Nang bumaba kami sa karwahe, isang magandang gate ang tumambad sa aking mga mata. Triple ang laki mula sa marikit na gate na una kong kinamanghaan. Sa kanan nito ay isang malaking pedestal at doon nakatayo ang isang anghel na may ginintuang pakpak.
“Magnolia nariyan ba ang Mahal na Ama?” Ang tanong ni Cornelia sa anghel.
“Ikaw pala Cornelia, nariyan siya at kanina pa kayo inaantay!” Ang masayang sagot ni Magnolia.
Sa kanyang kamay ay isang gintong susi, at ang gate ay kanyang sinusian at ito ay bumukas.
Yumuko si Cornelia at yumukod pabalik si Magnolia sa kanya. Nang magsimula nang lumakad si Cornelia sumunod ako sa kanya. Nang masapit ko ang kinaroroonan ng anghel na si magnolia, pinabaunan niya ako ng matamis na ngiti at isinara na niya ang gate.
Ama, yun ang tawag nila sa nakatira sa lugar na ito. Siya ang Diyos ng lahat, nang simula at nang katapusan. Yun ang sabi ni Cornelia sa akin habang naglalakad kami sa malaking hardin na maraming puno. Makapangyarihan, siya ang magdedesisyon kung saan ako tutungo o kung saan ako magtatapos.
Hindi ako religious, sa mundo ng mortal ang kinamulatan ko ay napakaraming diyos, napakaraming dambana. Kung kaya’t marami ang naliligaw sa pananampalataya. Ang aking pamilya sa aking pagkakatanda ay walang relihiyon, iyon siguro ang dahilan kung bakit lahat ng ito ay bago sa akin. Kung bakit ngayon ko lang narinig ang mga pangalang iyon.
Nang sapitin namin ang dulo ng mga puno, tumambad sa akin ang isang malaking grotto at ang malaking upuan.
Yumukod si Cornelia pagsapit namin sa hangganan. Ang pagyukod niya ay isang patunay na mas makapangyarihan sa lahat ang Ama na ito.
Maliwanag ang buong paligid, wala akong makita, kung kaya ay ipinikit ko ang aking mga mata.
“Cornelia ikaw ba iyan?” Ang tanong ng mala kulog na tinig.
“Opo Mahal na Ama, at akin pong dala ang kaluluwa na aking sinasabi sa iyo mula sa aking sulat.” Ang malinaw na tugon ni Cornelia. Hindi parin siya nagbabangon sa pagkakayukod.
“Ganon ba? Mas mabuti siguro ay magpalit ako ng aking anyo upang mas makausap niya ako ng hindi siya natatakot!” Ang masayang tinig ng boses na mala kulog.
Hindi sumagot si Cornelia nanatili siyang tahimik at makailang saglit ang liwanag na kanina ay masakit sa paningin ay nawala. Sa upuan isang matandang lalaki na nakasuot ng ginto at puti ang aking nakita. malaki siya, mas malaki kay Cornelia, ngunit ang kanyang muka ay maamo.
“Ikaw ba si Lyka?” Ang tanong niya sa akin.
Ang kanyang tinig ay hindi na kulog na malakas kundi malamyos at malamig na sa pandinig.
“Opo!” Ang tangi kong naisagot.
Tumango siya at muling nagsalita.
“Naririto ka dahil sa hindi mapagdesisyonan ni Cornelia ang dapat gawin sa iyo. Ang aking hatol ay bigyan ka muli ng pangalawang pagkakataon upang bumaba sa lupa. Upang makapanik ka sa paraiso kaylangan mong tapusin ang iyong kwento. Sa loob ng isang daang araw ay papayagan kitang gumala sa ibaba ng mundo. Sa mga araw na ito kinakailangan mong matagmi ang kulang ng iyong buhay. Alamin mo ang tunay na dahilan ng iyong kamatayan. Ang iyong memorya ay ibabalik ko mula sa simula hanggang sa hangganan kung saan ito naputol. Tandaan isang daang araw lamang walang labis walang kulang.” Ang paliwanag niya sa akin.
“Kung sakali na hindi ko po matagmi ang kulang ano po ang mangyayari sa akin?” Lakas loob kong tanong.
“Kung magkagayon ang iyong kaluluwa ay dadalin sa balon ng ligaw. Doon ka mananatili sa lahat ng panahon. Sa iyong pagbabalik, ikaw ay babalik na animo ay buhay, ngunit hindi ka nakikita ng ibang tao, maliban sa isang seer.” Ang huli niyang salita.
Nang mapagwika niya ito ang liwanag na nakabubulag ay bumalik. Nagpasalamat si Cornelia, at hinawakan na niya ang aking kamay at tumalikod na kami sa trono at naglakad papalabas.
Nang makalabas kami sa gate ay sinalubong kami ni Magnolia, at ibinigay ang isang salamin na maliit kay Cornelia. Nagbigay galang sila sa isa’t isa at kami ay lumisan na.
“Cornelia ano ang balon na iyon?” Ang tanong ko sa kanya makaraan ang ilang saglit.
“Lyka hindi mo gugustuhin ang mapunta sa balon na iyon. Malungkot doon at walang pahinga. Iyon ay isang lugar na ginawa ng Ama para sa mga kaluluwa na hindi tinatanggap ng impyerno at hindi maaring pumasok sa paraiso. Madilim ang lugar na iyon at ang daan ay walang katapusan.” Ang malungkot na paliwanag niya sa akin.
“Cornelia, ano ang isang seer?”
“Ang seer ay ang bukod tanging taong buhay na may kakayahan na makita, marinig at maka-usap ang isang namatay. Mga taga balik o taga tulong. Isang katangian na bihira sa isang mortal. Kapag nakakita ka ng isang tulad nito, wag kang magatubili na humingi ng tulong.”
Nang tumigil ang karwahe wala na kami sa ulap. Nakatayo kami sa isang puno na malaki at animo ay matanda na. May pinto ito na may ukit ng salitang hindi ko naman maintindihan.
“Hanggang dito nalang kita maihahatid. Sa likod ng pintong iyan ang destinasyon mo. Tandaan mo Lyka isang daang araw lang ang ilalagi mo para mabuo ang iyong huling bahagi ng buhay.” Inilabas ni Cornelia ang salamin na nakita kong ibinigay ni Magnolia sa kanya kanikanina lang. “Lyka, ang salaaming ito ay ang bahagi ng iyong kaluluwa, upang hindi ka magmukang apparition na tagusan kundi isang tunay na tao, buhay at mukang totoo. Ingatan mo ito. At kapag nalaman mo ang iyong kamatayan ito ang magtatala ng huli mong memorya at ito ang dadalin mo pabalik dito. Tandaan mo Lyka isang seer lang ang makakatulong sa iyo.” At niyakap niya ako.
Natatakot akong umalis, natatakot akong pumasok sa pinto. Ngunit mas natatakot akong mahulog sa balon na iyon.
Dala ang takot ay binuksan ko ang pinto at sa liwanag ako ay tumuntong, at naramdaman ko na sumara ang pinto.
Iyon nalang ang naramdaman ko bago ang lahat ay umikot at ako ay nawalan nang malay.
BINABASA MO ANG
A Thousand Miles
RomansaI'm Leon and I'm A SEER! I'm Lyka and I'm a GHOST! SEER + GHOST = TROUBLE? A seer that was in search for ACCEPTANCE, a ghost that is in search of her last life memory, and a hundred days to fall in love. That makes a lifetime of waiting and realizat...
