“Magsara ka ng shop ng maaga ngayon, Melody. Umuwi ka agad para makapagpahinga ka naman. Kapag ayaw pang umalis ng mga customer, patayan mo agad ng internet. At saka iyong mga bata pauwiin mo na kasi baka mahuli sila ng mga baranggay tanod. Malapit ng mag alas diyes ng gabi.”
Mula sa pagtipa sa keyboard ay gulat na nag angat ng tingin si Melody sa amo niyang si ate Rita. Ilang araw na niyang napapansin ang maganda at masiglang mood ng kuwarenta anyos na boss niya. Palagi niya itong nakikitang nakangiti kapag umaakyat siya sa second floor para magpapalit ng barya dito.
Nalaman niya na may kachat itong foreigner dahil nang magkaproblema ang computer sa kwarto nito ay bumaba ito sa shop para gumamit ng computer. Dahil dakilang usisera siya ay padungaw dungaw siya sa monitor at kunwari lang na abala siya sa pagwawalis sa sahig. Nabasa niya sa chatbox ni ate Rita ang sangkaterbang ‘I love you babe’ mula sa kachat nito na Samuel Smitten ang pangalan.
Masaya naman siya na nakikita niyang nag iba na ang amo. Hindi na ito palaging beastmode at nakataas ang kilay sa kaniya. Hindi na rin ito kuripot dahil nag improve na ang snacks niya. Hindi na tinapay kundi spaghetti o pancit ang madalas na kinakain niya sa merienda.
Salamat Lord…
“Sure ka ba ate? Baka naman lagnatin ka po kapag nagsara ako ng maaga.”
Humagikhik ito at tinampal pa siya sa braso. Napangiwi naman siya at pasimpleng hinagod ang braso niya. Medyo malusog si ate Rita kaya mabigat ang paghampas sa kaniya ng kamay nito. Nang muling tumawa ang babae ay nakitawa na rin siya kahit wala naman siyang nakikitang nakakatawa sa sinabi niya.
Alam naman niya kung bakit gusto nitong magsara siya ng maaga. Ayaw nitong maistorbo sa pakikipagvideo chat sa boyfriend nito. Kapag nagsasara na kasi siya ng computer shop ay umaakyat siya sa second floor para ibigay dito ang susi. May hagdan naman palabas sa itaas kaya doon na siya dumadaan kapag umuuwi siya sa gabi.
Ang mga customer ay halatang tinamaan na sa pagpaparinig ng babae dahil nag out na ang mga ito. Hinintay na siya nito habang inaasikaso niya ang mga nagbabayad sa kaniya. Nang sila na lang dalawa ang matira ay binilang na niya ang benta at inintriga na sa amo.
Kailangan na rin niyang magmadali dahil kanina pa nangangasim ang tiyan niya sa gutom. Hindi pa siya kumakain ng gabihan dahil masyado siyang naging abala kanina. Tumanggap kasi siya ng typing job at pumayag naman si ate Rita na ang kita ay mapupunta sa kaniya. Ganoon na lang ang pagpupursige niya na matapos ang trabaho dahil marami siyang natanggap na typing job mula nang magpaskil siya ng announcement sa labas ng computer shop.
“Uuwi na po ako.”
“Oo nga pala, bakit hindi ka umakyat kanina para kumuha ng pagkain mo?”
“Busy po ako kanina.”
Sabay pa silang napalingon nang marinig ang pagtunog ng wind chime na nakasabit sa pinto. Tanda na may taong pumasok sa loob.
“Sarado na po.” Nang tingnan niya ang taong dumating ay nabigla siya nang makita si Train.
Si ate Rita naman ay nagulat rin at napatulala pa nang makita ang binata.
“Ang gwapo…” kinikilig na sabi pa nito.
“Bakit nandito ka?” pigil ang paghingang tanong niya sa lalaki.
Nilukob nang mainit na emosyon ang dibdib niya nang magtama ang mga mata nila. Sa hitsura nito ngayon ay alam niyang kagagaling lang nito sa ospital. Halata kasi sa buong mukha nito ang matinding pagod. Hindi pa rin ito nagpapalit ng damit dahil blue long sleeved at black slacks ang suot nito na alam niyang isinusuot nito kapag nasa ospital ito.
“Kilala mo?” namilog ang mga mata ng amo niya nang sulyapan siya.
Matipid na ngumiti na lang siya dito at magalang na nagpaalam na. Ngayong alam niya na mahilig sa gwapo si ate Rita ay kailangan niyang ilayo si Train.
Natawa na lang siya sa naisip at mabilis ang mga hakbang na lumapit siya sa binata na nanatili lang nakatayo sa may pinto.
“Halika na,” hinila niya ang isang braso nito.
Mukhang nagkamali siya nang ginawa dahil nang magdikit ang mga balat niya ay naramdaman niya ang pagdaloy ng kakaibang init sa katawan niya. Napailing na lang siya at hinila na palabas ng computer shop ang lalaki.
“Okay lang ba na umalis agad tayo? Baka magalit ang boss mo.”
“Kaya na niyang magsara ng shop niya.” Wika niya habang hinihila pa rin ito hanggang sa makarating sila sa kinaroroonan ng kotse nito.
Nang pakawalan niya ang braso nito ay nag aalangan na sinalubong niya ito ng tingin.
“Bakit nga pala nandito ka?”
Kumalma ka naman puso. Kulang na lang tumambling ka na sa loob ng katawan ko eh!
“Ayaw mo akong makita?”
“Ha?” umawang ang mga labi niya sa pagkabigla.
Nawindang ang puso niya dahil sa kakaibang kislap ng mga mata ni Train. Pakiramdam niya ay biglang gumuho ang invicible wall na inilagay nito sa pagitan nila mula nang saktan niya ito noon.
“Payag na ako.” Nangingiting sabi nito at hinaplos ang pisngi niya.
Naipikit niya ang mga mata nang rumehistro sa balat niya ang init ng palad nito.
“Sabi mo hindi ka kontento sa isang date lang, ako naman gusto kong malaman kung talaga bang minahal mo ako noon.”
Goodness!
Sampung malalaking drum na siguro ang tumatambol sa dibdib ni Melody. Naikurap niya ang mga mata nang humakbang ang binata palapit sa kaniya. Yumuko ito at kinintalan siya ng masuyong halik sa ibabaw ng noo habang sapo nito ang mga pisngi niya.
"Payag ka nang makipagdate sa akin ng maraming beses?” mabigat ang paghinga na tanong niya.
Hinawakan nito ang baba niya para maingat ang ulo niya.
“Nang maraming maraming beses.”
//Please dont forget to//
FOLLOW. READ. VOTE. SHARE
BINABASA MO ANG
LOVE FOR HIRE (COMPLETED)
RomanceItinuturing na isa sa pinakamaganda at matalino sa campus si Melody kaya hindi na nakapagtataka na magulat ang lahat ng maging malapit siya kay Train. May pagka-introvert at nerd kasi ang lalaki na kabaliktaran naman niya. Pero sa kabila ng lahat n...