Chapter 14

1.4K 35 0
                                    

KLEA
written by: Lorna Tulisana





Muling napahikab si Tyrex. Napatingin ito sa mga kasama na ang karamihan ay nakatulog na habang ang ilan ay pinipilit na lang na idilat ang mga mata para mauna sa magaganap na kasiyahan.

Ang totoong dahilan kung bakit mas pinili ng buong Press ang manatili ay hindi dahil sa Kapiyestahan ng Magabo kundi ang magiging partisipasyon ng sikat na modelo dito.

Kahit pa nga sinabi ni Tyrex na tagapanood lamang siya,hindi nakumbinse ang mga ito.

Tumayo mula sa pagkakaupo ang binata.

" Naiinip ka na ba,iho? ", pag-aalang tanong ng katabi nitong si Tata Selmo.

" Maglalakad-lakad lang po ako sandali para mawala ang antok ko! ".

" Sige,pero huwag kang masyadong lalayo! ".

Tumango lang ang binata at tumalikod.

" May lalabas ba talagang buwan ngayon? Kanina pa namumuti ang mga mata namin,ah?! ", reklamo ni Lila na mababakas sa mukha ang magkahalong antok at pagkabagot.

" Hindi pa kami nagkakamali sa pagkalkula sa paglabas ng buwan! ", malumanay na tugon ni Kaka Loma.

" Nasaan na nga? ", pandidilat ng bakla.

" Huwag kang mainip at sa ilang sandali ay sisilay na ito sa kalangitan! ".

" Ang mabuti pa,inumin mo muna ito! ", alok ni Tata Selmo sa isang likido na nakapaloob sa malaking plastik na lalagyan,nagsalin ito sa baso na yari sa katawan ng kawayan at iniabot ito sa naiiritang panauhin.

" Ano 'to? "

" Tuba! "

Sinamyo ni Lila ang inalok sa kanyang inumin. Napangiwi ito, " Maasim ba 'to? "

" Gawa sa niyog 'yan! Ilang buwang iniimbak upang mas maging malasa! 'Yan ang espesyal na inumin tuwing sumasapit ang ganitong pagdiriwang! Tikman mo! ".

Sa unang sayad pa lamang ng inumin sa labi ni Lila ay lumukot na agad ang mukha nito dahil sa sobrang asim. Ngunit,tama nga na malasa ito. Nawala ang nararamdamang antok nito. Humirit pa ito ng isa.....dalawa.....tatlo....hanggang mapasubsob na ito sa mesa na nasa harap dahil sa kalasingan.

Nasisiyahan namang nagkatinginan na lamang sina Tata Selmo at Kaka Loma.


----


Mula sa kinatatayuan ni Tyrex, tanaw niya ang kagubatan. Madilim man ay aninag niya ang malalagong mga puno dito. Tila pa sa layo ng distansiya niya ay ulinig niya ang ingay at huni ng iba't ibang hayop at insekto dito.

Bigla tuloy niyang naisip na siguro sa mga oras na iyon ay nakatingin sa kanya ang mapupulang mga mata ni Koko habang suot-suot ang mga damit niya na napanalunan nito sa kanilang naging pangalawang duwelo.

Napangiti ang binata. 

Ang pagkakapadpad niya sa gubat ang pinakamaganda at exciting na karanasan sa buong buhay niya. At hinding-hindi niya ito makakalimutan.

Magiging malaking bahagi ito ng kanyang nakaraan na alam niyang maghahatid lagi sa kanya ng ngiti at kasiyahan.

Napapitlag si Tyrex sa malalim nitong pag-iisip ng maghiyawan ang buong tribo na sinabayan pa ng malalakas na tunog ng tambol.

Ang mga natutulog na miyembro ng Press ay nagising sa pagkagulantang dahil sa ingay.

Mula sa kalangitan,unti-unting sumilay ang bilog at mapulang buwan. Nakatingala dito ang buong tribo na itinaas pa ang mga kamay at sinabayan ng pag-usal ng kakaibang lengguwahe na hindi maunawaan ng mga taong nanggaling sa iba't ibang lungsod.

Ilang sandali pa ay nadako ang mga mata ng lahat sa bukana ng pinto ng bahay kung saan lumabas mula dito ang apat na kababaihan na nakasuot ng mahahaba at makukulay na damit na nagpakurba sa balakang ng mga ito. Wala ang mga itong sapin sa paa. Habang ang buhok ay maayos na nakapusod sa kanilang likuran na napapalamutian pa ng iba't ibang bulaklak.

Tinungo ng dalawang lalake mula sa tribo ang umpok ng mga tuyong kahoy na nasa pinakagitna ng pagdarausan ng pagdiriwang. Sinilaban ng apoy ito na agad nagbigay ng liwanag sa paligid.

Kasabay ng naglalagablab na ningas ang pagkabalot ng katahimikan. Hanggang muling pumailanlang ang tunog ng tambol na agad sinabayan ng pag-indak ng apat na dilag.

Nagpaikot-ikot ang mga ito sa palibot ng nagniningas na apoy.

Aktong babalik na sa upuan nito si Tyrex ng mapatigil ito sa paghakbang. Muling napako ang tingin nito sa entrada ng pintuan kung saan lumabas dito ang isang babaing hindi niya agad nakilala.

Tulad ng mga naunang mananayaw,nakasuot din ito ng mahaba at makulay na damit na nakahapit sa mahuhubog nitong beywang.

