CHAPTER 1

15.8K 216 4
                                    

PAGOD na ibinagsak ni Train ang katawan sa swivel chair at isinandal ang likod sa backrest niyon. Ilang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya habang dinidiinan ng mga daliri ang magkabila niyang sentido. Halos dalawang oras lang ang tulog niya kaya hindi na nakapagtataka kung parang pinupukpok ngayon ng martilyo ang ulo niya dahil sa matinding sakit.

Sa ospital na rin siya natulog dahil ilan sa mga pasyente niya ay kritikal ang kondisyon dahil sa epidemya ng dengue na usong uso na naman ngayong tag ulan. Siya pa naman ang klase ng doktor na hindi mapapakali hanggang hindi niya nakikita na maayos na ang kalagayan ng pasyente niya. Idagdag pa na isa siyang pediatrician, mga bata ang pasyente niya kaya dapat lang na maging maingat at maselan siya pagdating sa kondisyon ng mga ito.

Nang masiguro na maayos na ang lagay ng mga pasyente ay bumalik na siya sa pribado at kilalang ospital na pag aari ng pamilya niya. Naroon kasi ang sarili niyang clinic. Maliban sa pagtatrabaho niya sa Quintalla General Hospital ay tatlo o apat na beses din sa isang linggo siyang nagro-roving sa tatlong pampublikong ospital.

Pagod na ipinikit niya ang mga mata. May duty pa siya ngayong araw kaya tiyak na mamaya pa siya makakauwi sa condo unit niya. Pagkauwi mamaya ay matutulog na agad siya at magbibilin din siya mamaya sa sekretarya niya na bandang hapon na siya babalik bukas ng ospital. Kung hindi kasi niya ipapahinga ang katawan ay baka siya naman ang magkasakit dahil sa sobrang pagod.

“Yo! yo! yo!”

Napilitan si Train na imulat ang mga mata nang marinig ang tinig ng pinsan niyang si Trevor. Tiningnan niya ito ng masama.

“What are you doing here?” naiinis na tanong niya.

“Naistorbo ba kita?” nakangising balik tanong naman nito sa kaniya.

“Hindi ba halata?” naiiritang tumuwid siya ng upo.

“Nakita ko ang sekretarya mo sa lobby at sinabi niya sa akin na nakabalik ka na kaya pinuntahan kita.”

“Okay…” patamad na sabi niya. “What do you want?”

Kilala niya si Trevor. Hindi ito basta na lang pupunta ng opisina niya kung wala naman itong kailangan sa kaniya. Kung tutuusin ay mas abala pa nga sa kaniya ang pinsan niya. Magkaedad lang sila pero masasabi niya na mas malaki ang achievement nito kumpara sa kaniya. Unti unti na kasi itong gumagawa ng pangalan pagdating sa larangan ng medisina. Isang henyo ang tingin dito ng mga kapwa nila doktor dahil sa galing na ipinakita nito bilang heart surgeon. Ang ilan pa sa mga pasyente nito ay kilalang mga personalidad sa mundo.

Malaking achievement na rin naman para sa kaniya ang maging doktor. Malaki ang fondness niya sa mga bata kaya mas pinili niyang magpakadalubhasa sa pagiging pediatrician. Sa tingin din niya ay hindi siya nabibilang sa OR o Operating Room kaya hindi siya tumulad sa ibang mga kamag anak niya na pawang mga kilalang surgeon.

“Hindi ka na galit sa akin 'di ba? Napatawad mo na ako sa mga nagawa ko noon sa'yo?”

Natigilan siya at mayamaya ay pagak na natawa.

“Ano bang sinasabi mo? Mga bata pa tayo noon at matagal ko nang ibinaon sa limot ang mga ginawa mong kalokohan.”

Inayos nito ang suot na white coat at mataman siyang tiningnan. Nag iwas naman siya ng tingin dahil sa ginawa ni Trevor. Hindi niya alam kung ano ang gustong iparating sa kaniya ng pinsan. Matagal nang nangyari ang tinutukoy nito at ayaw na sana niyang ungkatin pa.

“Palagi kitang inaagawan ng gamit noon sa school, naalala mo?” dagdag pa nito.

Napangiwi na lang siya. “Yeah.”

Si Trevor ang pinakamalaking tinik noon sa buhay niya. Illegitimate child kasi siya kaya hindi na nakapagtataka na hindi naging maganda ang pakikitungo noon sa kaniya ng mga Quintalla. Kahit hindi nagkatuluyan ang magulang niya ay hindi naman nagkulang ang daddy niya sa pagsuporta sa kaniya. May ibang asawa ang kaniyang ama at ang ina naman niya ay mas piniling magpakatandang dalaga na lang at ibuhos ang oras sa kaniya at sa trabaho nito.

LOVE FOR HIRE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon