“Uy, nandito pala ang magaling kong pinsan,”Hindi umimik si Train nang nakangising akbayan siya ni Trevor. Tumigil siya sa paglalakad sa hallway nang palibutan siya ng grupo nito. Nagtawanan ang mga kasama nito nang makita kung paano tapikin ng malakas ng pinsan niya ang kaliwang balikat niya. Masakit ang ginawa ng lalaki pero mas pinili niyang huwag ipakita sa mga ito na nasasaktan siya.
“May pera ka na ba?”
“Kabibigay ko lang sa'yo last week 'di ba?” mahinang tugon niya.
Nagyuko siya ng ulo at umiwas ng tingin sa mga kasama ni Trevor. Hindi siya duwag pero alam niya na iyon ang tingin ng mga ito sa kaniya dahil kahit ilang beses na siyang ginugulo nila Trevor ay hindi naman siya lumalaban.
Kahit isang beses ay hindi pa siya nasangkot sa kahit anong gulo. Ayaw niyang mabahiran ng dumi ang magandang record niya. Isa pa ay iniiwasan niya na madismaya sa kaniya ang ina. Para lang matahimik na si Trevor ay binibigyan niya ito ng pera kapag nanghihingi ito.
Sa daddy niya nanggagaling ang pera na ibinibigay niya dito. Masyadong magaling ang radar ng lalaki dahil nakakatunog agad ito na binigyan na siya ng pera ng ama saka ito lalapit sa kaniya para humingi ng pera na para bang may obligasyon siya dito.
Madali naman itong kausap dahil sa oras na maibigay na niya ang gusto nito ay titigilan na siya nito…ng pansamantala. Alam niya na hanggang hindi siya nakakaalis sa university na iyon ay hindi matatapos ang kalbaryo niya kaya kailangan niyang magtiis.
“Naubos na, gumimik kasi ako. Hindi ka pa binibigyan ni tito?” muling tinapik ni Trevor ang balikat niya. Mabigat ang kamay nito na para bang anumang oras ay madidislocate na ang buto niya sa balikat.
“Wala akong pera.” Seryosong tugon niya. Totoo naman ang sinabi niya na wala talaga siyang pera ngayon dahil binigyan niya ang ina ng pambayad ng kuryente at tubig. Nagkasakit kasi ito noong isang linggo at naubos ang sweldo nito sa check up at pagbili ng mga gamot.
Ipinitik ni Trevor ang dalawang daliri sa harap niya.
“Kahit isang libo lang?”
“Pasensiya na,”
“Pinsan naman, huwag mo naman akong ipahiya sa mga kasama ko.”
Napangiwi siya nang pisilin na ni Trevor ang balikat niya. Sa ginawa nito ay parang gusto na niyang mapaluhod sa sakit. Gustuhin man niyang patulan ito ay alam niyang hindi pwede. Siguradong magagalit ang kaniyang ina at baka mas lalong maging masama ang tingin sa kaniya ng mga kamag anak sa side ng daddy niya.
Napalunok siya at huminga ng malalim para pigilan ang pagdaloy ng matinding galit sa dibdib. Unti unti nang nagdidilim ang paningin niya at kung hindi niya kakalmahin ang sarili ay baka maitulak niya ang lalaki para lang mabitawan siya nito.
“Anong ginagawa ninyo!”
Naikurap niya ang mga mata ng maramdaman ang pamilyar at mainit na kamay na humila sa isang braso niya. Gulat na nabitiwan siya ni Trevor bago niya narinig ang malakas na pagmumura nito.
“M-melody?” nagimbal siya nang makita ang dalaga. Si Trevor naman ay nakangiwi habang sapo ang nasaktang tuhod. Nanlaki ang mga mata niya ng dalawang beses pang sipain ni Melody ang tuhod ng lalaki. Namutla siya at marahang hinila ito sa baywang para mailayo kay Trevor.
“Ang kapal ng mga mukha ninyong manghingi ng pera sa iba, wala ba kayong mga magulang?” galit na sabi Melody sa grupo ni Trevor. Hindi man ito sumisigaw ay nararamdaman niya sa boses nito ang matinding galit.
“Bakit ka ba nakikialam ha?” bulyaw ng pinsan niya dito.
Nanlilisik ang mga mata na tiningnan nito si Melody. Ikinuyom niya ang mga kamao at itinago ang dalaga sa likuran niya. Sa mga oras na iyon ay wala na siyang pakialam pa kahit masira ang record niya sa unibersidad o mapagalitan siya ng mga magulang niya. Hindi siya papayag na may taong manakit kay Melody.
BINABASA MO ANG
LOVE FOR HIRE (COMPLETED)
RomanceItinuturing na isa sa pinakamaganda at matalino sa campus si Melody kaya hindi na nakapagtataka na magulat ang lahat ng maging malapit siya kay Train. May pagka-introvert at nerd kasi ang lalaki na kabaliktaran naman niya. Pero sa kabila ng lahat n...