Muling nabalot ng katahimikan ang buong paligid. Lahat ng mga mata ay nakatuon sa dilag na agad umindayog ang balakang sa pagsabay sa tunog ng tambol.

Halos hindi makapaniwala si Tyrex. Halos hindi ito kumukurap sa pagkakatitig sa napakagandang dilag na huling lumabas. 

Malinaw pa naman ang kanyang mga mata. Wala namang history ng katarata ang kanyang pamilya. Ngunit,tama ba talaga ang kanyang nakikita o epekto lamang ito ng kabilugan ng buwan?

Palihim na napangiti si Klea habang sumasabay sa indak ng tambol. Kung tama ang kanyang nakita kanina,nakatulala habang nakamasid sa kanya ang mayabang na si Tyrex Maravillo.


Taon-taon na niyang ginagawa ang pagsayaw tuwing Kapiyestahan ng Magabo. Pero,kakaiba ang taon na ito dahil maraming panauhing nakamasid sa kanya na ang ilan ay naging mapanghusga sa kanya. Kaya naman sa gabing iyon,naghanda siya ng isang espesyal na sayaw na tanging iaalay lamang niya sa pamosong modelo na nasulyapan niya nakatulos pa rin sa kinatatayuan nito at halos wala pa ring kurap na nakatitig sa kanya.

Mas nilambutan ni Klea ang paghampas ng balakang. Nakakapang-akit ang bawat galaw. Nagpaikot-ikot ito sa paligid ng nagniningas na apoy. Hanggang iwan nito ang mga kasamang mananayaw para isakatuparan na ang kanyang espesyal na sayaw na ilang oras din niyang inensayo sa loob ng sariling silid.

Dahan-dahan nitong tinungo ang kinatatayuan ng nakatulala pa ring binata. At batid niya na nakasunod sa kanya ang lahat ng mata at camera.

Naging mapanukso ang sayaw ng dalaga. Ilang ulit nitong pinaikutan si Tyrex na biglang bumilis ang paghinga nang maramdaman ang mainit na palad nito sa kanyang likuran,patungo sa kanyang braso,at ngayong nasa harap na niya ito,ikinapit nito ang dalawang kamay sa kanyang batok.

Nagkatitigan ang dalawa.

At noon lamang napansin ng binata na manipis na ang dati nitong makakapal na kilay na bumagay naman sa mapilantik at mahahaba nitong pilik. Matangos din ang ilong nito. At may itinatago pala itong malalim na biloy sa kanang pisngi na lumabas sa simple nitong pagngiti. Higit sa lahat,mahigpit na nakaayos sa likuran nito ang makapal at buhaghag nitong buhok.

Sino ang mag-aakala na ang nilalang na ilang beses niyang nakitang nakabitin sa baging at ang magandang dilag na nasa kanyang harapan ay iisa lamang?



----


Nang makaramdam ng pagkahilo si Koko dahil sa palipat-lipat ng tingin sa direksyon ng gubat at sa bahay ng matandang manggagamot,hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.

Mabilis niyang binalikan ang tahanan ng albularyo. Huminto muna ito sa tapat ng nakasarang pinto at sandaling pinadaanan ng mahabang dila ang dalawang pangil para matiyak kung matutulis pa ang mga ito. Sa araw-araw niyang paghasa dito,mukhang lumiit ang mga ito? 

Napako ang mapupulang mata ng sawa sa pinto na sa tingin niya ay yari pa sa mahogany. Sayang naman kung sisirain lang niya ito. At dahil tinuruan siya ng kaibigan ng kagandahang asal,pormal lamang na kumatok muna siya.

Pinahaba nito ang buntot. At hindi pa man ito nakakalapat sa pinto ng muli ntong marinig ang malakas na tinig ni Ka Bastre.

Isang mabilisang aksyon......

Nagulantang na lamang ang nasa loob ng bahay ng lumipad ang pinto na bumasag sa ilang mga kagamitan dito.

" Ahhhhhhh! ".

Hindi pinansin ni Koko ang malakas na sigaw ng mga sanggano dahil ang kanyang atensyon ay nakatuon sa maliit na telebisyon na unti-unting dumadausdos sa kinapapatungan nito dahil sa pagkatanggal ng isang paa.

Maagap ang naging kilos ng sawa.

" Ahhhhhh! ".

Ngunit,nilagpasan lamang nito ang dalawang namumutlang lalake. Pinahaba nito ang buntot,ngunit nahuli na ito dahil tuluyan ng bumagsak sa sahig ang telebisyon na agad nahati sa dalawa.

Tila biglang huminto ang mundo ng sawa habang titig na titig sa pinakamahalagang kasangkapan ng kanyang buhay. Ibig sabihin nito ay hindi na niya mapapanood ang FINALE ng gabi-gabi niyang inaabangang teleserye ng kanyang idolong si Coco Martin. At hindi na rin niya malalaman kung sinong housemate ang mapapalabas sa loob ng Pinoy Big Brother. Higit sa lahat,hindi na niya mapapanood ang MATANGLAWIN ni Kuya Kim.

Biglang nagkulay dugo ang dati ng mapupulang mga mata ni Koko. Bumagsik ang dati na nitong mabagsik na mukha. Muling pinadaanan ng dila ang mga pangil. Magbabayad sa kanya ang sino mang nagtanggal ng kanyang kaligayahan.

" Hsssssstttttt! ".

Kasabay ng pagbaling ng dambuhalang sawa sa direksyon ng mga sanggano,umalingawngaw ang malakas na putok ng baril.

KLEA (Book 3: Trinity)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon