KIDNAP #10

21 1 0
                                    

"ANO-ANO ba ang mga ipapabili mo sa bayan?" Tanong ni Aling Maring.

"Heto ho at ililista ko para sa inyo." Sagot ni Ara.

"Huwag na't tatandaan ko na lang." Ang totoo'y nahihiya si Aling Maring na sabihin na wala namang kwenta kahit na ilista ng dalaga dahil hindi naman marunong magbasa ang matanda.

Ipinaliwanag ni Ara ang balak. "Gusto ko ho kasing magluto ng spaghetti."

Nailang si Aling Maring. Hindi kaya nagugustuhan ng dalaga ang niluluto niya?

"Paborito ho kasi nitong si Neneng. Kaarawan pala niya noong isang linggo. Eh gusto ko naman hong ipagdiwang niya na nandito ako, hindi ho ba. Isa pa, para matikman niyo nya naman ang luto ko."

"Ikaw talaga, Neneng. Inaabala mo ang bisita," galit ni Aling Maring sa anak.

Nakangiti ito kaya't hindi naman masyadong nag-alala si Neneng. Alam niyang nahihiya lang nang kaunti ang ina sa kanilang magandang bisita.

"Ano pa ba ang mga bibilhin ko, iha?"

"Eh di bumili ho tayo ng giniling na baka, spaghetti, maraming-maraming kamatis, maliking siling pula, sibuyas, bawang, tinapay at butter."

"Margarina ba'y pwede na, ha?" Tanong ni Aling Maring.

"Pwede po." Proid na proud si Ara sa sarili dahil handang-handa siyang mag-substitute ng mga ingredients.

"Ketchup ba at hotdog ay hindi ka magpapabili?" Ang alam ni Aling Maring ay nilalagyan ng ketchup at hotdog ang spaghetti. Nakapagluto naman na yata siya nito.

"Ibang klaseng spaghetti po kase ang lulutuin ko, iyong espesyal para kay Neneng." Paliwanag ni Ara.

"Marami palang klaseng spaghetti."

"Kung gusto nyo ho, ituturo ko sa inyo ang iba pang uri ng pagluluto ng spaghetti," Mungkahi ni Ara.

Tuwang tuwa si Aling Maring. Napakabait naman pala ng taga-Maynila. Ibabahagi pa sa kanya ang iba't ibang putahe. Matututo na rin siya ng pagluluto ng pagkaing-mayaman.

"Bumili na rin po kayo ng gamot sa eczema at ng dyaryo, kung meron," bilin ni Ara.

Nang makaalis na ang matanda ay tinulungan ni Ara si Neneng sa pagsasampay ng nilabhang mga damit.

"Siguradong matutuwa ang Manong sa handa natin mamayang gabi, Manang." Ang sabi ng dalagita.

Napangiti si Ara. Hindi dahil sa balak niyang handa kundi sa pagtawag ni Neneng sa kanila ni Marko ng Manong at Manang.

.
.

.
*********
SAMANTALA, buong araw na mainit ang ulo ni Marko. Nainip siya kaninang umaga sa kahihintay kay Doro kaya maaga pa lang ay nagtungo na siya sa tabakalera. Pagdating na pagdating niya'y pinatawag na agad siya ng superbisor. Kahit na nagbigay-galang naman siya nang pumasok sa opisina nito'y ni hindi ito ngumingiti nang humarap sa kanya.

"Sigurado ka bang gusto mo uling magtrabaho dito? Baka mamaya lang ay umalis ka na naman." Sumbat ng superbisor.

Natandaan pa nitong wala pang isang taon ang nakakaraam ng magpaalam si Marko upang maghanap ng trabaho sa Maynila.

KidnapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon