Namaalam na ang araw at pinalitan na ito ng buwan sa alapaap. Naglalaro ang mga anino na dulot n liwanag ng buwan. Nakakalungkot. Hindi na din siya mapagsidlan ng antok.
Naupo si Sal sa tabi ng makalat niyang lamesa at nagsimulang sumulat sa ilalim ng liwanag na sumisilip sa bintana. Tahimik ang gabi. Walang mga kuliglig o mga palakang kumokokak matapos ang ulan. Ang buwan. Buwan lamang na iniilawan ang isang munting lamesa. Patuloy siyang sumulat.
...malugod na ipinakikiusap sa inyo na ang anak nito'y...
Ngunit hindi kailanman babanggitin iyon ng Signor. Siya ang imahe ng dignidad at dangal, at sa kadahilanang iyon ay hindi niya tatawaging anak si Oleon sa harap ng ibang tao. Inulit niya ang ginagawang liham.
...malugod na ipinakikiusap sa inyo na ang mag-aaral na si Napoleon Felix Cuore ay bigyang liban sa kanyang klase...
Batid niya na hindi manggagaling sa Signor ang mga salitang naiukit sa liham na ipapadala nya ngayon sa Paaralan ni Oleon. Ang Signor ay laging malayo, ang nakakapasong lamig ng araw.Kung ipipikit niya ang kanyang mata ay makikita niya ang mga kayumangging mata na laging nakatingin sa kaaalan ngunit hindi siya makikita. Kanya ang boses na nagdadala sa kanya ng kaba.
Sa wakas, ang huling hakbang. Ang pag-ukit ng pirma ng Signor.
Kakaiba. Mali. Nanginginig na ang kamay na isiping isusulat nya ang pangalan ng Signor. Parang may boses. Parang magsasayaw ang mga anino sa kanyang kwarto sa kaparehong paraan nito noong pinakauna niyang ala-ala.
Iniwan nya sa bandeha ang liham na tiyak na susunduin ng tagapagsilbi kinabukasan.
Makakalimutan ba o matatagpuan? Para saan pa ba ang pagtatanong? Ang pagpili ay para lamang sa mga matatapang, sa mga pinagpala.
Lumipas ang isang linggo na walang anumang kakaibang nangyayari. Kagaya lang ng dati. Mananatili siya sa kwarto sa umaga. Nakapinid ang mga bintana.
Tatlong mariing katok. Matamlay niyang binuksan ang pinto sapagkat paniguradong ang tagapagsilbi na naman ito. Maling akala.
Humampas ang mahabang tungkod sa kanyang pisngi. Dumating ang Signor. Hindi. Dumating na ang kanyang ama. Mas mahapdi ang titig niya kaysa sa sakit na nararamdaman sa pisngi. Sa ganitong mga pagkakataon nya nakikita ang tunay niyang hitsura.
"Ang pangingialam sa usapan ng iba ay hindi mo karapatan. Ni minsan ay hindi ito magiging karapatan ng isang babae."
" Patawad."
Ngunit hindi ito bukal sa puso. Walang laman. Hindi mo masasaktan ang damdamin ng isang taong walang pagpapahalaga sa iyo.
" Ipinahiya mo ako," patuloy ng Signor." At hindi ko hahayaang patuloy mong dumihan ang ngalan ng Cuore."
Ngayon ay tanging sahig na lamang ang nakikita ni Sal sa kanyang pagkakayuko. Walang magiging damdamin. Walang makikitang lungkot.
" Nararapat na ipagbigay-alam sa Ginoong Lidelse na walang kasalang magaganap. Nang sa gayon, lubos na magiginhawaan ang kanyang pamangkin."
Parang tinamaan siya ng kidlat sa narinig. Pinilit niyang i-blangko ang utak para manahimik ang anumang luha.
" Hindi ka nararapat na maging anak ko." Mahinang bumulong ang Signor sa pagtalikod nito.
BINABASA MO ANG
Ang Mutya ng Salamin
General Fiction"Upang matagpuan nito ang sarili, kailangan nitong mabasag." Ang apat na sulok ng silid ang tanging mundong kinalakihan ni Sal. Gaya ng isang mayang nasa hawla, ninais rin niya na lumipad at makalaya sa kabila ng mga biyaya at yamang natatanggap bil...