NILAPITAN ni Ara ang kanyang papa na si Don Carlito na kasalukuyang umiinom ng alak sa kanilang mini-bar. Katatapos lang nila ng hapunan noon, at tulad nang nakagawian ng kanyang papa, umiinom ito ng ilang shots ng alak bago matulog.
Naupo siya sa stool ng katabi ng inuupuan nito.
"Papa, bakit hindi na lamang natin ibigay sa mga manggagawa ang hinihingi nila?" Nananantiyang sabi niya.
Nilingon siya ni Don Carlito.
"Gusto mo bang lumiit ang ating kita?"
"Pero, Papa, karapatan lang naman nila ang kanilang hinihingi e. Saka, baka ituloy nila ang pagwewelgang balak nila."
"Huwag mong intindihin yon. Ilang ulit na nilang tinangkang magwelga pero hindi naman natutuloy. Saka nakahanda ako sa anumang gusto nilang gawin."
Bahagyang napailing si Ara. Sa palagay niya ay hindi niya mapapakiusapan ang kanyang ama.
Tinungga ng Don ang laman ng baso nito. "Siya nga pala, gusto kitang ikuha ng bodyguard!"
"Bodyguard? Papa, palagi ko nang kasama ang Yaya Viring ko at si Mang Eloy. Bakit pa ako mag bo-bodyguard?"
"Naisipan ko lang na baka maisipan ng mga tauhan natin na ipakidnap ka para mapilitan akong magbigay sa kanila."
"Eh bakit nga ba kasi hindi pa ninyo ibigay ang hinihingi nila, e."
"Iha, ang mabuti pa ay magpahinga ka na. O, baka naman gusto mong magbakasyon sa Europe!"
"Hay naku, papa, natapos na ang hilig ko sa paglalakbay na iyan! Dito na lang ako sa atin para makatulong ako sa kompanya."
"Siya, sige na, magpahinga kana!"
Wala na siyang nagawa kundi iwan ang ama at umakyat na sa kanyang kuwarto.
Umupo muna sa kama si Ara nang makapasok sa kanyang kwarto. Gusto niyang matulungan ang mga manggagawa pero ayaw naman siyang pakinggan ng kanyang papa.
Kanina ngang hapon, sa opisina ay nakausap niya ang kanilang abugado na sipsip sa kanyang papa.
"Hinanda ko na ang response natin sa request ng unyon ng mga manggagawa. Pag-aralan mo dahil iyan ang gusto ng Papa mo," sabi ni Atty. Cabog matapos ilapag sa mesa niya ang mga papeles.
"Sabihin mo sa akin, Attorney. Hindi ba't as Director of Personnel ay pwede kong irekomenda na magkaroon pa tayo ng meeting sa unyon?"
Nagkibit balikat lang ang abogado. Inubos nito ang kape sa tasa. "Desidido na ang Papa mo."
"Nakausap ko ang Vice-President for Finance. Ang sabi niya, kapag nagbigay ng wage increase, mababawasan ang kita ng kumpanya pero hindi naman tayo tuluyang malulugi."
"At sasabihin natin sa papa mo na mali siya?" Kabisado na ni Atty. Cabog ang ugali ni Don Carlito.
"Anong gusto mong gawin ko?"
"Bakit hindi ka magbabakasyon sa Europa?"
Ang alam ni Atty. Cabog, kapag nagkakaproblema ang mayayaman ay nagsisipagbakasyon ang mga ito sa Amerika o kaya'y Europa. Dahil kagagaling lang ni Ara sa New York, ay maaaring sa Paris naman niya nais magtuloy kaya ito ang minungkahi ng abogado.
"Dito ang trabho ko Attorney."
"Mag-organize ka ng sportfest. Kung ayaw nila, magdaos ka ng beauty contest at koronahan mo ang magwawaging Binibining Imprenta."

BINABASA MO ANG
Kidnap
RomanceMAAYOS ang buhay ni Ara, masaya at halos wala kaproble-problema. Isa syang mataas na opisyal ng negosyo ng mga magulang. Maganda si Ara at maraming nanliligaw sa kanya bagaman at wala siyang magustuha kahit isa sa mga ito. Hindi naman siya pi...