

Nagkatinginan ang mag-asawa habang lihim namang napangiti ang albularyo.

" Pero,iho,ligtas ang gubat! Madalas naroon ang aking anak! ".

" Sigurado ako sa nakita ko! May halimaw sa gubat! ".


----



" KLEAAAAAAA! ".

Nabitiwan ng dalaga ang mga damong dadalhin sa mga kambing ng marinig ang malakas at mahabang sigaw ng ina.

Isa lang ang ibig sabihin noon...gising na si Tyrex. At mukhang nahaharap siya sa malaking problema.

" KLEAAAAA!!!! "

Tinakbo nito ang bahay at agad na tinungo ang silid.

" SIYA! "

Napatingin ang lahat ng mata sa pagpasok ng humahangos na dalaga.

" Siya ang halimaw sa gubat! " madiing akusasyon ni Tyrex.

" Magdahan-dahan ka ng pananalita,iho! Anak ko ang tinutukoy mo! " may pagbabanta sa tinig ni Tata Selmo! "

Sandaling natigilan ang binata. Nakaramdam ito ng pagkapahiya, " Pero,kasama niya 'yong higanteng sawa! May alaga siyang sawa! "

" Sawa?! ", kunwaring bulalas ni Klea, " Naku,Mister,walang normal na tao ang mag-iisip na mag-alaga ng sawa! "

KLEA (Book 3: Trinity)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon